Handa ka na ba para sa isa na namang kapanapanabik na cooking game?
Itinatampok sa artikulong ito ng Laro Reviews ang Cooking Love – Chef Restaurant – isa na namang exciting at nakakaadik na laro mula sa CSCMobi Studios. Bilang isang tanyag na chef, layunin mong magdulot ng kasiyahan sa iyong mga customer sa pamamagitan ng mga pagkaing ihahain mo sa kanila. Habang patuloy na tinutugunan ang pangangailangan ng iyong mga customer, palaguin ang iyong negosyo at magbukas ng restaurant sa iba’t ibang panig ng mundo! Tuklasin ang kultura mula sa mga bansang Estados Unidos, China, India, Japan, at Mexico at tukuyin ang kanilang espesyal na cuisine!
Features ng Cooking Love – Chef Restaurant
Worldwide Restaurants – Magbukas ng restaurants sa iba’t ibang panig ng daigdig! Palaguin ang business sa mga bansang gaya ng Estados Unidos, Japan, China, India, Mexico, at marami pang iba! Ipamalas ang kanilang kultura sa pamamagitan ng mga pagkaing iyong ihahain.
Collect the Keys – Sa tuwing natatapos mo ang isang level, makakatanggap ka ng susi na magsisilbing daan para buksan ang iyong susunod na restaurant.
Offline Mode – Kahit na walang kang access sa internet o mobile data, maaari mo pa ring ipagpatuloy ang pagpapalago ng iyong restaurant. Pagsilbihan ang mga customer kahit hindi konektado sa Wi-Fi!
Saan Pwedeng I-download ang Cooking Love – Chef Restaurant?
Kasalukuyang available lamang ang Cooking Love – Chef Restaurant sa Android at iOS devices. Hindi pa ito posibleng mai-download sa PC. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Ayan, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Cooking Love – Chef Restaurant on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.cscmobi.cooking.love.free
Download Cooking Love – Chef Restaurant on iOS https://apps.apple.com/us/app/cooking-love-restaurant-chef/id1550874291
Tips at Tricks sa Paglalaro
“The customer is always right” ‘ika nga nila. Bilang isang chef, hindi mo dapat pinaghihintay nang matagal ang iyong mga customer at patuloy na maghatid ng mga de-kalidad na pagkain. Naghanda ang Laro Reviews ng ilang tips para maging swabe ang iyong pagsisilbi sa mga dumarating na customer.
Tukuyin ang layunin ng level
Bago ka pa man magsimula ng level, importanteng matukoy kung ano ang pinakalayunin ng level na iyong nilalalaro. Maaaring ito ay may target na bilang ng coins na dapat makumpleto, bilang ng mga customer na pagsisilbihan, o kaya naman ay matatapos ang level sa takdang oras o may time limit.
Ihanda ang pagkain umpisa pa lamang.
Ang maagang paghahanda ang isa sa iyong magiging susi para hindi maghintay nang matagal ang iyong customer. Bago pa man sila dumagsa sa iyong restaurant, magandang naihanda mo na ang pundasyon ng iyong binebenta. Halimbawa na lamang sa Sushi Bar, hatiin kaagad ang isda dahil umaabot pa ng ilang segundo bago ito pwedeng ihain. Kapag nakita mong tapos na ang timer, pindutin na agad ang handang sashimi para gawin ang susunod na hakbang. Sa ganitong pamamaraan, madali na para sa iyo na pindutin ang sauce na kalakip ng orders.
I-upgrade ang tools
Upang maging mabilis ang proseso ng iyong paghahanda, siguraduhing i-upgrade ang iyong mga kagamitan. Sa pamamagitan nito mas mapapaiksi ang oras na kinakailangan para i-ready ang pagkain. Bukod pa rito, madadagdagan pa ang bilang ng pagkaing pwedeng ihanda. Halimbawa na lamang sa Ramen-ya, sa halip na limang segundo ang kailangan bago ihain ang ramen noodles, aabot na lamang ito ng tatlong segundo.
I-upgrade ang mga pagkain
Bukod sa mga kagamitang kakailanganin sa iyong restaurant, mahalagang i-upgrade din ang kalidad ng mga pagkaing inihahanda. Mas mataas ang coins na matatanggap mula sa iyong customers
Sunud-sunod na ibigay ang orders
Kapag mas mabilis mong naibigay ang orders ng iyong mga customer, makakabuo ka ng combo. Makikita ang indikasyon nito sa combo meter na nasa itaas na bahagi ng iyong screen. Kapag ikaw ay mas mabilis, mas mataas ang kabuuang puntos na matatanggap.
Pros at Cons ng Cooking Love – Chef Restaurant
Isa sa unang mapapansin sa Cooking Love – Chef Restaurant ay ang graphics ng laro. Makulay at cute ang kabuuang visual ng laro. Swak na swak ang graphics ng laro para sa mga bata dahil sa kaakit-akit nitong disenyo. Pagdating naman sa usaping gameplay, kung pamilyar ka sa mga cooking game ay malamang hindi na bago ito sa iyo. Ang isang aspeto kung bakit naging angat ang larong ito kumpara sa iba ay hindi na kinakailangan pang i-drag ang pagkain sa customer. Kapag pinindot mo ang nakahaing pagkain ng customer, agad na nila itong matatanggap. Dahil dito, mas pinadali ang proseso ng laro na nagreresulta ng mas mabilis na pagtugon sa orders sa restaurant. Bagay rin ang ginamit na background music sa laro.
Sa kabila nito, maraming mga teknikal na isyung kinakaharap ang mga manlalaro. Ilang halimbawa nito ay ang biglaang pagha-hang ng app, hindi paglo-load ng laro, at kabagalan ng touch gameplay. Bukod pa rito, may mga pagkakataon ding hindi natatanggap ang dagdag na bonus matapos panoorin ang ads.
Konklusyon
Kung mahilig ka sa mga cooking game ay tiyak na magugustuhan mo ang Cooking Love – Chef Restaurant. Balanse ang lahat ng mga level dahil may timpla ito ng pagiging madali ngunit may hamon din itong dala. Mabubusog pa ang iyong mata sa kaaya-ayang visuals nito. Tunay ngang maisasabuhay ang karanasan ng pagiging isang tanyag na world-class chef. Sa kabilang banda, kulang ang restaurants at kabuuang content ng laro. Matapos mapagtagumpayan ang lahat ng levels, wala nang panibagong update mula sa game developers. May mga isyu ring kinakaharap pagdating sa teknikal na aspeto ng laro na nakakasagabal para sa ibang manlalaro. Gayunpaman, para sa Laro Reviews isa itong magandang panimula kung ikaw ay mahilig sa cookings games o kaya naman ay naghahanap ng mapaglilibangan. Kaya ano pa ang hinihintay mo? I-download na ang Cooking Love – Chef Restaurant!