Sandwich Runner Review

Isa ang pagkaing sandwich sa mga paborito nating agahan o maging meryenda. Bukod sa masarap ito, mayaman din ito sa sustansya dahil sa mga gulay at prutas na kalakip dito katulad ng lettuce, bell pepper, abokado at iba pang gusto nating isahog. Kadalasang laman din ng meal box ng mga estudyante ay ang nabanggit na pagkain. Pero, sa tanang buhay mo ba ay nakakita ka na ng tinapay na hindi lamang marunong tumakbo o lumundag pero kaya ding manguha ng sariling sangkap upang gawin ang sarili bilang isang masarap na sandwich? Nakakasiguro ako hindi pa, kaya naman sa artikulong ito ay ipapakilala ko sa inyo ang larong Sandwich Runner.

Ano nga ba ang larong ito at paano ito laruin?

Simple lamang ang alituntunin sa larong ito: ang kontrolin ang tinapay na manguha ng mga sangkap kagaya ng sushi, bell pepper, karne, repolyo at itlog. Ngunit mag-ingat lamang na hindi madampot ang ibang bagay kagaya na lamang ng mabahong medyas, bulok na isda at ang pinaka-nakakadiri ay tae. Dapat ring maging alisto na maiwasan ang ilang mga hadlang sa laro kagaya ng mga nakakalat na bato na maaaring magpatalbog sa iyo papunta sa dagat, mga umiikot na bagay na siyang babawas sa dami ng mga nakolekta mong sangkap at ang pinakamahalagang dapat iwasan sa lahat ay ang flaming object at likidong umuusok na sakaling madaanan mo ay magiging dahilan ng pagkatalo sa laro.

Features ng Sandwich Runner

  • Masustansyang pagkain – Hindi man direktang sinasabi ng laro na kailangan nating kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina, sa larong ito mapapansin natin na lahat ng pagkain ay may sustansyang ibinibigay kagaya ng tinataglay na protina ng itlog at karne, Vitamin B6 ng repolyo, at Vitamin C ng mga sili.
  • Libreng recipe – Mula sa paglalaro nito, maaari ka ng makagawa ng sarili mong masustansyang sandwich na maaari ring maibahagi sa iba.
  • Magandang sound effects – Isa sa mga katangian ng laro na dapat na tinataglay ay ang pagkakaroon ng magandang sound effect na hindi nakaka-distract. Sa larong ito, hindi maingay pakinggan ang mga tunog na nagmumula sa laro dahil dalisay lamang ang mga ito pakinggan sa tainga dahil walang mga explosive sound at malalakas na tunog.
  • Pwedeng malaro ng sinuman – Walang edad na pinipili ang larong ito, dahil madali lamang laruin, kayang-kaya itong maipanalo ng mga bata, maging ng mga matatanda. Wala ng iba pang mga komplikadong control button ang kailangan pindutin dahil gamit lamang ang isang daliri upang igalaw ang tinapay ay maaari na itong malaro
  • Opsyunal na ads para sa mga skin sa laro – May kalayaan ang isang manlalaro na gamitin ang kanyang mga nakolektang coins sa laro upang ipambili ng bagong tinapay na gagamitin, o manood na lamang ng ads kapalit nito.

Saan maaaring i-download ang laro?

Maaaring gamitin ang sumusunod na links upang mai-download ang laro:

Download Sandwich Runner on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=jp.co.dwango.HcgDW007SandwichRun&hl=en&gl=US

Download Sandwich Runner on iOS https://apps.apple.com/gb/app/sandwich-runner/id1592065419?uo=2

Download Sandwich Runner on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-jp.co.dwango.HcgDW007SandwichRun-on-pc.html

Pros at Cons ng Laro

Isa sa mga positibong katangian ng larong ito ay ang pagiging madaling laruin nito. Hindi na nakakapagtaka na marami ang downloads nito sa Play Store sapagkat hindi ito dinisenyo para sa piling henerasyon lamang. Bukod pa rito, malalaro ito ng naka-offline – ibig sabihin hindi na kailangan pa ng wifi o mobile data habang nilalaro ito kaya naman kahit saang lugar ka pa, may internet man o wala, ay ma-eenjoy mo pa rin ang paglalaro nito.

