League of Stickman – Best action game Review

League of Stickman – Natatandaan ninyo pa ba ang mga video tungkol sa stickman figures na nalalaban-laban labing-apat na taon na ang nakakaraan? Sikat na sikat ito dati sa YouTube kahit hindi pa gaanong kilala ang nasabing platform. Nakakaaliw itong panoorin para sa mga bata noon, pero kung papanoorin mo ang videos na iyon ngayong tumanda ka na, naroon pa rin ang nostalgia. Mas mamamangha ka rin sa ginugol na oras ng animator para lang magawa ang video, kahit hindi pa gaanong advance ang teknolohiya noong taong 2007.

Ang mga video na iyon ay nagbigay inspirasyon sa maraming laro at isa sa mga ito ay ang League of Stickman na gawa ng Dreamsky. Kung titingnan mo ang presyo, maiisip mong magandang alok ito para sa isang laro. Mura lang ang kinse pesos para sa isang game, hindi ba? Gayunpaman, kung titingnan mo ang mga inirerekomendang app, makikita mo ang magkaparehong laro na pinamagatang, “League of Stickman Free- Shadow legends (Dreamsky)” na mula sa iisang developer, ngunit may isang libre at mayroong may bayad. Kaya mapapaisip ka na lang. Sulit ba ang paggastos ng iyong pera kung mayroon naman pala itong free-to-play version?

Kapag na-download mo na ang laro sa Google Play, diretso ka na sa campaign mode. Hindi mo maa-access ang iba pang mga yugto maliban kung natapos mo na ang kinakailangang kabanata sa campaign mode. Ang mode na ito ay diretsong pakikipaglaban sa minions. At kapag nagtagumpay ka, makakakuha ka ng mga premyo na magagamit mo para i-upgrade ang iyong heroes o mag-unlock ng bago. Iyon lang, walang pinanggalingan ang mga kaaway o kahit na mga kuwento upang mapanatili kang interesado. Ang laro ay kadalasang umiikot sa pag-upgrade ng iyong heroes gamit ang mga loot na makukuha mo sa pagkapanalo laban sa iyong mga kaaway. Kung mas malakas ang mga kalaban, mas maganda ang mga loot na matatanggap mo.

Features ng Best action game (Dreamsky)

Bukod sa pagbabayad ng totoong pera upang ma-access ang laro, mayroon rin itong in-app purchases kung saan maaari kang bumili ng mga bundle o resources para magkaroon ng advantage sa laro. Maaari ka ring bumili ng mga skin para sa iyong hero, ngunit gumagana lamang ito bilang isang dekorasyon.

Kung nahumaling ka sa mga combo mula sa mga eksena na nasa video ng Stickman Fighting, masisiyahan ka sa laro dahil ang bawat hero ay may natatanging set ng apat na skills na maaaring makagawa ng burst damage. At ang mga pinsala na magagawa nito ay maaaring makaatake sa maraming mga kaaway. Mas malakas ang skill na ginagamit, mas mahaba ang cooldown, kaya dapat ay maging mahusay sa pagdiskarte. Tandaan na ang pagpindot sa basic attack o ang pinakamalaking pindutan sa screen nang matagal ay maaaring gumawa ng magkakasunod na pag-atake. Kaya hindi mahirap gumawa ng mga combo. Maaari ka ring pumili ng dalawang heroes kapag naglalaro at pagpalit-palitin ang mga ito. Dahil dito, maaari kang gumawa ng isang mahusay na diskarte depende sa kanilang mga natatanging skills.

Ang iyong unang hero ay si Gus, isang one-star melee fighter na ginagamit ang kanyang espada. Bilang isang panimulang karakter, maaari mo itong makuha ng libre. Mahusay itong gamitin sa umpisa ng laro, ngunit mas lumalakas ang iyong mga kaaway, kaya kailangan mong mag-upgrade. Si Athy ang unang hero na maaari mong i-unlock dahil nagkakahalaga lamang siya ng 100 gems. Sa simula, siya ay isang mahusay na kapareha ni Gus dahil ang kanyang pag-atake sa malayo ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga kaaway na hindi maabot ng mga melee hero. Ngunit habang tumatagal ang laro, maaari mong ipares sa kanya ang isang mas mahusay na hero tulad ni BM, na maaaring makapagbigay ng mas mabibigat na pinsala ng mas mabilis, gamit ang kanyang armas. Maaari siyang tumagal ng mas mahaba dahil sa kanyang kakayahang magpagaling sa sarili.

Kung ikaw ay isang manlalaro na nais patunayan ang iyong sarili bilang pinakamagaling sa lahat, maaari kang tumingin sa leaderboard at ihambing ang iyong puntos sa iba pang players. Kung hindi mo kayang makipaglaban sa tuktok ng World Leaderboard, maaari kang magkaroon ng isang pagkakataon sa Country Leaderboard. Kung hindi naman, ang iyong huling pagkakataon ay ihambing ang iyong sarili sa mga nasa Friend Leaderboard.

