Ang realistic game elements ng simulation games ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang nahuhumaling sa mga ganitong uri ng laro. Sa Cat Restaurant 2 – sowe & cook, ma-eenjoy ng mga manlalaro nang sabay ang parehong farm at restaurant simulation games. Ang single-player app na ito ay inilabas ng YQD Games noong Hulyo 26, 2020.
Bilang may-ari ng Forest Farm Diner, tungkulin ng mga manlalaro na ayusin at patakbuhin ng maayos ang isang lumang restaurant para sa mga hayop. Bukod dito, kailangan din nilang magtanim at umaani ng iba’t ibang halaman sa farmland para ibenta at gawing sangkap ng mga ihahaing pagkain. Habang ginagawa nila ito ay makakasalamuha nila bilang customers at katrabaho ang mga nakakaaliw na hayop.
Paano I-download ang Laro?
Sa kasalukuyan, ang game app na ito ay available pa lamang sa Play Store. Maaari mong i-download at laruin gamit ang Android devices. Kung nais mo namang maglaro sa laptop o desktop, maaari mong i-download ang apk file nito at gumamit ng Android emulator upang i-run ito. Bilang alternatibo, maaari mo ring i-click ang mga sumusunod na link upang mai-download ito kaagad:
Download Cat Restaurant 2 – sowe & cook on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.apponly.farm.cat.restaurant
Download Cat Restaurant 2 – sowe & cook on PC https://appsonwindows.com/download/7736701/11/
Ultimate Guide para sa mga Manlalaro
Ang ultimate guide na ito mula sa Laro Reviews ay binuo para sa mga baguhang manlalarong tulad mo. Ito ay makakatulong upang maunawaan mo ang mga pasikut-sikot sa laro. Maaari mo rin itong maging batayan para malaman kung kailangan mo ba talaga itong subukan o hindi.
- Gameplay
Sa simula ng laro ay matatagpuan mo ang isang pusang nangangailangan ng tulong. Bilang kapalit ng iyong kabutihang-loob dadalhin ka nito sa gitna ng kagubatan kung saan matatagpuan ang Forest Farm Diner. Ito ay isang eksklusibong restaurant para sa mga hayop. Mula sa bahaging ito ay ikaw na ang magmamay-ari at magpapatakbo ng negosyong ito.
Ang kahihinatnan ng restaurant ay nasa iyong mga kamay. Kailangan mong ayusin, pagandahin at paunlarin ito upang maraming customers ang dumayo rito at lumaki ang iyong kita. Bukod dito ay kailangan mo ring magdagdag ng mga pagkain sa menu upang tangkilikin ito ng maraming hayop tulad ng mga oso, leon, rabbits at marami pang iba.
Tandaan na ang game app na ito ay walang leveling system. Sa halip, kailangan mong kumita ng coins upang ma-unlock at makabili ka ng items na kinakailangan sa restaurant at sa farmland. Bukod dito, kailangan mo ring mag-ipon ng stars sa pamamagitan ng pagkumpleto sa mga gawaing nasa task list. Ang listahang ito ay matatagpuan sa kanang-ibabang bahagi ng main game screen.
- Restaurant Simulation
Bilang may-ari ng Forest Farm Diner, dapat mong tiyakin na ang lahat ng customers ay mabibigyan ng magandang serbisyo sa iyong restaurant. Hindi mo na kinakailangang problemahin kung paano mag-level up, kaya ikaw ang magdedesisyon kung gaano mo kabilis maaayos at mapapaunlad ang negosyo.
Sa simula ng laro, bibigyan ka ng kaunting kapital upang makabili ng mga simpleng kagamitan katulad ng lutuan, lamesa at iba pa. Gagamitin mo ang mga ito upang mabuksan ang restaurant para sa mga naghihintay na customers. Kapag maayos na ang lahat at handa ka na, i-ring ang service bell sa ibabang bahagi ng gaming screen upang magsidatingan ang mga hayop. Sila ay pipila sa labas at papasok kapag mayroong bakanteng mesa. Kinakailangan mong i-tap ang order na makikita sa tabi nila. Automatic na lulutuin ang mga ito at ise-serve sa kanilang mesa. Kapag tapos na silang kumain ay may lilitaw na coin icon. Kailangan mong i-click ito upang makolekta ang kanilang bayad at makapasok ang iba. Hangga’t maaari panatilihing malinis ang iyong restaurant. Kapag may nakita kang mga kalat sa sahig ay agad itong i-click upang maglaho nang tuluyan.