Sunod dito ay ang pagiging violence-free ng laro. Hindi natin maikukubli ang katotohanan na maraming mga magulang ang nangangambang hayaang maglaro ng mga mobile game ang kanilang mga anak dahil sa posibleng mga karahasan, kalaswaan at mga salitang hindi dapat sambitin na maaari nilang makuha. Ang larong Sandwich Runner, sa kabutihang palad, ay hindi nagtataglay ng alinman sa mga nabanggit.

Dumako naman tayo sa mga negatibong katangian ng laro. Unang-una sa maaaring ipintas sa larong ito ay ang pagkakaroon ng madalas na glitching at bugging sa laro. Kung nagsisimula ka pa lamang sa paglalaro ay hindi mo pa mararanasan ito. Ngunit kapag nasa matataas ka ng lebel ng laro, maya’t maya ang pagkakaroon ng delay habang iginagagalaw ang tinapay, tumatagal din ito ng ilang segundo bago bumalik sa dating ayos. Pwede pang pagtiyagaan ang isa o hanggang tatlong glitching at bugging sa paglalaro ngunit nakakairita na kung palagian itong mangyari. Sunod na rito ay ang hindi ito mainam na laruin nang nakabukas ang Wifi o mobile data mo dahil magsasawa ka rin sa dami ng pop-ads na bigla-bigla na lamang susulpot sa iyong screen.

Sa karagdagan, nakakasiguro ang Laro Reviews na madaling magsasawa ang mga teenagers o young adults sa paglalaro nito dahil sa kawalan ng difficulty sa mga challenge sa laro kahit pa sabihin nating habang tumatagal ay mas lalong dumadami ang bilang ng mga balakid. Paulit-ulit lang ang misyon at iyon ay matagumpay na maiwasan ang nag-aapoy na bagay, umuusok na likido at ang madampot ang nakakadiring tae. Bilang nabanggit na rin ang pagkakaroon ng nakakadiring tae at iba pang bulok na bagay, sana lang ay imbis na ang mga ito ang ilagay ay pumili lamang ng ibang hindi nakakadiring bagay.

Konklusyon

Ang larong Sandwich Runner ay hindi maikakaila na may malaking potensyal na pumatok pa sa mga gamers saan mang panig ng mundo. Isa itong laro na hindi na nangangailangan ng load o ang gumastos upang bumili ng mga skin sa laro. Malayo rin ito sa impluwensya ng karahasan dahil walang patayan, sakitan, nakakatakot na senaryo, malalaswang larawan at masasamang salita. Nakakasiguro ang Laro Reviews na sa oras na pakinggan ng developer ng laro ang problema sa glitching at bugging, hindi na mapipilitan ang mga manlalarong i-uninstall ito sa kanilang mga device. Lubos na nangangailangan din ng mga update sa laro lalo na sa game feature. Mas pahabain pa sana ng kaunti ang oras bago matapos ang isang game level, mas madagdagan ang level of difficulty ng laro, madagdagan ang mga sangkap ng sandwich, bigyang buhay ang tinapay kagaya ng paglalagay ng mga paa, mata, kamay at iba pang bahagi ng katawan upang mas maging kaaya-aya ito sa paningin ng mga manlalaro. Higit sa lahat, tanggalin na ang mga nakakadiri at nakakasukang bagay na nakalakip sa laro. Sa pangkalahatan, maaaring ilagay sa listahan ninyo ang pag-install sa tinutukoy na laro, umasa lamang tayo na lahat ng mga negatibong katangian nito ay agad na mabibigyan ng solusyon.