Maglakbay kasama ang isang matapang na kapitan ng barko at ang kanyang anak na babae at pet na parrot sa isang kapanapanabik na ekspedisyon. Tuklasin ang mga bagong lugar na hindi pa nakikita ninuman at hanapin ang mga nakatagong kayamanan. Gamit ang iyong talino, tulungan ang mag-ama na lutasin ang mga puzzle upang matunton ang mga kayamanan. Halina’t kilalanin natin itong laro dito sa artikulong gawa ng Laro Reviews.
Mga Tampok ng Laro
Ang Gems Voyage – Match 3 & Jewel Blast ay isang offline puzzle game na ginawa ng xingyunstudio002. Mayroon itong simple ngunit nakakaaliw na gameplay at mahigit 1000 stage at level na maaring laruin. Mayroon din itong mga power ups na makakatulong sa iyo na mapadali ang paglutas ng mga mahihirap na puzzle tulad ng hammer na kayang basagin ang kahit anong gem, pick axe na kayang basagin lahat ng gem sa isang hanay pababa at compass na kayang basagin ang lahat ng gem sa isang hanay pahalang.
Para laruin ito, kailangan mong kumpletuhin ang quest at task sa pamamagitan ng pag-match ng mga gems upang mabasag ito. Mukhang mahirap intindihin kung babasahin ngunit tinitiyak ko sa iyo na napakadali lang nitong laruin. Ngayon ay talakayin naman natin ang mga pangunahing tampok nitong laro.
Shop – Dito ay maaari kang bumili ng mga power ups, gold coins at karagdagang life gamit ang tunay na pera.
Home – Dito nagaganap ang laro at ditorin makikita ang stage at level na iyong naipasa.
Team – Dito ay pwede kang sumali sa grupo. May mga benepisyo ang pagsali sa isang grupo. Halimbawa ay pwede kang humingi ng life kapag naubusan ka na.
Leaderboard – Ito ang global ranking system ng laro. Mayroon itong tatlong kategorya at ito ay ang player ranking, team ranking at friends ranking. Makikita mo lamang ang friends ranking kapag nag-bind ka ng iyong Facebook account.
Paano i-download ang Gems Voyage – Match 3 & Jewel Blast?
Hindi mo na kailangan gumawa ng log in account upang makapag-simulang maglaro nito ngunit tulad ng nabanggit sa itaas, kung gusto mong makita ang friends ranking, kailangan mong i-bind ang iyong Facebook account dahil ito ang pagbabasehan ng nasabing ranking. Para i-download ito sa Android, buksan ang iyong Google Play Store app at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro at i-click ang Install. Sa kasalukuyan wala pa itong iOS version ngunit maaari mo itong laruin sa PC. para i-download ito sa PC, pumunta sa Gameloop.com at hanapin itong laro sa website at i-click ang Download. Para sa mabilis na pag-access, i-click ang mga link sa ibaba.
Download Gems Voyage – Match 3 & Jewel Blast on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.xingyun.gemsvoyage.free
Download Gems Voyage – Match 3 & Jewel Blast on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.xingyun.gemsvoyage.free
Tips at Tricks para sa mga Baguhan
Malamang karamihan sa mga manlalaro ay pamilyar sa ganitong konsepto ng puzzle. Simple lang ang gameplay nito kaya sigurado akong madali lang itong maintindihan. Para naman sa mga baguhan at gustong matuto kung paano ba lutasin ang mga puzzle nang mas epektibo, narito ang mga payo ng Laro Reviews na tiyak magbibigay ng karagdagang kaalaman sa inyo.
Tandaan na mayroong task ang laro. Halimbawa nito ay kailangan mong kolektahin ang mga gold bar na nakatago sa ilalim ng mga salamin. Maaaring basagin ang mga salamin sa pamamagitan ng pagtutugma ng mga magkaparehong gem. May limit din ang galaw na maaari mong gawin at kapag hindi mo natapos ang task at naubusan ka na ng moves ay matatalo ka. Dahil dito hindi ka pwedeng mag-match ng mga gem na hindi nakatuon sa task o walang koneksyon sa task dahil masasayang ang iyong moves at mauubusan ka nito bago mo matapos ang iyong task kaya bago gumalaw ay tiyakin kung ano ang benepisyo na iyong makukuha sa bawat galaw na gagawin.
Mas mainam din kung titipirin mo ang iyong power ups at gamitin lamang ito kung kinakailangan. Mahirap makakuha ng power ups dahil ang tanging mapagkukunan nito ay ang pag-kumpleto ng quest. Hangga’t maaari, sikaping malutas ang puzzle nang hindi gumagamit ng anumang power ups nang sa gayon ay may magagamit ka kapag kinakailangan na. Panghuling payo ay huwag mag-quit nang hindi tinatapos ang level dahil mababawasan ang iyong life at kapag naubos ito, kailangan mong maghintay ng mahabang oras upang makapaglarong muli.
Kalamangan at Kahinaan
Ang konsepto nitong laro ay pangkaraniwan na sa larangan ng puzzle games kaya hindi na ito kailangang ipaliwanag ng maigi. Gayunpaman, mayroon itong mga katangian na nagbibigay dito ng kakaibang puzzle game experience. Isang halimbawa nito ay ang balanseng gameplay. Hindi gaanong mahirap lutasin ang mga puzzle nito, sa katunayan, kayang maipasa ang lahat ng stage ng laro nang hindi nababawasan ang life points. Kahit na hindi ka gumamit ng power ups ay kaya mo pa rin tapusin ang buong laro kung mayroon kang sipag at tyaga na mag-isip ng solusyon sa bawat puzzle. Maaari ka rin makipagkaibigan sa mga manlalaro sa buong mundo dahil sa feature na team at kung gusto mong makipag-tagisan ng kakayahan sa iyong mga kaibigan sa Facebook ay maaari mo rin gawin dito gamit ang Leaderboard feature.
Napakaganda ng 3D graphics nito at ang storyline ay talagang pinag-isipan ng maigi. Ngunit sa kabila ng mga magagandang katangian ng laro ay mayroon din itong kapintasan. Isa na rito ay ang napakaraming pop up ads. Sa tuwing matatapos ang isang stage ay may lumilitaw na ads at kung minsan ay nakakainis ito dahil may mga ads na hindi maaaring i-skip. Pagkatapos maipasa ang ika-1000, nagiging nakakayamot ang laro dahil sa stage na ito ay nagiging paulit-ulit na lang ang mga puzzle. Mas magiging mainam sana kung dadagdagan ng developer ang puzzle nito.
Konklusyon
Itong laro ay nakatanggap ng star rating na 4.6 sa Google Play Store. Kung babasahin mo ang mga reviews nitong laro sa Google Play Store, malalaman mong maraming manlalaro ang naaaliw at nahuhumaling dito ngunit karamihan sa kanila ay nababagot katagalan dahil sa paulit-ulit na puzzle task ng laro kapag lumampas na sa level na 1000. Sa tingin ko, kung madadagdagan ito ng mga bagong tampok at puzzle, tinitiyak kong mas dadami pa ang manlalaro nito. Ngunit kung ang hinahanap mo lang naman ay nakakaaliw na larong puzzle, iminumungkahi kong subukan mo ito.