Para makita at mabili ang kinakailangang game items, i-click ang menu icon na makikita sa kaliwa-ibabang sulok ng gaming screen. Piliin ang Facilities option kung nais mong bumili ng bagong kagamitan o kasangkapan. Sa kabilang banda, kung gusto mo namang magdagdag ng bago sa restaurant menu, pumunta sa Delicious option upang i-unlock ang napili mong pagkain. Kung sakaling dumating ang pagkakataon na mahirapan ka sa dami ng mga gawain, pwede kang kumuha ng mga empleyadong makakatulong sa’yo sa Helpers option.
- Farmland Simulation
Kailangan mong makaipon ng 2,000 coins at makakuha ng 50 stars upang mai-unlock ang Farmland feature. Sa pamamagitan nito ay maaari mong ma-enjoy ang farming simulation gameplay na bahagi ng larong ito. Dito ay pwede kang magtanim at umani ng iba’t ibang uri ng prutas at gulay. Maaari mong ibenta ang mga produkto mula rito o kaya ay gawing sangkap para sa mga pagkaing ihahanda sa restaurant. Pagbutihin ang iyong trabaho sa restaurant at mag-ipon ng coins upang mas mapalawak ang iyong farm. Sa pamamagitan nito ay dodoble ang iyong pagkakakitaan.
Pros at Cons ng Cat Restaurant 2 – Sowe & Cook
Isa sa mga hinahangaan ng marami sa larong ito ay ang simple ngunit nakakaaliw nitong konsepto at graphics. Ang gameplay nito ay madali at nakakalibang. Dahil walang game levels na kailangang lampasan, mas nakakapag-focus ang mga manlalaro sa pag-iipon ng sapat na resources upang mapaganda at mapaunlad ang restaurant at farmland. Ang ganitong sistema ay mas challenging at mas kapanapanabik para sa marami. Ang storyline nito na tungkol sa mga hayop ay bago at kakaiba kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang plots na ginagamit sa karamihan ng simulation games. Ang game controls ay madaling gamitin at gumagana nang maayos. Walang nakakaistorbong ads dito maliban na lamang kung kusang manonood ang manlalaro upang makakuha ng karagdagang coins.
Samantala, marami ang nagsasabi na ang larong ito ay isang imitasyon lamang ng sikat na Animal Restaurant. Sa katunayan hindi maipagkakaila ang napakalaking pagkakahawig nito pagdating sa konsepto, gameplay at maging graphics. Kung ikukumpara ang dalawa, malaki talaga ang lamang ng mas sikat na game app kaysa rito. Sa katagalan, ang app na ito ay nagiging mabagal at laggy na malaking abala sa paglalaro. Ang farmland simulation nito ay maayos naman sana subalit, masyadong kakaunti ang items na pwedeng pagpilian at masyadong mahal ang mga ito. Sobrang tagal ding lumago ng mga halaman dito. Bukod sa mga nabanggit, may ilang manlalaro ang nagrereklamo dahil sobrang hirap makakuha ng stars dito. Ang mga ito pa naman ang pangunahing ginagamit upang ma-unlock ang ibang game items.
Konklusyon
Ang Restaurant 2 – sowe & cook ay may average rating na 4.4 stars mula sa 14,000 reviews sa Play Store. Hinihikayat ng Laro Reviews ang mga manlalaro na mag-isip nang mabuti bago ito i-download lalo na kung plano mong laruin ito nang pangmatagalan. Malaki ang posibilidad na sa katagalan ay madismaya ka lang dito. Mas ma-eenjoy mo ito kung lalaruin lamang nang saglit o kaya ay gawing pansamantalang libangan.