Bid Wars Stars – Multiplayer Review

Ang reality TV Show na Storage Wars ay ginawang kapanapanabik ang mga pagbi-bid. May iba’t ibang personalidad ang mga bidder, lalo na si Dave Locker at ang kanyang YUUUP! Nakakatuwang makita ang halaga ng mga bagay na kanilang nabili kung ibebenta ang mga ito. At maaari mo nang maranasan ito sa iyong mobile phone gamit ang larong Bid Wars Stars – Multiplayer mula sa By Aliens. Ito ay isang strategy game upang subukan ang iyong bidding skill habang nasasabak ka sa isang virtual auction laban sa iba pang mga player. Ang bawat manlalaro ay may parehong halaga ng pera at mag-aalok ng kanilang presyo. Ang sinumang nakakuha ng huling bid ang siyang magmamay-ari ng lahat ng mga item sa locker. Ngunit huwag masyadong maging kumpiyansa dahil ang kanilang halaga ay maaaring mas mababa kaysa sa iyong nagastos.

Batay ang laro sa Storage Wars, isang reality TV show mula sa A+E Networks. Tulad ng palabas, itatakda ng auctioneer ang presyo, at ibi-bid ng mga manlalaro ang kanilang offer. Ang ibang mga bidder ay maaaring magbigay ng mas mataas na halaga hanggang sa mabili nila ang mga item. Hindi mahalaga kung gaano karaming mga item sa storage ang iyong nabili dahil mababawasan ang estimated value ng halagang iyong binayaran. Kaya panalo ang bidder na may pinakamataas na partial result.

Para magkaroon ng patas na laro, lahat ng mga player ay may parehong halaga ng pera. Ang bawat laro ay may hanggang apat na unit ng storage. Magkakaroon ang mga bidder ng walong segundo upang siyasatin at tantiyahin ang presyo ng mga item. Ngunit hindi nila ito lahat makikita dahil ang iba sa mga item ay nasa loob ng mga kahon. Magsisimula ang bidding matapos ang time limit. Maaari kang gumamit ng isang ability sa bawat locker upang magdagdag ng excitement sa laro. Kung mayroon kang sapat na pera, pindutin ang button para sa pag-bid. At magiging iyo ang mga item kapag walang nag-alok ng mas mataas na bid. Sabi nila may pera sa basura. Kaya maaari mo pa ring ibenta ang mga nabili mong mga item sa Pawn Shop.

Features ng Bid Wars Stars – Multiplayer

Bidding – Ang pangunahing gameplay. Makikisali ka sa mga virtual auction laban sa tatlo pang manlalaro. Kung sino man ang huling makapag-bid ay makukuha ang lahat ng nasa loob ng storage.

Mga Assistant – Sampu na sila sa ngayon, at magkaiba sila ng mga personalidad. Nagbibigay sila ng bonus effect dahil sa kanilang special skill. Maaari mong i-level up ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga token at sa paggastos ng pera.

Pawn Shop – Ang lugar kung saan maaari mong ibenta ang mga item na nabili sa auction. Palaging dumarating ang mga customer pagkatapos ng ilang minuto, at maaari mo silang i-overcharge. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paggamit ng 25 energy upang paikutin ang wheel, at maaari kang makakuha ng karagdagang 10% hanggang 100% na pagtaas ng presyo. Maaari mo ring tanggapin ang kanilang presyo o tanggihan ito kung sa tingin mo ay hindi ito sapat.

Catalog – Ipinapakita ang lahat ng mga item na iyong binili at nakita sa auction. May mga damit, dekorasyon, muwebles, libangan, household, junk, miscellaneous, sports, tech, at mga laruan sa catalog. Maaari mo ring makita ang presyo ng mga item sa pamamagitan ng pag-click sa mga ito.

Mga Avatar – Maaari mong i-customize ang mga ito sa pamamagitan ng pagpili sa iyong gustong hitsura. Ang ilan ay libre, ngunit kailangan mong bilhin ang karamihan sa kanila.

Saan pwedeng i-download ang Bid Wars Stars – Multiplayer?

Pumunta sa Google Play gamit ang iyong smartphone kung Android user ka o sa App Store kung Apple user ka, at ilagay ang Bid Wars Stars – Multiplayer sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install at hintaying ma-download ito.

