Motorsport Manager Mobile 2 Review

Ilang taon din ang hinintay bago magkaroon ng sequel ang Motorsport Manager Mobile kaya naman hindi naitago ng marami ang kanilang galak noong sa wakas ay nagkaroon na nga ng Motorsport Manager Mobile 2. Patunay rito ang minsang pag-top ng laro bilang most downloaded na application sa App Store. Ngunit kung baguhan ka pa lamang sa larong ito, marahil iisipin mong ang larong ito ay tungkol lamang sa mga klasikong racing car kung saan makikipag karera ka sa iba pang players, subalit ang gameplay ng larong ito ay umiikot din sa tungkulin mo bilang isang Motorsport Manager.

Sa karagdagan, ang larong ito ay hindi lamang nangangailangan ng bilis upang manalo sa karera. Kailangan mo rin maging isang matalinong sport manager kaya bawat desisyon na iyong gagawin ay dapat pinag-iisipang mabuti kagaya ng pagpili ng driver, pagpili ng bibilhing parts ng sasakyan, mga strategy na dapat gagawin ng iyong mga driver sa race at iba pa. Magsisimula ka rin sa larong ito na mayroong 10 milyong USD sa iyong bulsa, dalawang drivers, isang complete scrub at backmarker. Gayundin, magsisimula ka na mayroon ng sponsors na siyang sumasagot sa ilang pangangailan ng iyong sasakyan, kaya sa umpisa pa lamang ng laro ay dapat galingan mo na upang mas lalo silang matuwa sa iyo at mas lalaki pa ang sponsorship deal na makukuha mo sa hinaharap.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro.

Sa pagpili ng sponsor laging isaalang-alang ang kanilang offer na tulong pinansyal at kung gaano katagal ka nila handang tulungan dahil mayroon kasing sponsors na kaya lamang magbigay ng tulong sa loob ng maikling panahon at mayroon din namang handang tumulong sa iyo gaano mo man katagal gusto. Sa karagdagan, lagi kang mayroong tatlong pagpipiliang sponsors sa tuwing mabibigyan ka ng pagkakataon na pumili kaya hindi ka lamang basta pipili, bagkus magbatay lagi sa tulong na kaya nilang ibigay sa iyong team.

Kung gusto mo namang i-upgrade ang parts ng iyong sasakyan, sa ilalim ng Car’s menu ay may makikita kang cart icon kung saan matatagpuan mo rito ang iba’t ibang parts ng sasakyan na kayang mag-upgrade sa performance ng iyong sasakyan. Subalit hindi ka rin dapat bili ng bili na lamang lalo pa kung hind naman ito kinakailangan, mas mainam na mag-upgrade lamang kapag nabalitaan mo sa pamamagitan ng social media na nag-upgrade ang iyong mga kalaban.

Hindi ka rin dapat mag-pakundangan sa paglulustay ng iyong pera dahil mahalaga na magkaroon ka ng malaking halaga ng pera upang makabili ng mga bagong part ng sasakyan at mga engineer na siyang mamamahala sa paggawa ng iyong sasakyan. Hindi ka rin dapat mag-overspend dahil mahalaga ang malaking halaga ng pera sa susunod na season ng laro. Gayundin, huwag dumepende lang sa tulong ng mga sponsors dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagawa ka nilang matulungan.

Sa kabilang banda marami ka ring option sa pagpili ng iyong driving style. Ilan sa mga ito ay Neutral, Conservative at Aggressive. Sa umpisa ng mga race, mas mainam na gamitin ang Neutral driving style upang hindi basta-basta masira ang mga gulong ng iyong sasakyan.

Mahalaga rin na pakinggan mo ang sinasabi ng iyong driver sa kalagitnaan ng karera sapagkat mahalaga ang kanilang sasabihin lalo na kung gusto nilang pansamantalang tumigil muna upang palitan ang ilang parts ng sasakyan na kanilang ginagamit kagaya ng gulong nito.

