Mini Basketball Review

Maituturing ang basketball bilang isa sa mga larong talagang paborito ng lahat. Mapapansin ito sa tuwing nagaganap ang Olympics, sa ingay na nililikha ng mga taga-suporta ng bawat bansang naglalaban para sa ginto. Mapapansin din ito kahit sa basketball league lamang na mayroon sa loob ng bansa o kahit yung mga maliliit na pa-liga na nangyayari sa bawat barangay. Ang kalayaan mong makapanood o makapili ng iyong susuportahan ay isang patunay na walang boundary pagdating sa sports. Marunong ka man o hindi maglaro ng mga ito, maaari kang makisigaw sa bawat mga puntos at maki-celebrate sa tuwing nananalo ang mga naglalaro nito.

Ang Mini Basketball ay isang uri ng sports game na inilabas ng Miniclip.com kung saan maaari mo na ring maranasan ang basketball kahit sa loob lamang ng iyong mobile phone. Marunong ka mang maglaro ng sikat na sport na ito o hindi, paborito mo man ito o hindi, tiyak na malilibang kang laruin ito. Gaya ng nakasanayan nating takbo ng basketball, kailangan mo lamang ding padaanin ang iyong team sa pagpapasa, pag-agaw ng bola sa kalaban at pag-shoot nito sa ring upang makakuha ng mataas na puntos.

Features ng Mini Basketball

Dito sa Mini Basketball ay mayroong iba’t ibang klase ng game mode na maaaring subukan at sadyang nilagay upang kumpletong maranasan ng bawat manlalaro ang larong basketball kahit sa loob lamang ng kanilang mga mobile phone. Ilan sa mga iyan ay ang 1vs1, Tournaments, Slam Dunk at Win Streak. Ilan sa mga ito ang nangangailangan pa ng pag-unlock o malalaro mo lamang kung magagawa mong makalagpas sa isang specific na level.

Sa larong ito ay maaari mo ring i-customize ang iyong mga players mula sa kanilang logo, jersey na paborito ng lahat, shorts, sneakers at bola, depende sa kulay na iyong gusto. Maaari mo nga ring palitan kahit ang klase ng dunk, celebrations, mascots, at ang cheerleaders na mayroon ang mga ito na para bang nasa NBA talaga ang setting ng laro. Bawat isa sa mga ito ay may tatlo hanggang limang pagpipilian at inaasahang madadagdagan pa kung ipagpapatuloy mo pa ang paglalaro nito.

Bukod sa magiging itsura ng iyong team ay maaari mo ring i-customize ang iyong mga players. Maaari mo silang i-customize depende sa kung sino ang nais mo pagdating sa post, wing at guard. Kung pipindutin mo rin ang bawat isa sa mga ito ay makikita mo ang status nila pagdating sa antas ng kanilang speed, agility, jumping, passing at shooting skills na siyang maaari mong i-upgrade kalaunan upang lalo pa itong lumakas. Kahit din ang tactics o ang kanilang magiging play ay maaari mo ring i-customize. Mayroon itong pagpipilian at ikaw na lamang ang bahala kung alin doon ang iyong gagamitin sa bawat laro. Sa kabuuan, mayroon itong labing-pitong tactics at ilan sa mga ito ang nangangailangan pa ng pag-unlock bago magamit.

Hindi naman madamot ang laro pagdating sa mga rewards. Ang katunayan niyan ay mayroon itong hinandang apat na slot para sa Victory Card Pack na siyang maaari mong makuha sa tuwing nananalo ka sa bawat laban. Laman ng bawat Victory Card Pack na ito ang currency ng laro na coins maging ang ilan pang mga item gaya ng jersey, logos, upgrade sa bawat players, tactics o formation at marami pang iba. Bukod pa rito ay mayroon pa ang laro na libreng prizes kung saan magiging available lamang ito sa nakatakdang oras at Daily Missions na sa tuwing malalagpasan mo ang mga ito ay makakatanggap ka rin ng rewards.Tunay na hindi ka na rin lugi sa larong ito.

