Sino rito ang nakahiligang maglaro ng billiards pool noong teenager? Pumupunta ka rin ba sa arcade noon matapos ang oras ng eskwela para makipag-bonding kasama ang mga kaklase? Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na iyan, nakatitiyak akong masisiyahan ka sa larong sunod na ipapakilala at susuriin ng Laro Reviews.
Ang Pool Empire-8 Ball Pool Game ay isang 2D pool game na nilikha ng HangZhou Mention Network Technology. Ayon sa mga lumikha ng larong ito, nais daw nilang gumawa ng isang makatotohanang 2D pool game. Para sa kanila, mas gusto nila ang 2D kaysa sa 3D dahil mas mahirap diumanong tantyahin ang distansya at lakas ng pagtira sa 3D kumpara sa 2D. Dagdag pa rito, nakakahilo rin daw ang 3D. Sa artikulong ito malalaman ang features, tips, tricks, pros, cons, at verdict sa Pool Empire-8 Ball Pool Game.
Features ng Pool Empire-8 Ball Pool Game
1v1 Mode – Maaaring makipaglaro sa ibang manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nahahati ito sa apat na lugar: Hong Kong, Taipei, Rio de Janeiro, at Beijing. May partikular na level na kailangang maabot para ma-unlock ang mga ito. Level 4 para sa Taipei, Level 9 naman para sa Rio de Janeiro, at Level 16 para sa Beijing.
Road of Champion – Sa bahaging ito ng laro kinakitaan ng mga elemento ng RPG. Kapag pinindot mo ang Road of Champion tab, makikita ang avatar. Maaari mong baguhin ang kanyang headwear, damit, handwear, at sapatos. Ang mga ito ay makadaragdag sa Character Charm ng iyong avatar. Bukod pa rito, nariyan din ang starters upang mas lalong mapalakas ang iyong karakter. Ang mga ito ay ang Basic, Streak, Number, Star, Fluke Combo, at Perfect. Mapapataas ang bilang ng mga ito kapag pinindot mo ang Ability Training at makapagdagdag ka ng mga item na makatutulong sa kanilang pagpapalakas. Makikita rin ang Book na icon, nakapaloob dito ang mga Super Player na maaari mong magamit.
14-1 Mode – Kailangan hindi masira ang streak sa loob ng tatlong cue break. Ang cue break ang tumutukoy sa buhay mo sa laro. Dahil kasama ang bilang na 0, mayroon kang apat na pagkakataon para hindi masira ang bilang ng iyong streak. Ang streak naman ang tumutukoy sa dami kung ilang beses mong na-shoot ang billiard balls sa pocket points ng magkakasunud-sunod. Makikita mo rin ang iyong kasalukuyang ranking kumpara sa ibang pool players.
Snooker Mode – Maa-unlock lamang ito kapag tumuntong ka na ng Level 3. Binubuo ang mode na ito ng 15 na pulang billiard balls, isang cue ball, at anim na billiard balls na may iba pang kulay. Sa Snooker, bawat pulang billiard ball ay may katumbas na isang puntos. Dalawang puntos para sa dilaw, tatlong puntos naman para sa berde, apat na puntos para sa brown, limang puntos para sa asul, anim na puntos para sa pink, at ang itim na may pinakamataas na halaga na pitong puntos. Iba ang pamamaraan ng paglalaro sa Snooker. Kailangan munang unahin ang pulang mga billiard ball na ma-shoot sa pocket points. Kapag ito ay naubos, isunod ang mga billiard ball na may ibang kulay at i-shoot ang mga ito base sa halaga ng kanilang numero. Halimbawa, kailangan unahin ang dilaw dahil ito ay nagkakahalaga ng dalawang puntos at ihuli ang itim na billiard ball dahil ito ang may pinakamataas na halaga.
8-Player Competition – Makipagtunggali laban sa walong iba pang manlalaro tungo sa tagumpay. Kagaya ng sa Snooker, maa-unlock lamang ito kapag umabot ka ng Level 3.
Saan Pwedeng I-download ang Pool Empire-8 Ball Pool Game?
Pumunta lamang sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store naman para sa mga Apple user upang hanapin ang laro. I-type ang Pool Empire-8 Ball Pool Game sa search bar. Dahil libre ang laro, hindi kailangang magbayad ng kahit magkanong halaga bago makapagsimula. Maghintay lamang na ma-download ang app at kumpletuhin ang sign-in details para masimulan ang paglalaro.
Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Pool Empire-8 Ball Pool Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=org.tinghood.TpsForMobile_google
Download Pool Empire-8 Ball Pool Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/pool-empire-8-ball-snooker/id548592311
Download Pool Empire-8 Ball Pool Game on PC https://www.gameloop.com/game/sports/org.tinghood.TpsForMobile_google
Tips at Tricks sa Paglalaro
Ang susi upang manalo sa Pool Empire-8 Ball Pool Game ay ang abilidad sa pagtatantya. Kagaya ng sa aktwal na billiards, dalawang bagay ang kailangan mong pagtuunan ng pansin. Una ay ang lakas na gagamitin sa cue stick at ang ikalawa ay ang direksyon kung saan posibleng pumunta ang mga billiard ball. Sa kaliwang bahagi ng iyong screen makikita ang metrong iyong gagamitin para makontrol ang lakas na ilalabas sa tuwing ikaw ay titira. Para naman matukoy ang posibleng ruta na tutunguhin ng tinirang billiard ball, gamitin ang puting linya bilang gabay. Maaaring sa umpisa ay manibago ka pa at hindi matantsa kung gaano kalakas o kahina ang gagawing pagtira. Kaya ang pinakamainam na pamamaraan para maging pamilyar ay laruin ito ng ilang beses at mag-practice hangga’t ikaw ay masanay.
Kapag ang iyong cue ball ay malapit sa isang targeted ball at malapit din sa pocket points, hinaan lamang ang pagtira mula 10 to 30. Depende na lang din sa distansya sa pagitan ng mga billiard ball. Ang pangkaraniwang lakas na ginagamit sa kalakhan ng labanan ay 40 hanggang 50. Anumang numerong mas mataas dito ay ginagamit lamang kung nasa magkabilang dulo ang iyong cue ball at targeted ball. Hindi rin mairerekomenda na gawing bara-bara ang iyong pagtira lalo’t nag-aalangan kang walang mahulog na billiard ball sa pocket points. Bagama’t maaaring may ilang pagkakataon na ikaw ay swertehin, hindi pa rin ito garantiyang gagana sa lahat ng oras.
Pros at Cons ng Pool Empire-8 Ball Pool Game
Marahil ang isa sa magandang katangian ng laro ay ang dami ng modes na ino-offer nito. Mula sa 1v1, hanggang sa Road of Champion. Halimbawa na lamang sa Road of Champion na kinakitaan ng mga aspeto ng RPG. Pipili ka ng headwear, damit, handwear, at sapatos upang mabago ang pisikal na kaanyuan ng piniling karakter. Bukod pa rito, may stats ding kailangan mong i-upgrade upang tuluyan kang lumakas. Masasabing hindi ka talaga mababagot sa dami ng offers na ibinibigay ng larong ito. Maganda rin ang gameplay na ginamit dito at talaga nga namang masisiyahan lalo na ang mga fan ng Billiards Pool.
Bagama’t nabanggit ng Laro Reviews na positibong aspeto ang pagkakaroon ng iba’t ibang features, may iba pa ring taliwas ang paniniwala pagdating dito. Napakarami ‘di umano ang dagdag na features na tipong nagdudulot na ito ng pagkalito. Karamihan din sa mini games ay pay-to-play kaya kailangan talagang maglabas ng aktwal na pera upang tuluyang ma-enjoy. Bukod pa rito, hindi rin swabe ang touch gameplay ng laro. May mga pagkakataong hindi nakokontrol ng maayos ang cue stick. Nagiging sagabal tuloy ito sa pag-anggulo kung saan ang posibleng tatahakin ng billiard balls. Naaapektuhan nito ang daloy ng paglalaro lalo na kapag mayroong timer.
Marahil ang pinakanakakadismayang aspeto ng Pool Empire-8 Ball Pool Game ay ang aktwal na galaw ng billiard ball na tila hindi ito natural tingnan. May kaunting delay ring mapapansin matapos mong i-release ang pag-hold sa meter na tutukoy kung gaano kalakas ang iyong magiging tira. Hindi naman ito masyadong nakakaapekto sa aktwal na gameplay subalit iyong mga ganitong detalye ang siyang magpapakita kung napagtuunan ba ng game developers pati ang pinakamaliit ng detalye ng laro. Nawa’y pag-ibayuhin pa nila ang mga bagay na ito upang magkaroon ng mas magandang karanasan ang mga pool player.
Konklusyon
Kung ikaw ay mahilig sa paglalaro ng billiards pool, mairerekomenda ito para sa iyo ng Laro Reviews. Bagama’t maraming dagdag na features ang laro, ang primary quest ay sumasalamin pa rin sa mga kinahiligan natin sa tradisyunal na billiards. May bahagyang isyu lamang pagdating sa maliliit na detalye ng teknikal at touch gameplay na usapin. Mainam kung pag-iibayuhin ng game developers na mabago pa ito para mas maging swabe ang karanasan ng mga manlalaro. Bukod pa rito, sana hindi masyadong nakaangkla sa pagiging pay-to-win ang ibang mini games para maging ang mga ayaw maglabas ng salapi ay tunay na ma-enjoy ang bahaging ito ng laro.