Sawa ka na ba sa mga klasikong Tripeak solitaire game? Kung oo, pagkakataon mo na upang masubukan ang kakaibang tripeak game na tiyak kong magugustuhan mo. Inihahandog sa inyo ng Tri Peaks Emerland Solitaire ang isang card game na tiyak kong bago lamang sa inyong panlasa. Ngunit ano nga ba ang larong ito at paano ito laruin? Batid kong pamilyar na kayo sa larong solitaire dahil hindi maitatangging isa ang card game na ito sa mga makalumang laro na patuloy pa rin ang pamamayagpag sa mundo ng online games.
Sa karagdagan, marahil may ideya na rin kayo kung ano ang Tripeak solitaire game. Kung wala pa, hayaan ninyong ilarawan ko kung paano ito nilalaro. Una, sa halip na bumuo ng mga pundasyon ng cards, ang layunin sa larong ito ay matanggal ang lahat ng cards na nasa tableau. Pipindutin lamang ang mga bukas na cards dito na may mataas o mas mababa ng isang puntos sa hawak mong card. Kailangan matanggal lahat ang cards na nasa tableau bago maubos ang mga reserbang cards na nasa ibaba.
Paano naman nilalaro ang Tri Peaks Emerland Solitaire?
Upang laruin ang larong ito, kailangan mo lamang ng tamang diskarte at estratehiya sa laro: pindutin ang mga cards na may pinakamaraming bilang ng pagkakasunod-sunod. Halimbawa kung ang hawak mong card ay may numero ng 5, may pagpipilian ka kung anong card ang pipindutin, pwedeng card na may numero ng 6 o 4. Sakaling ang numerong 6 ay mayroong kasunod na mga numero nito kagaya ng 7, 8, 9 at 10 at ang numerong 4 naman ay walang kasunod na 3, 2 at 1, piliin ang 6 upang magkaroon ng combo sa laro at upang mas marami ang card na matanggal sa tableau gamit lamang ang isa mong card.
Sunod, maaari kang humingi ng tulong sa mga wizard o elf na nasa ibabang bahagi ng game screen malapit sa mga reserbang card. May kanya-kanya silang abilidad na pwedeng itulong sayo at bawat isa ay nagtataglay ng kakaibang kapangyarihan. Mayroong isang wizard na kayang palitan ang numero ng hawak mong card, mayroon ding isang kayang ibalik sa mga reserba mong card ang pinakahuling card na ginamit mo, may isang elf na kayang pumana ng isang card mula sa tableau at marami pang iba.
Features ng Laro
Endless game levels – Maniwala ka man, o hindi pero literal na walang hanggan ang mga game level sa larong ito. Ang bawat level ay binubuo rin ng tig-limang rounds kaya naman bubusugin ka sa saya ng larong ito;
Mystical cards – Hindi lamang basta card game ang matutunghayan mo sa larong ito dahil sa hinango ang mga ito sa mundo ng mga makapangyarihang pantas. Marami kang makakasalamuhang elf, witch, mermaid, wizard at iba pa;
Magical wild cards- Kailanman ay hindi ipagkakait ng larong ito sayo ang tulong mula sa mga wild card na mayroong iba’t ibang kapangyarihan. Piliin lamang ang wastong card na magliligtas sayo sa laro;
Adventurous game – Naiiba ang larong ito mula sa pangkaraniwang tripeak game sapagkat dadalhin ka nito sa kakaibang mundo kung saan hindi mo lamang makikilala ang iba’t ibang uri ng nilalang, makakasama mo rin sila sa paglalaro.
