Duterte Fighting Crime 2 Review

Nakapatay ka ng mga zombie bilang isang Pinoy Police sa Police Vs. Zombies at nakipagsabong na sa Manok na Pula. Ngayon, lalabanan mo ang mga kriminal bilang Pangulo ng Pilipinas sa laro ng TATAY na pinangalanang Duterte Fighting Crime 2. Kilala ang developer sa paggawa ng mga larong may mga wacky character at nakakatawang gameplay na ikatutuwa ng mga manlalarong Pilipino. Ito ay isang Run and Gun game kung saan si Duterte, ang pangunahing tauhan, ay bumabaril sa sandamakmak na mga taong lumalabag sa batas sa isang side-scrolling platform. Sumali sa kanyang walang katapusang paglalakbay habang nakakakuha ka ng iba’t ibang mga armas at makahingi ng ilang tulong mula sa mga kilalang pampublikong tagapaglingkod na ipinapakita sa isang larawan ng caricature.

Nakilala ang Pangulong Duterte sa pagkakaroon ng kamay na bakal dahil sa kanyang pagbabanta sa mga drug addict at mga taong lumalabag sa batas. Ang kwento ay ginanap sa lansangan, at ito ay tungkol sa pagpatay ni Pangulong Duterte sa mga kriminal. Ang iyong una at pinakapangunahing sandata ay isang handgun na may infinite ammo at isang average na bilis ng pagpapaputok. Maaari kang makakuha ng iba’t ibang baril at armas habang sumusulong sa laro. Mayroon ka lamang isang buhay sa bawat laro, kaya kailangan mong patayin ang lahat ng mga kriminal bago nila gawin ito sa’yo. Ang ilan sa kanila ay maaaring mag-drop ng mga badge kapag napatay mo sila. Maaari mong gamitin ang mga ito upang mag-unlock ng higit pang mga armas at bumili ng tulong.

Bago sumabak sa labanan, maaari kang bumili ng mga tulong mula kay Chief Bato, Fireball Jutsu, at Cayetano Laser gamit ang mga naipong badge. Maaari mo silang magamit sa pagpindot ng mga button na may nakasulat na letra ng una nilang pangalan. M para kay Fireball Jutsu, C para kay Cayetano, at B para kay Chief Bato. May paghahalintulad ang larong ito sa mga side scrolling shooting game. Ang mga button sa kaliwa ang magpapaabante o magpapaatras sa iyong character. Ang malaking bilog naman sa kanan ang pindutan sa pagbabaril sa mga kalaban.

Features ng Duterte Fighting Crime 2

President Duterte – Sa title ng laro, siya lang ang playable character. Siya ay hango sa Pangulo ng Pilipinas at gumagamit si Duterte ng mga baril, na kung minsan ay bomba, para lipulin ang mga kalaban.

Chief Bato – Batay sa dating hepe ng Philippine National Police at ngayon ay Senador ng Pilipinas. Nagkakahalaga ng 12 badges para bilhin siya, at kailangan mong kumuha ng medalya ng pulis para magamit siya. Kapag humingi ka ng tulong sa kanya, bababa siya gamit ang isang lubid at magpapaputok ng machine gun laban sa mga kriminal.

Fireball Jutsu – Inspirasyon mula sa yumaong si Miriam Defensor Santiago. Siya ay sikat sa paggisa ng mga walang kakayahan at tiwaling public servant. Kaya ang kanyang kapangyarihan ay tungkol sa pagsunog sa mga kaaway hanggang sa mamatay. Magiging available siya kapag nakakuha ka ng scroll na sumisimbolo sa kanyang katalinuhan.

Cayetano Laser – Ang caricature ni Allan Peter Cayetano, ang dating Speaker ng House of Representatives mula 2019 hanggang Oktubre 2020. Ang kanyang baril ay maglalabas ng laser na agad na papatay sa sinumang kaaway na tatamaan nito. Dahil sa malakas na kapangyarihang ito, kailangan mo muna siyang i-unlock gamit ang 300 badges. Magagamit mo siya kapag nakakuha ka ng eyeglass, ang kanyang prominenteng feature.

