Monster Legend Review

Nakakita ka na ba ng larong ang misyon mo ay mangalap ng itlog, alagaan ang mga ito at kung mapisa na ay dalhin naman sa iba’t ibang klase ng labanan? Iyan ang hatid ng larong itatampok namin sa artikulong ito. Ito ang tinatawag na Monster Legend, isang round-based role playing strategy game na inilabas ng Epic Game upang magbigay-aliw sa bawat manlalaro sa iba’t ibang sulok ng mundo. Bagay na bagay ito sa mga manlalarong natitipuhan ang mga laro kung saan maaari silang magkaroon ng mga karakter na ituturing nilang pet at maaaring isalang sa bawat labanan upang magkaroon ng adbentahe sa laro. Sa larong ito, hindi mabilang na pets ang maaaring mapasaiyo. Maaari mo silang alagaan, i-upgrade, tulungan silang i-enhance ang kanilang skills upang mas maging malakas pa kaysa iba pang pet na naririto. Maaari ka ring mag-solve ng puzzle upang makakuha pa ng marami pang itlog na siya mo ring aalagaan sa susunod. Nais mo bang subukan? Huwag ng magdalawang-isip pa! Halika na’t simulan na nating pasukin ang larong ito!

Features ng Monster Legend

Una ka munang dadalhin ng Monster Legend sa pagku-customize ng iyong magiging karakter sa larong ito. Ikaw ang bahalang mamili ng iyong kasarian at kung ano ang nais mong maging itsura sa laro. Sa kabuuan, mayroong apat na nakalaang pagpipilian sa lalaki, gayundin sa babae. Susunod ka naman nitong dadalhin sa pinaka-highlight ng larong ito. Narito sina Onias, Pinsis, at si Fabby. Bawat isa sa kanila ay mayroong kanya-kanyang abilidad o skills na siyang maaari mong gawing gabay sa pagpili sa kanila. Isa sa kanila ang maaari mong maangkin bago ka pa man isalang sa mismong misyon mo sa laro.

Ang Monster Legend ay mayroong malawak na mapa kung saan maaaring puntahan ng bawat manlalaro upang sanayin ang kanilang mga pet pagdating sa pakikipaglaban. Kung baguhan ka pa lamang sa larong ito at binuksan ang Explore section ay dadalhin ka muna ng laro sa Moloo Land. Bawat lugar na iyong mapupuntahan sa mapa ay mayroong tig-limang level. Laman ng bawat level na ito ang iba’t ibang klase ng pet na maaaring makatapat ng iyong mga pet. Bagaman natapos mo na ang limang level ay hindi ito nangangahulugan na maaari ka nang lumipat sa panibagong lugar dahil kailangan mo munang balikan ang iyong mga naging kalaban mula simula. Asahan na sa muling pakikipaglaban sa kanila ay maaaring mas dumoble ang naging lakas ng mga ito. Sa oras na matapos mo na ang mga challenges na ito ay panibagong lugar naman ang mabubuksan sa mapa para muling subukin ang galing sa pakikipaglaban.

Tinatayang nasa 400 na pet na may iba’t ibang klase ng rarity ang maaaring mapasaiyo sa oras na mapagtagumpayan mo ang bawat laban sa larong ito. Sa Pet section makikita ang ilan pang mga features gaya ng Hatching kung saan dito dumidiretso ang mga itlog na iyong nakukuha sa bawat naipanalong laban. Dito rin nagaganap ang pagbasag mo sa itlog upang makita kung anong klaseng pet ang nasa loob nito. Sa Warehouse naman makikita ang kabuuang listahan ng iyong mga pet na nakuha. Dito rin nagaganap ang pagpili mo ng maaari mong gamitin sa bawat laban. Sa Enhance naman nagaganap ang pag-upgrade sa iyong pet pagdating sa kanilang speed, attack, defense, magic, at resist. Bukod pa sa mga ito ay may iilan pang mga section na makikita rito na maaari lamang mabuksan kung magpapatuloy kang laruin ito. Ilan sa mga iyan ay ang Evolve, Potential, Combination at Bookshelf.