Saan maaaring i-download ang Mini Basketball?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 138MB sa Google Play Store habang 396.3MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Mini Basketball on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.miniclip.minibasketball

Download Mini Basketball on iOS https://apps.apple.com/iq/app/mini-basketball/id1533967522

Download Mini Basketball on PC https://www.bluestacks.com/apps/sports/mini-basketball-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Mini Basketball

Basahin natin ang mga tips at tricks hatid sa inyo ng Laro Reviews. Isang bagay na masasabing kagandahan sa larong ito ay ang tutorial session nito kung saan talagang tuturuan ka muna ng laro pagdating sa mga basic sa basketball gaya ng pagtakbo, pagpasa ng bola, pagdepensa at pag-shoot mula sa iba’t ibang pwesto. Kaya naman, bilang isang manlalaro nito, lalo na kung baguhan ka pa lamang ay mainam na hindi mo ito ipagsawalang-bahala. Sikaping matuto sa mga ito at hindi para lamang makalagpas sa tutorial para makaabante sa aktwal na laro dahil ang tutorial na ito ang magiging tulay mo upang makaabante sa bawat laban.

Kung nasa mismong aktwal na laro ka na ay palagi mong tandaan na dapat kahit hindi maka-score ay magkakaroon pa rin ng kaisipan na bumawi. Sa oras na mapasakamay mo na ang bola, gamitin ang bilis sa pagtakbo, ipasa ang bola sa ka-teammate mo at sikaping makalapit sa ring para i-shoot ito. Gawin lamang ito nang gawin palagi dahil siguradong tunay kang makaka-score rito. Huwag ding kalilimutan ang pag-steal ng bola sa kalaban. Hindi man nagagarantiyahan na palagi mong makukuha ang bola sa kalaban, mainam na hindi ito inaalis ng bawat manlalaro.

Ugaliing i-upgrade ang bawat manlalaro mo. Ito ay upang mapataas rin ang tiyansa na lumakas ang mga ito sa bawat laban. Tandaan na kung napapalakas mo ang mga ito ay malaki rin ang tiyansang mapanalo ninyo ang bawat laban. Isa ito sa mahalaga at hindi dapat kinalilimutan ng bawat manlalaro dahil posibleng ganito rin ang ginagawang paghahanda ng iyong mga magiging kalaban. Kasabay nito, huwag ding matakot na sumubok ng panibagong play o placement upang malaman kung ano ang epektibong gagamitin sa mga ito pagdating sa bawat laban.

Pros at Cons ng Mini Basketball

Mahilig ka man o hindi sa larong basketball, siguradong hindi mo pagsisihan na subukan ang larong ito. Sa itsura pa lamang kasi ng loob ng Mini Basketball ay para bang kaya na nitong ibigay ang mga bagay na sa professional basketball league mo lamang makikita. Dahil sa features at ginamit na graphics para rito, para bang naging isa ka na ring instant sikat na basketball player. Nakakatuwa lalo na ang parte kung saan may nagaganap na pa-replay ang laro bilang highlight kung paano mo mai-shoot ang bola sa ring. Dahil dito, nagiging rewarding ang bawat paglalaro mo nito.

Bukod sa experience na kayang ibigay sayo ng Mini Basketball, kapansin-pansin din ang mga nilapat na sound at music para sa larong ito. Dahil sa mga ito, damang-dama mo ang crowd, damang-dama mo ang laro na para bang hindi ka na lang nanonood ng mismong larong basketball kundi ikaw na ang pinapanood. Mapapansin mo rin ang music na maririnig mo sa tuwing nasa lobby ka ng laro at sa tuwing ineexplore mo ang bawat feature nito. Sa katunayan niyan, mayroon ang larong ito na tipo ng musika na hindi ka magdadalawang isip na pakinggan ng paulit-ulit. Nakakaengganyo at tunay na masarap sa tenga.

Ang malimit lamang na dinadaing na problema ng ilang mga manlalaro sa larong ito ay ang game control nitong nagiging confusing gamitin minsan lalo na sa parte kung saan kailangan nilang i-steal ang bola sa kalaban. Kahit pa kasi tama ang ginamit mong control ay tila mali naman ang ginagawang aksyon ng iyong mga players. Kung nakuha na nila ang bola mula sa pagkaka-steal, nakukuha naman ito ngunit agad ding hinahagis na para bang kinuha para i-shoot kahit na hindi naman iyon ang pinindot sa control ng mismong naglalaro ng Mini Basketball.

Konklusyon

Para sa kabuuang komento, isa ang Mini Basketball sa inirerekomenda ng Laro Reviews para sa mga nagnanais masubukan ang ganda ng sport na ito. Marunong ka mang maglaro ng basketball o hindi ay pwedeng-pwede mo itong laruin at hindi malabong ma-enjoy mo rin dahil ilan sa mga bagay na makikita rito ay ginawang simplified kaya hindi gaanong mahirap maintindihan ang mga bagay na narito. Tama lamang ang larong ito para sa mga naghahanap ng pamatay oras at gustong dalhin sa kanilang mga mobile phone ang passion nila pagdating sa ganitong larangan ng sport.