Saan pwedeng i-download ang Duterte Fighting Crime 2?

Pumunta sa Google Play gamit ang iyong smartphone at ilagay ang Duterte Fighting Crime 2 sa search bar. Dahil libre lamang ang laro, i-click ang install button at hintaying mai-download ang laro.

Narito ang link kung saan mo maaaring mai-download ang laro:

Download Duterte Fighting Crime 2 on android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tataygames.dutertegame

Tips at Tricks sa Paglalaro

Madaling makatagal sa larong ito dahil hindi mahirap makitil ang iyong mga kalaban. Sundin lamang ang mga gabay ng Laro Reviews upang makausad dito.

Huwag basta-basta aabante lalo na kung maraming mga kaaway ang naghihintay sa dulo. Ang isang pagkakamaling nagawa ko sa unang paglalaro ay noong minadali kong kunin ang baril sa laro. Sa paglapit ko sa kanila, na-detect ng mga kalaban ang aking character at inatake ako. Ang malala pa rito ay umaatake sila sa paghahagis ng mga hollow blocks. Kung handgun ang iyong gamit, simulan ang iyong pag-atake habang malayo pa ang kalaban. Magbibigay ito sa iyo ng malaking advantage dahil mapapatay mo sila bago ka pa nila unahan.

Related Posts:

Cut Grass Review

Shoot’em all – Shooting Game Review

Gamitin lamang ang mga AOE na atake tulad ng bomba sa maraming mga kalaban. Huwag basta-basta sayangin ang bomba, pero pwede mo na itong gamitin kung papalapit na sa iyo ang kalaban. Maaaring humingi ng tulong mula kila Chief Bato, Fireball Jutsu, at Cayetano Laser kung marami na ang mga kalaban. Ngunit pinakamainam gamitin si Fireball Jutsu dahil siya ang may pinakakaunting badge na kailangan. Kaya niya ring masunog ang mga kalaban.

Pros at Cons ng Duterte Fighting Crime 2

Ang larong Duterte Fighting Crime 2 ay may nonstop shooting action. Masisiyahan ka dito kung ikaw ay mahilig sa mga side-scrolling at shooting game. Nag-aalok din ito ng iba’t ibang uri ng mga armas. Ngunit ang mas malalakas ay nagkakahalaga ng mas matataas na badges, kaya ang mga manlalaro ay mahihikayat na maglaro nang higit pa. Ang mga background at art style ay tumutugma sa dark theme at nakakapanabik na action ng laro. Sa mga tuntunin naman ng musika, nababagay ito nang husto sa gameplay. Maaaring hindi ito mukhang nakakatawa sa ilang matatanda. Ngunit para sa mga taong kayang maka-take ng humor sa larong ito ay matatawa sa bawat caricature ng mga karakter.

Dahil mayroong karahasan ang laro tulad ng mga pagpatay, hindi ito angkop para sa mga bata. Napakaraming kaso ng Extrajudicial execution sa Pilipinas. Maraming inosenteng tao ang nasawi dahil sa kanilang itsura. Ang gameplay tungkol sa pagbaril sa mga kriminal ay maaaring harmless, ngunit maaari itong maging isang hindi naaangkop na insinuation dahil sa kasalukuyang isyu sa bansa. Sa aspeto ng karanasan sa paglalaro, mas maganda kung magdadagdag sila ng karagdagang tulong mula sa mga kilalang public servant. Ang laro ay maaari ding maging boring dahil ang mga kalaban ay pare-pareho. Dapat silang magdagdag ng mas orihinal na boss at hindi ‘yung paulit-ulit.

Konklusyon

Ang larong ito ay hindi para sa lahat. Maaari kang ma-offend sa ilan sa mga tema at gameplay nito. Ngunit kung kaya mong i-take ang mga humor nito, makikita mong malaki ang potensyal ng laro. Sa tingin ng Laro Reviews, maaari pang magdagdag ng higit pang mga feature mula sa mga kaaway hanggang sa mga armas ang developer. Maaari mong i-download ang laro ng libre sa Playstore kung mahilig ka sa mga shooting game na tulad nito.

Laro Reviews