Saan maaaring ma-download ang Tri Peaks Emerland Solitaire?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store naman para sa mga iOS user. Sa kasalukuyan, hindi pa available ang larong ito sa PC. Maaaring gamitin ang sumusunod na links upang i-download ang laro:
Download Tri Peaks Emerland Solitaire on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.rainbowgames.solitaire.google
Download Tri Peaks Emerland Solitaire on iOS https://apps.apple.com/us/app/emerland-solitaire-journey/id973506614
Pros at Cons ng Laro
Pangkaraniwan na ang mga larong solitaire, ngunit sa pagdaan ng panahon, nagkakaroon rin ng pagbabago sa larong ito lalo na kapag malalaro na sa mga mobile device. Mas lalo itong pinapaganda, nilalagyan ng mga twist at mas ginagawang nakaka-relax kagaya na lamang ng tinutukoy na laro sa artikulong ito. Ang Tri Peaks Emerland Solitaire ay sinigurado ng developer na higit na aangat sa lahat ng uri ng tripeak game sapagkat binigyan niya ito ng kakaibang appeal. Ang graphics ay makakakitaan ng masusing pagpaplano dahil detalyado ang pagkakalatag sa bawat bagay na makikita sa laro. Binigyang hustisya rin ang tema ng laro – wizard’s world. Nangingibabaw maging ang pagiging malikhain sapagkat bubusugin ka ng laro sa mga nakakamangha nitong mga larawan.
Sa karagdagan, namumukod-tangi rin ang larong ito dahil hindi lamang isa, dalawa, o tatlo ang mga special card na maaari mong magamit sa larong ito, napakarami. Kapag nasa matataas na game levels ka na, higit na mas madadagdagan ang bilang ng mga special character mo sa laro na hindi na kailangang bilhin pa gamit ang iyong coins.
Bukod pa rito, magsasawa ka rin sa napakaraming rewards ng laro dahil hindi lamang sa pamamagitan ng panonood ng opsyonal na mga ad ka makakakuha ng libreng coins, maaari ring sa pamamagitan ng free spin mula sa spinning wheel ng laro.
Kung pag-uusapan naman natin ang teknikal na aspeto ng laro, masasabi ng Laro Reviews na kumpletos rekados ang larong ito. Ang control ay napakadaling gamitin, ang musika sa laro ay sadyang nakakaadik pakinggan, taliwas ito sa ibang musika ng laro na masakit sa tenga. Maging ang palaging hinaing ng mga manlalaro sa lagging at bugging ay hindi rin isyu sa larong ito. Bukod pa sa libre itong ma-download, maaari rin itong malaro ng offline kaya naman ang nakakairitang mga ad na bigla-bigla na lamang lalabas sa inyong mga screen ay hindi rin problema sa larong ito.
Sa kabilang banda, dumako naman tayo sa iilang kahinaan na tinataglay ng laro. Una na rito ay ang maliliit na card sa laro. Minsan, hindi maiiwasang mamali ka ng pindot sa mga card. Mas lalo itong mahirap para sa mga matatandang manlalaro o kapag nilalaro ng gabi. Sunod, may life span ka sa larong ito at sakaling naubos mo na ang mga ito dahil sa sunod-sunod na talo, maghihintay ka ng tatlumpung minuto bago ka mabigyan ng isang lifespan upang makapagsimula ulit sa paglalaro. Maging ang pag-reload ng mga wildcard ay may katagalan din at higit sa lahat, sobrang laking halaga ng coins ang kailangan mong gamitin upang makabili ng mga wildcards o lifespan.
Konklusyon
Ang Laro Reviews ay higit na naniniwala na ang paglalaro ng mga solitaire game ay may hatid na positibong bagay sa mga manlalaro. Hindi lamang ito nakaka-relax na laruin kundi nakatutulong din ito upang hasain ang ating lohika at ang ating isip upang higit na mas maging matalino. Ang larong ito ay para sa lahat, bata man, o matanda ay tiyak na mag-eenjoy sa paglalaro nito. Hindi na rin kailangang mangamba ang mga magulang sa mga posibleng karahasan sa laro sapagkat, ang Tri Peaks Emerland Solitaire ay walang bahid ng kalaswaan o patayan kaya kung ang hanap niyo ay hindi lamang isang simpleng tripeak kundi mas pinaganda, ligtas at mas upgraded sa lahat ng solitaire games, subukan na ang larong ito at mamangha sa hatid nitong mahika.