Iba’t ibang klase ng armas, labanan at kapatiran sa panahon ng World War 2. Ito ang ilan sa mga bagay na makikita sa tactical-first-person shooter game series na ito na inilabas ng Gameloft SE, ang Brothers in Arms™ 3. Ito ang sinasabing sequel ng mga naunang installment ng Brothers in Arms gaya ng Hour of Heroes at Global Fronts. Ang game series na ito ay naka-set sa panahon kung saan ang mundo ay nasa loob pa rin ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Dito sa larong ito, maaari kang maging isang matapang na soldier na ipinadala sa digmaan upang makipaglaban o kaya naman ay gampanan ang papel bilang si Sergeant Wright kung saan ikinukwento nito ang kanyang mga naging karanasan noong panahon ng digmaan. Maaari ka ritong sumakay sa iba’t ibang klase ng sasakyang pandigma, gumamit ng mga upgraded na armas, halughugin ang iba’t ibang klase ng mapa at sama-samang makipaglaban kasama ang iyong mga tinatawag na skilled, highly trained Brothers.
Features ng Brothers in Arms™ 3
Ang Brothers in Arms™ 3 ay mayroong iba’t ibang klase ng game mode na maaaring laruin ng bawat manlalaro. Ang bawat laban ay nahahati sa bawat kabanata. Sa kabuuan ay mayroon itong siyam na chapter at laman ng bawat isa sa mga ito ang campaign na maaaring nasa anim o higit pang bilang, raid na may lima o higit pang bilang at special mission na kailangan munang lagpasan ng bawat manlalaro upang makausad sa susunod na kabanata. Bukod pa rito ay mayroon din itong PvP na game mode gaya ng Domination kung saan nangangailangan ang bawat manlalaro ng gagamiting tanks bago makapasok dito at Team Deathmatch naman kung saan sinasabing matira matibay rito. Inaasahan na may mga maidadagdag pa rito kung patuloy mong lalaruin ang laro.
Siyempre, dahil tungkol sa giyera o labanan ang larong ito, hindi mawawala ang iba’t ibang klase ng armas na maaari mong bilhin o ma-unlock. Mayroong iba’t ibang klase nito; ang SMG na may anim na pagpipilian, limang Rifle, sampung Assault, pitong Sniper, tatlong Shotgun at tatlong Anti-Tank. Karamihan sa mga ito ay mabibili mo na gamit ang currency ng laro na medal at Valor Points. May ilan ding item na kailangan mong ma-reach ang requirements nito gaya ng sapat na dami ng blueprint na siyang maaari rin namang mabili gamit ang medal o valor points.
Bukod dito, dahil na rin Brothers in Arms ang titulo ng larong ito, may kalayaan ka ring makapili ng iyong magiging katuwang sa bawat laban o tinatawag sa laro na beteranong mga Brother. Sa kabuuan ay mayroon kang labing-apat na pagpipilian. Narito ang kumpletong listahan ng mga Brother at ang kanilang kanya-kanyang specialization:
- James Gann – sniping
- Neil Yates – Mortar Fire
- Dean Miller – Machine Gun
- Cain Lawrence – Molotov Cocktail
- Larry Jackson – Rocket Blast
- Barnaby Adams – Air Strikes
- Andrew Mohawk – Mine Field
- Sean Lamar – prototype bomb ultrasound Blast
- Mathieu Chaput – Crossbow Shot
- Frances Barker – Long-Range Bombardment
- Jonathan Millard – Field Medic
- Joe Well – Quick Fix Mercy Shots
- David Carter – silent sniping
- Jacob Hall – Air Striking.
Lahat ng mga bagay na kakailanganin mo sa laro ay makikita sa Shop. Mula sa mga weapons, Brothers, maging ang ilang mga consumables gaya ng granada, medkit, throwing knife, bazooka, flamethrower, molotov at gas mask. Lahat ng mga item na narito ay maaari mong mabili gamit ang currency ng laro na medal. Ngunit kung sakaling maubusan ka nito ay maaari ka ring bumili nito sa Shop. Dito pumapasok ang ilang mga items na mabibili mo gamit ang tunay na pera. Mayroong naka-pack, case, trunk, crate at cargo drop.
Saan maaaring i-download ang Brothers in Arms™ 3?
Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 47MB sa Google Play Store habang 992.8MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.
Download Brothers in Arms™ 3 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gameloft.android.ANMP.GloftA3HM
Download Brothers in Arms™ 3 on iOS https://apps.apple.com/us/app/brothers-in-arms-3/id656124384
Download Brothers in Arms™ 3 on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/brothers-in-arms-3-on-pc.html
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Brothers in Arms™ 3
Ang larong ito ay hindi naman nangangailangan ng pagiging propesyonal pagdating sa pag-asinta o kung anupaman na may kinalaman pagdating sa pakikipaglaban na ang gamit ay mga malalaking armas. Kahit baguhan ka pa lamang o hindi ito ang forte mo na laruin, siguradong mananalo ka rito. Gayunpaman, narito pa rin ang Laro Reviews at ang ilan sa mga simpleng tips na maaari mong gamitin kung nais mong umangat sa larong ito.