Upang magawa namang manalo sa mga race, napakahalaga na mag-invest ka ng R&D money sa sasakyan ga gagamitin ng iyong drivers dahil kapag hindi mo ito gagawin, paniguradong ikaw lagi ang pinakahuling makakarating sa finish line at kailanman ay hindi mo mararanasang makatuntong sa podium.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store para sa mga iOS user. Samantala, hindi available ang larong ito sa PC. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Motorsport Manager Mobile 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.playsportgames.mmm2017

Download Motorsport Manager Mobile 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/motorsport-manager-mobile-2/id1194084699

Mga Feature ng Laro

  • Fast Forward Button – Kung ayaw mong mapag-iwanan ng mga kalaban, dapat mong gamitin ang feature na ito ng laro upang magawa mong makipagsabayan sa kanilang bilis.
  • Social Media Posts – Kung sa totoong buhay ay maraming mga pangyayaring pinag-uusapan sa mundo ng online world sa Motorsport Manager 2, napakalaking tulong ang ibinibigay ng social media posts upang malaman mo ang mga hakbang, o mga plano ng kalaban kaya hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang mga haka-haka na iyong makikita dahil kadalasan malaki ang maitutulong nila upang manalo sa race.
  • Cart Icon – Kagaya sa totoong mundo, ang mga sasakyan sa larong ito ay nangangailangan rin ng tamang pag-aalaga, at upgrades kaya sa tulong ng feature ng larong ito, magagawa mong mapanatili ang magandang performance ng iyong sasakyan.
  • Sponsors – Malaki rin ang papel na ginagampanan nila, lalo na pagdating sa usaping pera kaya mahalaga na magkaroon ka ng magandang performance sa laro palagi upang makapanghikayat ka pa ng mas maraming sponsors na handang umalalay sa iyo at sa iyong team.

Pros at Cons ng Laro

Kung gusto mo ng level-up na karanasan sa isang racing car, marahil ang Motorsport Manager Mobile 2 na ang hinihintay mo. Hindi lamang siksik sa aksyon ang larong ito sapagkat punong-puno rin ito ng mga game features na dito mo lamang matutunghayan. Hindi ka rin bibiguin ng laro pagdating sa gameplay nito sapagkat bukod sa race, ikaw rin ang mamamahala sa kondisyon ng mga sasakyan na gagamitin ng iyong driver, maging sa mga strategies na dapat nilang gawin upang masiguro ang mga panalo.

Sa karagdagan, lubos na naniniwala ang Laro Reviews na pagdating sa graphics ng laro, ang Playsport ang mayroong pinaka-dekalidad. Sino nga ba naman ang magrereklamo pa kung bukod sa HD na ang graphics, kamangha-mangha pa rin ang visual effects at sound effects ng laro. Pagdating naman sa usapin ng ads, hindi rin ito problema sa laro kaya hindi ka na maiinis pa sa kakapindot ng x button ng mga nakakairitang ads.

Sa kabilang banda, kung baguhan ka pa lamang sa larong ito at sa genre ng racing car at sports managing, tiyak na hindi magiging madali sa iyo ang paglalaro nito. Bukod kasi sa racing, dapat kalkulado ang bawat desisyon na iyong ginagawa sa laro kaya sa isang mali mo lamang ay maaari na itong maging sanhi ng iyong pagkatalo.

Bukod pa rito, hindi rin libre ang laro kaya kailangan mo munang magbayad bago mo magawang mag-enjoy kaya kung wala kang sapat na pera, hindi mo maaaring malaro ang Motorsport Manager Mobile 2.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, wala ka naman talagang perpektong laro na makikita sa mundo ng online gaming. Ngunit kahit may iilang negatibong katangian ang larong Motorsport Manager Mobile 2, Hindi pa rin maaaring ipagkaila ng Laro Reviews na walang kapantay ang gameplay at graphics ng laro. Kaya kung naghahanap ka ng isang exciting at puno ng aksyon na race game, tiyak na para sa iyo ang larong ito.