Atlantis: Alien Space Shooter Review

Hindi na bago sa ating pandinig ang mga shooting game na ang karaniwang battlefield ay nasa kalawakan. Ngunit kung sawa ka na sa paglalaro sa ibabaw ng mundo, tiyak na matutuwa ka sa larong inihahandog ng Spirit Bomb – Arcade Shooting Games, ang Atlantis: Alien Space Shooter kung saan makakaharap mo ang iba’t ibang uri ng alien sa misteryosong mundo ng Atlantis sa ilalim ng karagatan. Sa larong ito mo lamang makakaharap ang mga alien na nagbabalat-kayo bilang mga lamang dagat kagaya ng higanteng isda, lobster, hermit crab at higanteng pusit.

Hindi kagaya ng mga klasikong shooting game, malalaro mo na itong laro nang offline. Ibig sabihin, hindi mo na kailangan pa ang internet connection para makapaglaro. Sa karagdagan, kahit ang paglalaro kasama ang iba’t ibang mga manlalaro sa buong mundo ay pwede na ring mangyari kahit offline kaya masasabi talaga ng Laro Reviews na isang malaking tagumpay para sa developer ng larong ito na isakatuparan ang ganitong feature ng Atlantis: Alien Space Shooter.

Upang malupig ang kampon ng mga alien at mahadlangan ang kanilang maitim na binabalak na sakupin ang buong mundo, kailangan mo silang isa-isahin hanggang sa wala nang matitira sa kanilang panig kahit isa.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Kagaya ng mga karaniwang senaryo sa ibang laro, nag-uumpisa rin sa tutorial itong laro kaya kailangan mong pagtuunan ng pansin ang step-by-step na pamamaraan upang madaling matalo ang mga kalabang alien. Sa tulong ng iyong warship, pasabugin ang lahat ng nilalang na makakaharap mo sa daan upang umulan ng coins, o hindi kaya ay makatanggap ka ng mga power-up kagaya ng karagdagang bala sa iyong armas. Sa bawat dulo ng game level, makakaharap mo ang mga higanteng boss ng mga alien, kaya kailangan ay lagi kang handa upang maiwasan ang kanilang malalakas na atake. Magtatagal din ng ilang sandali ang laban sa pagitan mo at ng isang Alien Boss kaya sikaping maging matatag hanggang sa matalo ang kalaban.

Para naman masiguradong makakatanggap ka ng three-star bawat game level at makatanggap ng mas maraming rewards, sikaping hindi mababawasan ang iyong life span at mapatay mo ang bawat kalaban. Tandaan din na may mga alien na may kakayahang mag-multiply at hindi agad namamatay sa isang atake lamang. Mayroon ding mga alien na mabilis magpalit-palit ng pwesto kaya hangga’t maaari ay regular din ang pagpapalit-palit mo ng pwesto upang masigurong walang isang kalaban ang makakalusot sa iyong depensa.

Upang matapatan naman ang malalakas na kalaban, sikaping i-upgrade nang madalas ang gamit mong warship, at bumili ng isa, o dalawang drones upang matulungan ka sa pag-atake sa mga kalaban. Hindi mo rin dapat maliitin ang maliliit na alien dahil madalas sila pa ang magiging sanhi ng iyong pagkatalo sa laro.

Bago magsimula ang bawat laban, bibigyan ka rin ng pagkakataong pumili kung gagamit ka ng special power, o kung gusto mong doble ang halaga ng iyong coins na makukuha. Higit sa lahat, huwag palampasin ang mga pagkakataon na makatanggap ng libreng rewards gamit ang mga star na iyong makokolekta pagkatapos ng bawat laban. Sakali namang minalas ka at naubos lahat ang iyong life bar, maaari kang gumamit ng diamonds upang i-revive ang iyong character.

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at i-download ang Gameloop Android emulator sa PC para malaro ito. Sa kasalukuyan, hindi pa available ang larong ito para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Atlantis: Alien Space Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=atlantis.invaders.subnautica.space.shooter

Download Atlantis: Alien Space Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/atlantis-invaders/id1560947378

Download Atlantis: Alien Space Shooter on PC https://www.gameloop.com/ph/game/action/atlantis.invaders.subnautica.space.shooter

Mga Feature ng Laro

  • Lucky Wheel – Isa sa bonus feature ng laro kung saan gamit lamang ang limang diamonds ay maaari ka nang mag-uwi ng limpak-limpak na salapi at iba pang mahahalagang rewards sa laro.
  • Drone Box – Ilang oras matapos mong buksan ito ay maaari ka nang magkaroon ng instant rewards nang walang kahirap-hirap.
  • Drone – Gamit ang mga ito ay mas lalong mapapadali ang iyong misyon na ubusin lahat ang mga kalabang alien.
  • Missions – Araw-araw ka ring magkakaroon ng mga panibagong misyon na kapag tagumpay mong magawa ay magbibigay sa iyo ng libreng power-ups, diamonds at coins.
  • Achievements – Kagaya ng missions, makakatanggap ka rin ng napakaraming mga reward sakaling magawa mo ang mga bigating hamon sa laro.

Pros at Cons ng Laro

Bukod sa mga nabanggit na feature ng laro, napakarami pang paraan upang makatanggap ka ng libreng rewards at maliban sa main game, mayroon pang tatlong game modes ang laro na naghihintay na ma-unlock mo. Ito ay ang League, Dungeons at Tower of Trials kung saan isasalang ka sa walang katapusang pakikipaglaban sa mga alien. Isa pa sa magandang katangian ng laro ay ang pagkakaroon nito ng feature kung saan maaari mong imbitahan ang iyong mga kaibigan sa Facebook na laruin ang Atlantis: Alien Space Shooter kapalit ng tumataginting na 50 diamonds. Gayundin, marami pang mga feature ang larong ito na mabubuksan mo lamang kapag naabot mo na ang pinakamataas na level.

Kung pag-uusapan naman ang graphics ng laro, paniguradong hindi mo mapipigilang ngumiti sa walang kasing gandang mga image display at visual effect nito lalo na kapag nagta-transform bilang fully-equipped ship ang gamit mong warship. Maliban pa rito, wala ka na ring mairereklamo pa sa ads dahil kapag naglaro ka ng offline ay tiyak na wala ka ng ads pang makikitang susulpot sa iyong screen.

Sa kabilang dako, kapansin-pansin sa larong ito na kapag naabot mo na ang mahihirap na game level ay wala ka ng ibang pagpipilian kung hindi gumastos ng pera para makabili ng upgrades dahil hindi magiging sapat ang mga reward na iyong matatanggap sa laro kahit pa manood ka ng video advertisement. Maliban pa rito, tila hindi rin nagbabago ang statistics ng iyong warship kahit makailang ulit mo itong i-upgrade dahil kapag nadaplisan ka lang ng maliit na kalaban ay mababawasan ka pa rin ng life bar. Gayundin, nakakalito ang mga golden coin na bumabagsak kaya minsan natataman mo ang ilang alien sa pag-aakalang sila ay mga coin.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, masasabi ng Laro Reviews na maganda na sana ang simula ng laro, lalo pa at napakaraming paraan para makatanggap ng libreng rewards, ngunit sa katagalan, kagaya ng ibang laro, ang Atlantis: Alien Space Shooter ay nagiging mapagsamantala rin sa kanyang mga manlalaro. Kung gusto talagang madagdagan ng game developer ang bilang ng downloads ng larong ito, mas mainam na ayusin muna ang mga gusot sa larong ito at tuluyan nang tanggalin ang pagiging “play to earn” na katangian ng laro.