Theme Park Fun 3D! Review

Magtayo at magpatakbo ng sarili mong 3D theme park! Aliwin ang customers habang sinisigurado ang kanilang kaligtasan sa bawat ride at laro. Magagawa mo ang lahat ng ito sa Theme Park Fun 3D! Ang larong ito ay isang simulation game na nilikha ng game developer na Alictus.

Kung inaakala mong ito ay pangkaraniwang simulation game na may temang theme park, nagkakamali ka sa iyong iniisip. Sa halip, ito ay pinagsama-samang magkakaibang hamon sa loob ng theme park. Mararanasan mo rito ang parehong pagiging employee at customer.

Features ng Theme Park Fun 3D!

Different Mini-Games – Binubuo ito ng iba’t ibang mini-games na matatagpuan sa theme park. Napakaraming challenges ang kakaharapin mo bilang employee at customer. Kabilang sa mga ito ang roller coaster, ferris wheel, flat rides, railways, bumper cars, whack-a-mole game, high striker, at marami pang iba. Kumpletuhin ang bawat hamon para ma-unlock ang ibang levels. Hindi lang ito, may levels din kung saan ang kailangan ay maghanda ng pagkain o inumin mula sa orders ng customers.

3D Graphics – Binubuo ito ng simpleng 3D graphics kung saan itinatanghal nito ang makatotohanang theme park rides at games. Sinamahan pa ito ng makulay at maaliwalas na disenyo. ‘Di maitatangging kuhang-kuha nito ang aktwal na kabuuang atmospera ng mga theme park.

Easy Game Controls – Madali lang ang controls ng laro ngunit asahang mararanasan ang paiba-ibang game controls batay sa kasalukuyang nilalaro. May mga arrow at gabay ito upang magsabi kung ano ang dapat gawin sa bawat level. Bagaman magkakaiba ang controls kada level, kadalasang ang kailangan lang nito ay pagpindot at pag-slide ng screen gamit ang daliri.

Saan pwedeng i-download ang Theme Park Fun 3D!?

Pagdating sa reviews, nakakuha ang laro ng 3.8 out of 5 stars sa Google Play Store, samantalang 4.6 out of 5 stars naman sa App Store. Bukod pa rito, mapapansing nasa ika-40 ito sa mga larong nasa kategoryang Simulation ng App Store.

Sa seksyon na ito ng artikulo itururo kung saan at paano i-download ang Theme Park Fun 3D! Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS users kaya hindi ito pwedeng laruin sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store kung ikaw ay Android user, at sa App Store naman kung ikaw ay iOS user. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito sa search bar, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo na simulan ang paglalaro!

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Theme Park Fun 3D! on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gk.themeparkfun3d

Download Theme Park Fun 3D! on iOS https://apps.apple.com/us/app/theme-park-fun-3d/id1594613604

Download Theme Park Fun 3D! on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.gk.themeparkfun3d-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Masyadong marami ang nangyayari sa larong ito, kaya posibleng maguluhan at mabigla ang manlalaro dito, partikular na sa mga baguhan. Kaya narito ang Laro Reviews para magbigay ng tips at tricks upang matulungan ka sa iyong paglalaro.

Tuluy-tuloy lang ang levels kahit na matalo ka, pwera na lang kung gusto mong magkaroon ng second chance para umulit. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng panonood ng ads. Wala rin namang mawawala kung mas pipiliin mong magpatuloy na lang sa susunod na level. Maaaring ikaw ay mabigla sa unang pagkakataon sa pagiging fast-paced ng laro. Ngunit huwag mag-alala dahil ang importante ay mapagdaanan mo muna ang lahat ng levels upang matutunan ito. Kahit na napakaraming levels na binubuo ng iba’t ibang challenges, dadating din sa punto kung saan mauulit na lang ang levels na nalaro mo na. Kadalasang mapapansin mong umulit na ang levels pagdating sa Level 42. Kaya naman ang tip ko sa iyo ay tandaan ang mga ginagawa mo sa bawat level. Para kapag nilaro mo ito sa ikalawang pagkakataon, siguradong magagawa mo na nang tama ang lahat ng levels.

Malawak ang saklaw ng mga hamong maaari mong harapin sa susunod na levels. Dahil dito, mainam na maging handa sa lahat ng pagkakataon, anumang hamon ang nakaabang sa iyo. Ang maipapayo ko sa iyo ay intindihing mabuti kung ano ang kinakailangan sa partikular na level na iyon. Kadalasang namamatay agad ang ibang manlalaro dahil sinisimulan nila agad ang laro kahit hindi pa lubusang nakukuha ang mechanics. May mga laro kung saan ang pangunahing layunin nito ay mapanatiling ligtas ang customer na nakasakay sa ride. Kapag ganito, napakaimportanteng iwasan mo ang mga posibleng makapapahamak sa tao. Halimbawa, mayroong ilang parte sa water slide kung saan biglaang haharang ang pulang stop sign sa gilid. Ang dapat mong gawin ay pumunta sa kabilang gilid para maiwasan ito.

Dagdag pa rito, ang maipapayo ko sa iyo ay palaging i-check ang bar na matatagpuan sa itaas ng screen para sa ilang levels. Ang bar na ito ang magiging indikasyon alinman sa dalawang ito, kung nasa katamtaman ba ang intensity ng iyong ginagawa at kung ilan na lang ang dapat mong gawin para mapuno ang bar. Tingnan ito paminsan-minsan upang masiguradong nasa tamang direksyon ang iyong pinupuntahan.

Pros at Cons ng Theme Park Fun 3D!

Tunay na masusubok ang kakayahan ng manlalaro sa laro dahil sari-saring hamon ang kanyang haharapin dito. Ang problema lang dito ay mahirap maintindihan ang ilang levels dahil wala itong kahit anong instruction kaya ang tanging magagawa mo lamang ay simulan ang paglalaro at hulaan kung ano ba ang dapat gawin. Gayunpaman, maganda itong laruin habang naghihintay sa pila o sa labas dahil hindi ka maiinip dito. Ngunit nakakasagabal nga lang sa tuluy-tuloy na paglalaro ang napakadaming ads na lumalabas bigla. May opsyon ka na mag-airplane mode para mawala ang ads, pero hindi ka na pwedeng mag-retry ng level dahil wala nang internet connection.

May levels na ang kailangan ay mangolekta ng coins. Kaya, galingan ang pagkuha nito at hangga’t maaari ay i-maximize ang iyong kakayahan para makuha ang lahat ng coins. Sa kabilang banda, may mga hamon naman kung saan nagpapaunahan ang mga kalahok papunta sa finish line. Hindi rin mawawala sa theme park ang larong whack-a-mole. Maging alerto sa nagsusulputang mole at bilisan sa pagpindot nito.

Konklusyon

Kung ang Laro Reviews ang magbibigay hatol sa larong ito, masasabing nakaka-enjoy laruin ang ibang levels nito. Sapagkat may mga level na katamtaman lang ang ganda at hindi masyadong masaya laruin. Nakakawala rin ng excitement kapag napakaraming ads ang biglang lumalabas sa kalagitnaan ng iyong paglalaro. Gayunpaman, maganda pa ring maranasang laruin ang Theme Park Fun 3D! kahit isang beses lang dahil hindi maitatangging nakakagising ng diwa ang ibang challenges nito. Hindi nga lang ito maituturing na kabilang sa mga larong pangmatagalan.