Para maging magaling sa bidding, importanteng matutunan ang kalakaran nito sa pagkakaroon ng direktang karanasan sa mismong pagsali sa auctions. Ang labanan sa bidding ay napakakritikal dahil upang makuha ang nais na item, kailangan mong mag-bid ng pinakamataas na presyo kumpara sa iba. Kapag nagkaroon ka na ng sapat na karanasan sa bidding, kalakip dito ang kaalaman at karunungang makukuha mo. Dahil dito, mas mataas ang pagkakataong makuha mo ang iyong gusto.
Dito sa Bid Wars 2: Auction & Business, mararanasan mo ang pag-bid sa storage auctions upang kumita ng pera. Kapag lumaki na ang iyong profit, maaari itong magbukas sa’yo ng panibagong oportunidad upang makapagsimula ka ng sariling business game at maging isa sa mga tagapagtaguyod ng siyudad. Ang larong ito ay isang strategy simulation game na ginawa ng game developer na Aliens. Ito ay labanan ng garage sales, treasure hunt, at storage auctions kung saan matututunan mo ang principle ng business game. Narito ang Laro Reviews para magbigay ng pangkalahatang ideya at tips tungkol sa laro. Kaya siguraduhing tapusing basahin ang article na ito!
Features ng Bid Wars 2: Auction & Business
Join Auctions – Sumali ng iba’t ibang auctions upang mahasa ang iyong skills sa bidding! Sa bawat auction, nahahati ito sa units na naglalaman ng sari-saring items. Apat kayong bidders ang maglalaban para maiuwi ang partikular na unit matapos ang matagalang pag-bid.
Own a Pawn Shop – I-benta ang items na nakuha mula sa bidding at ibenta ito sa mas malaking halaga! I-display ang rare at valuable na acquisitions at ibenta ito para mapalago ang iyong pawn shop nang sa gayon ay tanghalin ka bilang King of Auctions. I-upgrade ang capacity ng inventory para mas maraming items ang ma-accomodate nito pati na rin ang dami ng shelves para mas marami ang pagkakakitain mo.
Travel Across the World – Iba’t ibang mga lugar ang nag-aabang para ma-unlock! May pagkakataon kang mamili kung saan mo nais sumali ng auction. Magmula sa magkakaibang siyudad ng USA hanggang sa bansang China, malaya kang mapuntahan ang mga ito kung patuloy na maglalaro para tumaas ang level. Bukod pa rito, may tatlong events ding pwede mong salihan na limitado sa loob ng ilang araw. Mayroon din iyong daily at weekly auctions na maaari mong salihan.
Saan pwedeng i-download ang Bid Wars 2: Auction & Business?
Sa seksyong ito, itururo kung saan at paano i-download ang Bid Wars 2: Auction & Business. Kasalukuyang available ito sa Android, iOS, at PC. Upang mai-download ito sa iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at App Store para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pwede mo nang simulan ang paglalaro pagkatapos ng lahat ng ito!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Bid Wars 2: Auction & Business on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=br.com.tapps.bidwars2
Download Bid Wars 2: Auction & Business on iOS https://apps.apple.com/us/app/bid-wars-2-auction-simulator/id1262445849
Download Bid Wars 2: Auction & Business on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/bid-wars-2-auction-business-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Bid Wars 2: Auction & Business, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Ang layunin sa pagsali sa bidding ay para kumita upang palaguin ang iyong pera. Kaya ang unang maipapayo ko sa iyo ay pakinabangan nang maigi ang benepisyong matatanggap sa panonood ng ads. Halimbawa, pagkatapos mong pumili ng items na ilalagay sa sasakyan para ipadala sa inventory, mas mainam na manood ng ad para makakuha ng 30% na dagdag sa profit na makukuha sa pagbenta ng items na natira. Dahil kung hindi, mababa lang ang kikitain mo rito. Gayundin, hindi rin naman makatwirang gumastos ng limang gold bars para lang madagdagan ang iyong kita ng 50%. Bukod pa rito, nakakatulong din ang ads para tumaas ang iyong score sa sinalihang auction. Imbes na gumastos ng dalawang gold bars para makapag-spin sa Lucky Spin, may opsyon kang makakuha ng free spin kung pipiliin mong manood ng ad. Kung nakatanggap ka ng negative score, posible itong tumaas at mabawi kung makukuha mo ang pinakamataas na halaga sa Lucky Spin. Pwede ka ring maka-unlock ng dagdag na shelf at gamitin ito nang isang beses sa pamamagitan ng panonood ng ad. Kung tutuusin, hindi na masama ang matatanggap na benepisyo sa ilang segundong hihintayin para matapos ang isang ad dahil magiging daan naman ito para madagdagan ang kikitaing pera.