Narito ang mga link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:

Download Bid Wars Stars – Multiplayer on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.byaliens.bid.wars.stars.multiplayer.auction.battles

Download Bid Wars Stars – Multiplayer on iOS https://apps.apple.com/us/app/bid-wars-stars-auction-battle/id1506068425

Download Bid Wars Stars – Multiplayer on PC https://www.memuplay.com/download-com.byaliens.bid.wars.stars.multiplayer.auction.battles-on-pc.html

Kung nais mong laruin ito sa PC, i-download muna ang MEmu emulator mula sa kanilang https://www.memuplay.com. Kumpletuhin ang access na kinakailangan sa Google Play at mag-sign in gamit ang iyong account, at pwede mo nang i-download ang laro at maranasan ito sa PC.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Maaaring maging kumpiyansa ang mga manlalaro dahil binili nila ang karamihan at kung minsan ang lahat ng mga item sa auction. Ngunit hindi nila pinansin ang mga partial result, na siyang magdedesisyon kung sino ang mananalo. Kaya sundin ang gabay mula sa Laro Reviews para mabigyan ka ng advantage sa laro.

Related Posts:

Might & Magic: Chess Royale – Heroes Reborn

Random Dice: Wars Review

Bago magsimula ang pag-bid, magkakaroon ka ng walong segundo upang hulaan ang presyo ng lahat ng mga item. Maaari mong gawin ang karaniwang paraan ng pag-click sa kanila at pag-e-estimate ng kanilang presyo. Ngunit maaari mo ring tingnan ang kanilang halaga sa Catalog upang magkaroon ka ng presyo sa iyong isip kapag natutunan mo ang mga ito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagpunta sa Catalog sa iyong home screen at pag-click sa mga item upang makita ang halaga nito. Alamin ang kung ano ang common, rare, o epic upang magkaroon ka ng ideya kung ang unit ng slot ay karapat-dapat sa mataas na presyo.

Laging tingnan ang iyong pera bago mag-alok ng mas mataas na bid. Halimbawa, isiping mabuti kung karapat-dapat bang bilhin ang slot unit na may apat na rare item at dalawang kahon para sa higit sa isang libong dolyar. Mas mabuti nang walang kita dahil maaari ka pa ring makakuha ng mga trophy kaysa sa negatibong balanse na magbabawas sa kanila.

Pros at Cons ng Bid Wars Stars – Multiplayer

Ang laro ay may mga simpleng kontrol at straightforward na gameplay. Kakailanganin lamang ng mga beginner na maglaro ng ilang round para malaman kung paano ito gumagana. Ito ay magbibigay sa kanila ng mas mataas na pagkakataong manalo sa early game. Mayroon silang isang kawili-wiling character na pinangalanang David Easter na hango mula kay Dave Locker. Isa sa mga miyembro ng cast ng palabas. Siya ay mayabang at angkop na maging isa sa mga antagonist ng laro. Palaging exciting ang bidding dahil sa magandang voice acting ng auctioneer at sa nakakasabik na soundtrack. Maaari mo ring ipakita ang iyong personalidad sa pamamagitan ng pag-customize ng iyong avatar.

Gayunpaman, may ilang mga bug na maaari mong makaharap sa laro. Inilagay ko ang Portable Electric Scooter sa shelf para ibenta ito sa Pawn Shop, at walang problemang nangyari. Ngunit nakita ko ulit ito sa inventory kapag ilalagay ko na ang susunod na item. Kaya nag-click ako muli upang makita kung ano ang mangyayari. Nagpapakita ang laro ng error na pinangalanang PawnShopScreenFail, at nag-crash ang laro. Palaging nangyayari ang bug na ito, at kung minsan ay hindi ko sinasadyang na-click ang parehong item, at magsisimulang muli ang laro. Ang isa pang bug na naranasan ko ay ang maling wika. Pinipili ko ang Ingles, ngunit ang ilang mga instruction at ang dialogue ni David ay Portugues.

Konklusyon

Maraming potensyal at mga improvement ang laro mula nang ilabas ito. Magandang bagay na idinagdag nila ang pag-customize ng mga avatar, at magiging mas mabuti kung magdaragdag sila ng higit pang mga feature para sa mga diverse na mga character. Dahil ito ay isang online na laro, mas maganda kung maaari ka ring mag-add ng iba pang mga manlalaro bilang iyong kaibigan. At magkaroon ng isang friendly battle sa kanila. Ngunit ito ay isang disenteng laro, at ibinibigay nito ang kaya nitong i-offer. Irerekomenda ito ng Laro Reviews sa mga fan ng Storage Wars na gustong maranasan ang bidding game sa kanilang mobile phone.

Laro Reviews