Bukod pa sa mismong Campaign ng laro ay mayroon ding hinanda ang Monster Legend na mga game mode kung saan maaari mong subukan hindi lamang ikaw kundi kasama ang iba pang manlalaro rito. Gaya ng Arena section kung saan makikita rito ang Rate Battle, Cross Server Battle, Single Battle at Point Contest. Kung may pagkakataon naman na tila mahirap para sa iyo na lampasan ang ilang mga laban dito, mayroon namang nangyayaring Alliance sa larong ito na maaari mong salihan o kaya naman ay ikaw mismo ang lumikha.

Saan maaaring i-download ang Monster Legend?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 60MB sa Google Play Store. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba. Hindi pa available ang Monster Legend ng Epic Game sa iOS o PC.

Download Monster Legend on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gwlmfk.tw

Tips at Tricks sa paglalaro ng Monster Legend

Upang magkaroon ng adbentahe sa larong ito, kailangan mo lamang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Kung baguhan ka pa lamang sa laro, bubungad sa iyo si Mayor Kane upang ipaliwanag sa iyo ang ilang mga bagay na maaari mong gawin sa loob ng laro. Sa dami ng mga features na makikita sa larong ito, pinakamainam na tinatandaan mo ang ilang mga bagay na ipinapaliwanag sa iyo rito. Basahin ang ilang mga instructions kahit gaano pa ito kahaba dahil mahalaga ang mga ito upang malaman kung ano ang magiging kalakaran sa loob ng Monster Legend.

Ang pinakamadaling paraan, bukod sa pagbili sa shop, upang maparami pa ang iyong mga pet ay ang dumaan sa iba’t ibang klaseng labanan. Sikaping ipanalo ang bawat laban. Sa oras naman na makarami ka ng naipong pets, dalhin lamang ang mga ito sa bawat laban dahil isa ito sa pinakamadaling paraan upang madagdagan ang kanilang XP. Bagaman kahit hindi sila nakikipaglaban, makakakuha pa rin sila nito.

Pros at Cons ng Monster Legend

Para sa Laro Reviews, kung may maituturing na kalamangan ang Monster Legend, masasabing ito ay ang graphics na ginamit para rito. Nakakatulong ang artstyle na siyang mapapansin sa itsura ng mga pet na naririto. May iilang simple ngunit may unique naman na dating. Isama mo pa ang mga karakter na bagaman iilan lamang ang maaaring pagpilian ay ikatutuwa mo ang pagpili sa kanila dahil sa iba’t ibang klase ng istilo ng kanilang mga pananamit. Bukod pa rito, sapat na rin ang game mechanics ng Monster Legend upang kagiliwan ng lahat. Hindi mahirap intindihin dahil kailangan mo lang naman ipadala ang iyong mga pet sa bawat labanan upang mas mapalakas pa ito o kung nais mong madagdagan pa ito.

Bagaman may gameplay ang larong ito kung saan masasabi mong sapat na dahilan para subukan ito, hindi naman maikakaila na may mga features din dito na maituturing na hadlang upang laruin mo ito nang pangmatagalan. Gaya na lamang ng ilang mga bagay sa loob nito na kahit sinubukan mo na isalin sa wikang Ingles ay may ilan pa rin ditong nananatili pa ring naka-Mandarin, dahilan kung bakit may ilang parte ng laro na hindi mo maiiwasang maguluhan pa rito. Dagdag pa sa masasabing disadbentahe ng larong ito, may ilang mga section na makikita sa loob nito na sinasabing makakatulong diumano sa iyo bilang baguhang manlalaro nito ngunit kung bubuksan naman ay wala naman itong kalaman-laman.

Konklusyon

Tunay na may angking ganda ang Monster Legend pagdating sa gameplay at graphics na mayroon ito. Gayunpaman, may pagkakataon na habang nilalaro mo ito ay mapapagtanto mo na lamang na tila ba isa na naman ito sa mga larong makakausad ka lamang kung maglalaan ka ng salapi mula sa iyong bulsa. Ilan sa mga manlalaro nito ang nakaranas ma-ban dahil para bang hindi pinapayagan ng laro na ito na mag-grind na lamang kaysa bumili ng mga items dito gamit ang tunay na pera. Kaya naman, kung nais mo itong laruin ay maaari pa rin naman ngunit hindi ito ang tipo ng larong maaaring laruin nang pangmatagalan.