Maging matalino sa bawat desisyong gagawin sa larong ito. Lalo na dahil habang tumatagal ang laro ay ipaparanas nito kung ano ang nangyayari sa auctions sa aktwal na buhay. Kaya makikita mong may mga pagkakataong mahirap makontrol ang mangyayari at magiging resulta ng kompetisyon sa bidding. Huwag lang basta-basta sa pag-bid at maging maingat na hindi malugi sa makukuhang items pagkatapos mag-bid. Dapat madoble ang profit na makukuha mo sa pag-bid kaya ikonsidera ang halaga ng lahat ng items at kung katumbas ba ito ng halaga ng perang ilalapag mo. Pakinabangan nang mabuti ang limang segundong palugit bago magsimula ang auction para i-check ang estimated value ng items sa pamamagitan ng pag-click nito. Kung karamihan nito ay may mababang halaga at binubuo ng mga kahon, masyadong malaki ang magiging risk na maubos ang iyong pera dahil walang kasiguraduhang malaki ang makukuhang profit dito. Ang tip ko rin ay unahing hanapin ang rare items sa storage auction dahil mas malaki ang maaari mong kitain. Malaki ang tsansang mabenta mo ito sa mas mataas na presyo batay sa offers na makukuha.
Kaugnay nito, malaki rin ang kapakinabangan kung alam mo ang halaga ng rare items na mayroon ka. Dahil kung hindi, posibleng wala kang makuhang tubo sa pagbenta nito at mawawalan lang ng saysay ang pagbenta mo nito. Bilang solusyon, mainam na alamin kung tunay ba o peke ang item na iyon sa pamamagitan ng pagsiyasat nito sa Community College na iyong maa-unlock pagdating sa level 6. Bukod sa pagtuklas ng authenticity ng item, malalaman mo rin ang totoong halaga nito. Ang tip ko sa iyo ay manood din ng ads dito para mabawasan ang appraisal time ng 30 minuto.
Asahan ang pinakamalalang posibleng mangyari sa’yo pagdating sa bidding. Salihan lang ang bids na may matitira pa ring disenteng halaga sa iyong pera kung sakaling mag-break even ka sa bidding cost. Mahalaga ito para makalahok ka pa rin sa mga susunod na bids kahit na wala kang nakuhang tubo pagkatapos ng bidding. Dagdag pa rito, malaki ang naitutulong ng mga powerup tulad ng Calculator, Boot, at Taunt. Sa paggamit ng Calculator powerup, magkakaroon ka ng ideya sa estimated range ng kabuuang halaga ng lahat ng items. Nang sa gayon, matatantsa mo ang hangganan kung magkano lang ang pwede mong mai-bid na may makukuha ka pa ring profit. Bagaman hindi ito ang magpapasya ng iyong desisyon sa proseso ng bidding, makakatulong pa rin ito para hindi ka tuluyang makaltasan ng malaking pera. Pagdating naman sa Boot powerup, pwede itong gamitin para mautakan ang iyong mga kakumpetensya dahil may kakayahan itong alisin ang kahit sino sa unit. Gamitin ito kapag siguradong malalaki ang halaga ng karamihan sa items na nasa unit. Obserbahan kung sino sa tatlong bidders ang pinakamadalas na mag-bid at siya ang iyong gamitin sa Boot powerup. Kung nais mo namang gamitan ng Taunt powerup, magiging daan ito para ma-taunt ang isa hanggang tatlo sa iyong kakumpetensya sa loob ng ilang segundo. Saktuhan ang timing na mag-bid muna at pagkatapos ay gamitin ang taunt para hindi makapag-bid ang iba habang sinasara ang bidding, nang sa gayon ay ikaw ang makakapag-uwi nito sa mas mababang presyo.
Pros at Cons ng Bid Wars 2: Auction & Business
Simple at madali lang maintindihan ang gameplay at interface ng laro. Makukuha mo na agad sa beginner’s tutorial ang kabuuang ideya ng basic mechanics nito. Hinahasa rin nito ang kaisipan ng mga manlalaro dahil isa ito sa mga pinakaimportanteng skill na dapat angkinin upang maging matagumpay sa bidding. Bagay na bagay ang larong ito lalo na sa mga competitive na manlalaro dahil may kakaibang saya ang nadarama tuwing ikaw ay nangunguna sa score sa auction. Bagaman may feature ito na offline mode, mas gugustuhin mong maglaro habang online para makapanood ng ads. Kaya walang dudang nakaka-enjoy talaga ang laro dahil handang manood ng ads ang karamihan para madagdagan ang makukuhang rewards. Ngunit, may mga kaso kung saan nagla-lag o nagfi-freeze ang screen matapos manood ng ad kaya walang choice ang manlalaro kundi i-exit ang laro. Kaso pagkatapos bumalik sa laro, mawawala na rin ang iyong naging progreso sa laro at rewards. Bukod pa rito, may mga pagkakataon ding hindi mabuksan ang app kahit na balik-balikan ito makalipas ang ilang linggo.
Konklusyon
Talagang mapapatayo ka sa iyong upuan dahil sa thrill na mararamdaman habang inuutakan ang mga kakumpetensya sa bidding! Maganda itong maging pagsasanay para mahasa ang kasanayan sa bidding. Mahahasa rin ang iyong kaisipan kung paano bumuo ng estratehiya at taktika para ikaw ang makapag-uwi ng unit sa mas murang halaga. Nakakadagdag-ganda rin sa paglalaro ang paggamit ng powerups na Boot, Calculator, at Taunt. Hindi lamang ito, masasanay ka ring gumawa ng matalino at mabilisang pagpapasya. Dahil dito, mairerekomenda ng Laro Reviews ang Bid Wars 2: Auction & Business, ngunit asahan ang ilang mga isyu sa laro katulad ng nabanggit sa cons nito.