Saan pwedeng i-download ang Best action game (Dreamsky)?

Maaaring i-download ang laro gamit ang sumusunod na link:

  • Download League of Stickman – Best action game (Dreamsky) on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.dreamsky.DiabloLOL&hl=en&gl=US

Tips at tricks para sa Paglalaro ng League of Stickman – Best action game (Dreamsky)

  • Piliin ang hero na nababagay sa iyo

Ang larong ito ay mayroong halos 30 heroes. Ang bilang ng stars ay tumutukoy sa kanilang mga lakas. Ang 1-star na karakter ang pinakamahina, habang ang 5-star na hero ang pinakamalakas. Ngunit mapapansin mong kapag mas mataas ang stars, mas mahal din ang halagang katapat ng hero. Hindi mo kailangang bilhin ang lahat. Mamuhunan ka lamang sa heroes na nababagay sa iyo at mamimili ka lang ng mga angkop na karakter. Maaari mo ring subukan muna ang heroes na nais mong bilhin sa pamamagitan ng pag-click sa anumang nais mong makuha at pindutin lang ang trial button. Dadalhin ka nito sa isang stage kung saan kailangan mong talunin ang lahat ng mga kaaway upang masubukan napiling hero.

  • Magbigay ng equipment at i-upgrade ang iyong napiling bayani

Ang pagkuha at pag-upgrade ng equipment ay nagpapalakas sa iyong karakter. Ang bawat manlalaro ng RPG ay alam ito, ngunit hindi lahat ay sanay pamahalaan ang kanilang resources at nauuwi sa ganap na pag-upgrade ng isang hindi akmang character. Hindi ka laging makakakuha ng maraming mga mapagkukunan sa huling parte ng laro, kaya siguraduhing gamitin lang ang equipment para sa iyong napiling bayani.

Pros at Cons ng League of Stickman – Best action game (Dreamsky)

Ang “League of Stickman – Best action game (Dreamsky)” ay isang kaswal at fast-paced na stick fighting game. Tiyak na maaaliw ka sa laro kung nais mo lamang magpalipas ng oras habang naghihintay sa pila o kung ikaw ay nagpapahinga mula sa trabaho o sa paaralan. Ang mga combo na ginagawa mo habang pinapatay ang iyong mga kaaway ay kasiya-siya, at ang bawat karakter ay may kakaibang istilo ng paglaban. Hindi na rin masama ang animation tuwing nakikipaglaban; nakakaaliw din panoorin ang ultimate moves ng mga hero lalo na kapag nagagamit mo ito nang maayos. Dahil ito ay isang offline game, pwede mo itong malaro kahit saang lugar. Maaari rin itong ma-access ng walang internet.

Related Posts:

Five Nights at Freddy’s 2 Review

Pascal’s Wager Review

Ngunit sa katagalan ng iyong paglalaro, maaari mo itong pagsawaan. Nagiging paulit-ulit ang mga kaganapan dahil ang iyong pangunahing layunin ay palakasin ang iyong heroes. Upang mapalakas sila ay kailangan mo ng mga loot na maaaring makuha sa pagsugpo ng mga kalaban. At dahil wala kang mga kwentong dapat sundin, mawawalan ka ng interes sa paglalaro sa sandaling na-unlock at napalakas mo na ang lahat ng heroes. Oo, ang ₱15 para sa isang laro ay hindi na masama. Ngunit mayroon ding iba pang free-to-play games na may parehong features. Ang ilan sa mga ito ay may mas mahusay na graphics at gameplay.

Maaaring mapagbuti ang graphics sa pamamagitan ng paggawa ng isang mas fluid na animation. Sa teknolohiyang mayroon tayo ngayon, hindi ito imposible.

Konklusyon

Ang larong ito ay magiging kasiya-siya lamang para sa mga taong mahilig sa mga fast-paced na laro ng pakikipaglaban, mga manlalaro na mahilig laktawan ang mga diyalogo, at mga hindi interesado sa pakikipagsapalaran o sa world building. Ang bawat hero ay may lore, ngunit ang laro ay kulang sa kwento na maaari mong asahan habang naglalaro. Para sa labinlimang piso, ang League of Stickman – Best action game (Dreamsky) ay para sa mga manlalarong hindi iindahin ang maliit na halaga kapalit ng isang simpleng laro. Ang larong ito ay mayroon ding free version, ngunit ang bayad na version ay mas maraming perks, tulad ng pagkakaroon ng mas maraming gems. Kaya nasa sa iyo kung paid version o libre ang mas gusto mong laruin.

Laro Reviews