Naghahanap ka ba ng turn-based idle role-playing game (RPG) na iyong lalaruin habang nagpapalipas ng oras? Maganda kung babasahin mo ang article na ito mula sa Laro Reviews at baka mahanap mo ang iyong hinahanap!
Nilikha ng game developer na StormX ang Kingdom Quest – Idle Game, kung saan kilala sila sa paggawa ng tycoon games. Ito ay mobile turn-based idle RPG na binubuo ng kakaibang heroes na naka-2D graphics. Dito ay mararanasan mong mag-adventure sa magkakaibang mundo at talunin ang dungeon monsters na iyong makakaharap.
Features ng Kingdom Quest – Idle Game
3v3 Battles – Iba’t ibang heroes ang maglalaban sa three-versus-three (3v3) battle. Dito masusukat ang husay ng bawat isa sa pagbuo ng estratehiyang gagamitin laban sa isa’t isa. Madali lang itong maintindihan ngunit nangingibabaw pa rin ang pagiging challenging dahil napakaraming estratehiya ang maaaring gamitin.
Unique Heroes – Mahigit sa 90 heroes ang naghihintay sa iyo upang piliin mo. Mayroong iba’t ibang katangian at skills ang bawat isa. Kilalanin silang lahat sa kanilang 2D graphics.
Light Gameplay – Hindi masyadong komplikado ang gameplay nito kaya tamang-tama ito kung nais mong magpahinga gamit ang refreshing na laro. Pwede rin itong laruin kung nais mo lang magpalipas ng oras.
Saan Pwedeng I-download ang Kingdom Quest – Idle Game?
Dito ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Kingdom Quest – Idle Game. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Kingdom Quest – Idle Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.stormx.heroes
Download Kingdom Quest – Idle Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/kingdom-quest-idle-game/id1150231650
Download Kingdom Quest – Idle Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/kingdom-quest-idle-game-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Kingdom Quest – Idle Game, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com . Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Napakahalaga ng paggawa ng mabisang estratehiya sa laban. Hindi dapat basta-basta ang pagpwesto ng hero kahit saan mo gusto. Halimbawa, sa larong ito, hindi agad indikasyon ang frontline sa pagiging tank, o ang backline para sa DPS (damage per second). Mainam kung ang magiging batayan ng pwestong bubuoin mo ay ang iyong makakalaban. Obserbahan ang kanilang posisyon. Isipin at i-predict kung saan sila aatake batay sa kanilang pwesto. Habang kinokonsidera ito, ang tip ko sa iyo ay ipwesto ang iyong tank sa front na position, kaharap ng main damage dealer ng kalaban. Pagkatapos ay ipwesto sa likuran nito ang iyong main DPS. Ang hero na ilalagay rito ay dapat may kakayahang magbigay ng malakas na damage sa kalaban, tulad ng AOE DMG o area of effect na damage. Layunin nitong talunin at patayin ang main DPS ng kabilang team. Dahil ang iyong main DPS ang nagsisilbing damage dealer, importanteng maingatan mo sila lalo na kapag nakaharap ka sa malakas na boss na may kakayahang patayin kayo sa isang tira. Kapag ganito ang sitwasyon, siguraduhing nasa pinakalikuran ang main DPS ng team. Bukod pa rito, magandang estratehiya rin ang paglalagay ng dalawang main DPS para hindi masyadong delikado ang buhay ng buong team dahil lang nakasalalay ito sa kaligtasan ng nag-iisang main DPS.
Hindi rin tulad ng larong ito ang ibang RPG kung saan malaki ang tungkulin ng tanks bilang pangdepensa ng team. Dito ay wala masyadong kakayahan ang tanks na makipaglabanan sa malalakas na damagers ng kalaban. Halimbawa, kahit ang SSR tank na binigyang oras mo sa pag-grind ay hindi pa rin ganung ka-epektibo bilang defense. Ito ang naging resulta dahil sa malakas na AoE attacks ng maraming heroes. Sa pagkakaroon ng kakayahang matamaan kahit ang kalabang nasa backside, nawawalan na ng gamit ang tank sa pagiging defense habang nakapwesto sa frontline.
Dahil mahirap magkaroon ng diamonds sa laro, ang maipapayo ko sa iyo ay ipunin ang diamonds kapag isang banner lang ang nahanap mo at hintayin ang susunod na ifi-feature na hero. Kapag ginastos mo ang karamihan sa iyong diamonds, hahantong lang ito sa hindi kasiguraduhan ng iyong magiging progreso sa laro. Dahil hindi mo matatantsa kung kailan ka makakakuha ng SSR hero at kung anong klase man ng hero ang susunod mong makukuha. Kung nais mong makasiguro sa pagkuha ng SSR hero, magandang gawing goal ang pagkakaroon ng 100 pulls. Kapag ganito, matututong maging disiplinado na hindi gastusin ang diamonds sa ibang bagay para hindi mapatagal ito.
Pros at Cons ng Kingdom Quest – Idle Game
Bagaman isa itong RPG, mayroon itong ikinaiba sa ibang larong may kaparehong genre nito at ito ay ang pagbibigay ng diin sa estratehiyang gagamitin. Dahil dito, nagbibigay ng kakaibang gaming experience ang laro. Simple lang ang mechanics ng laro kaya angkop at madali rin itong maintindihan ng kahit sino, anumang edad. Wala rin itong biglaang ads na nagiging sagabal sa paglalaro. Bukod pa rito, disente rin ang graphics nito. Kung ang hanap mo ay laro para gawing pampalipas ng oras, ito ang bagay sa iyo. Mae-engganyo ka sa paglalaro kung saan hindi mo na namamalayan ang paglipas ng oras. Bagaman may in-app purchases ang laro, hindi maituturing na pay-to-win (P2W) ito.
Gayunpaman, isa sa hinaing ng mga manlalaro ang pagiging hindi balanse ng laro lalo na sa PvP. May ilan ding hindi nagustuhan ang pagiging idle game nito dahil nanghihinayang sila sa magandang tactical RPG system ng laro. Sa halip ay mas pabor silang gawin itong turn-based game. Sa kabila ng kagandahan ng laro, mairerekomenda ko ang pagkakaroon ng mas maraming special events, kakaibang gameplay sa hinaharap, at mas madaling access sa summons.
Konklusyon
Nakakapukaw ng pansin ang Kingdom Quest – Idle Game dahil sa napakaraming heroes na mayroon ito. Tamang-tama rin ito sa mga manlalarong naghahanap ng 2D battle game. Isa rin sa kakaibang experience sa laro ay ang pag-explore ng ruins sa pamamagitan ng pagsakay sa Airship. Ito na ang hinahanap mong laro kung saan tunay na lilipas ang oras dahil tuluyan mong nae-enjoy ang paglalaro. Kaya naman mairerekomenda ko ang paglalaro nito. Kung ida-download mo ang laro, huwag kalimutang gamitin ang tips at tricks na ibinigay ng Laro Reviews para matulungan ka sa iyong paglalaro.