Bago magsimula ang bawat laban ay palaging mayroong binibigay na objectives muna ang laro. Dahil dito, nagkakaroon ng direksyon ang manlalaro pagdating sa kung ano ang dapat niyang gawin kung sakaling makapasok na siya sa aktwal na labanan. Bilang isang manlalaro, hindi mo dapat kinaliligtaan ang dapat mong goal. Tunay na nakakaaliw ang paglalaro nito ngunit mas ikatutuwa mo kung hindi ka naliligaw sa laro. Ang pagsunod din sa objectives ang isang epektibong paraan, wala ng iba, upang makakuha ng mataas na puntos at rewards.
Pagdating naman sa aktwal na labanan, huwag kalilimutan na iwasan ang kailangang iwasan. Una na riyan ay ang mga explosives mula sa kalaban. Kung papansinin ay makikita naman iyon sa mismong labanan. Agad mong malalaman kung may bomba bang nilagay ang kalaban sa pwesto mo na siyang dapat mong iwasan. Kung mangyari iyon, agad kang umalis sa pwestong iyon dahil posibleng malaki ang mabawas no’n sa iyong buhay. Kung mangyari naman na mapansin mong kakaunti na lamang ang buhay mo sa laro, agad itong lapatan ng lunas. Mas mainam ito na gawin kaysa hindi ito magamit, matalo at posibleng ulitin ang laro mula sa umpisa.
Mula pa lang sa title nito, magkaka-ideya ka kaagad kung sino ang maaari mong makasama sa bawat laban at syempre, iyon ay ang mga tinatawag na Brother. Bilang manlalaro, trabaho mong aralin ang bawat isa sa mga ito dahil ang field of specialization nila ang magiging tulay mo upang manalo sa bawat laban. Tandaan na ang adbentahe nila ay posibleng maging adbentahe mo rin. Kaya naman, mainam na pag-aralan sila upang mapili mo kung sino ang karapat-dapat isama sa bawat laban. Nagkalat naman ang mga impormasyon nila sa Shop ng laro kaya maaari mo iyong bisitahin kung nais mong makilala pa ang mga ito.
Pros at Cons ng Brothers in Arms™ 3
Taglay ng Brothers in Arms™ 3 ang klase ng graphics na hindi gaanong komplikado kung titingnan. Sa oras na pasukin mo ito, para bang ito ang tipo ng laro na talagang nakikita mo na noon pa man. Marahil ay dahil namamayagpag na ang game series na ito noon pa man kaya nagdesisyon na lamang silang manatili sa nakasanayang graphics ng kanilang laro. Gayunpaman, sa kabila nito ay masasabi pa ring hindi ito napag-iiwanan pagdating sa graphics. High Quality ang mga ito at tunay na damang-dama mo ang bawat labanan sa loob ng larong ito.
Isang bagay na rin na masasabing adbentahe ng laro na hindi mahirap ang game control na ito. Para kasi sa Laro Reviews, mahalaga na hindi komplikado o hindi mabigat kontrolin ang iyong karakter lalo na pagdating sa ganitong klaseng genre ng laro. Malaya kang pakilusin ang iyong karakter sa kahit saang pwesto maging ang gamitin ang iba’t ibang klase ng sandata. Idagdag pa rito ang sound at audio na nilapat dito na talagang nakakadagdag sa feels ng bawat labanan dahil sinikap nilang pagtugmain ang nationality ng bawat karakter at lenggwahe na nararapat para sa mga ito.
Maituturing lamang na disadbentahe sa larong ito ay ang medals na nagsisilbing currency ng laro. Nakakalungkot lamang bilang isang manlalaro nito na lahat ng item na makikita sa larong ito upang maging malakas na mandirigma ay nakaangkla sa currency na hindi rin naman gaano kadaling makuha. Dahil dito, para bang ipinahihiwatig ng laro na mas may adbentahe ang mga manlalarong nag-iinvest sa pamamagitan ng pagbabayad ng tunay na pera upang makabili ng maraming medal o gold.
Konklusyon
Ang Brothers in Arms™ 3 ay isang larong hindi lamang nakapokus sa pagbibigay ng aliw pagdating sa pakikipaglaban ngunit sinisikap ding maging isang daan upang silipin ang mga naganap noong World War II. Gaya ng ibang laro pagdating sa digmaang pandaigdig, sinisikap din ng larong ito na magbigay ng pahapyaw na kwento ng buhay noon na siyang itinuturing nating parte ngayon ng ating kasaysayan. Tunay na marami kang maaaring gawin sa larong ito dahil sa iba’t ibang klase ng game mode na nilagay para rito. Dito mo rin mauunawaan ang konsepto ng Brotherhood dahil perpekto itong isinalaysay ng laro. Ito ang tipo ng laro na maaari kang malibang habang natututo at siguradong hindi mo pagsisisihang subukan.