Delivery From the Pain: Survive Review

Isang Anti-cancer Research Institute ang nakadiskubre ng isang immortality vaccine na kayang magbigay ng walang hanggang buhay sa mga tao. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, ang mga taong naturukan ng nasabing vaccine ay bigla na lamang naging mga zombie at nilusob ng mga ito ang lungsod kung saan kasalukuyan kang naninirahan. Bilang isa sa mga nakaligtas, aalamin mo ngayon ang puno’t dulo kung bakit nagkaroon ng mga zombie, ngunit upang magawa ito, kailangan mong maging matapang upang makatakas upang harapin ang mga hamon at manatiling buhay hanggang sa dulo.

Sa karagdagan, ang larong ito ay nagsisimula sa isang Prologue kung saan makikilala mo si Morgan, ang sundalong nagligtas sa iyong buhay at kaisa-isang survivor mula sa kanyang hukbo. Subalit marami ang sugat na natamo ni Morgan mula sa kanyang pakikipaglaban sa mga zombie kaya nanghihina na ito. Bilang pagtanaw ng utang ng loob, kailangan mo siyang gamutin upang manumbalik ang dati niyang lakas.

Mula sa clinic na inyong pinagtataguan, kailangan ninyong matakasan ang mga zombie na nakakalat sa paligid upang marating ang shelter kung saan pansamantala kayong magiging ligtas mula sa panganib. Malalim ang mga sugat ni Morgan kaya kailangan mong bumalik sa clinic upang maghanap ng mga kinakailangang gamot at medical equipment. Ngunit bago ka umalis, bibigyan ka ni Morgan ng isang dagger upang protektahan ang iyong sarili. Sa sandaling nakuha mo na ang lahat ng mga kinakailangang gamot, kailangan mong makabalik kaagad sa shelter bago magtanghali upang maabutan pang buhay si Morgan.

Sa Prologue ng Laro, tuturuan ka rin ni Morgan ng mga dapat gawin upang mabilis na mapatay ang mga zombie. Sa kasamaang palad, ibinuwis ni Morgan ang kanyang sariling buhay para mailigtas ka lamang sa paglusob ng napakaraming zombies. Sa iyong pagbabalik sa Shelter, mag-isa kang magpaplano ng mga dapat gawin upang makatakas sa lungsod at mahanap ang kasagutan kung bakit naging zombies ang maraming tao.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Pagkatapos ng Prologue, mag-isa ka na lamang na haharap sa lahat ng laban mula sa Chapter 1 hanggang sa dulo ng laro. Hindi mo rin maaaring takasan na lamang palagi ang mga zombie. Sa halip, gamitin mo ang lahat ng mga natutunan mong kaalaman sa pakikipaglaban mula kay Morgan – patayin ang mga zombie mula sa kanilang likuran upang wala na silang kawala.

Dapat mo ring buksan ang mga cabinet na pwedeng mabuksan dahil naglalaman ang mga ito ng mahahalagang bagay na makakatulong sa’yo upang maka-survive kagaya ng mga pagkain, gamot, alcohol, canned good, damit at marami pang iba. Ngunit tandaan, hindi lahat ng laman ng mga cabinet ay kailangan mong kunin. Ilagay lamang sa iyong backpack ang mga importanteng bagay na wala ka pa.

Hindi ka rin maaaring magpasikut-sikot sa lungsod pagpatak ng gabi dahil sa mga panahong ito mas nagiging aktibo ang mga zombie. Dapat kang bumalik at manatili sa loob ng shelter. Kailangan mo rin ng pahinga kaya dapat kang matulog nang matagal upang makabawi ng lakas mula sa maghapong pakikipaglaban sa mga kalabang zombie.

Pagdating nang umaga, kailangan mong maghanda kaagad para sa muling pakikipaglaban sa mga zombie at paghahanap ng mga pagkain. Kailangan mo ring iligtas si Dr. Duke sa kanyang ospital at makuha ang lahat ng kanyang mga kinakailangan sa paggawa ng lunas sa mga taong naging zombies. Ngunit bago mo magawang makapagligtas ng buhay ng ibang tao, kailangan mo munang masiguradong nasa maayos na kondisyon ang iyong kalusugan dahil kapag napabayaan mo ang iyong mga sugat, maaari mo itong ikamatay. Ang mga pagkain, inumin at pakikinig ng radyo ay mabisang paraan upang hindi ka mawalan ng pag-asang mabuhay pa.

Features ng Laro

    • Survival-Strategy Game – Ang storyline ng larong ito ay kapareho sa mga makikita sa RPG. Susubukin ng larong ito ang iyong kakayahan sa pakikipaglaban at tuturuan kang tumayo sa sarili mong mga paa.
  • Map – Habang nakikipaglaban sa mga zombie, ipinakikita rin sa iyong screen ang kabuuangng istruktura ng gusali ng iyong pinasukan sa pamamagitan ng map.
  • Loots – Paniguradong hindi ka rin mauubusan ng makukuhang gamit mula sa mga bahay o gusali iyong pupuntahan. Mahalagang kolektahin ang mga ito upang makabuo ng pader sa shelter at may magamit sa paggawa ng karagdagang proteksyon sa katawan.
  • Weapons – Habang parami nang parami ang chapters na iyong nabubuksan, mas lalo ring nagiging malakas ang mga kalabang iyong makakaharap, kaya sa tulong ng mga makukuha mong sandata, magagawa mo silang paslangin.
  • Health Indicators – Sa itaas ng inyong screen, makikita ang mga simbolo ng mata, emoji at pill. Kapag ang mata ay nag kulay pula, nangangahulugan ito na sobrang pagod na ang iyong karakter, gayundin, kapag nag kulay pula ang happiness na emoji, nangangahulugan itong malungkot ang iyong karakter kaya kailangan niya ng makakakain at maiinom upang muling maging masigla. Habang sa pill mo naman malalaman ang estado ng iyong kalusugan.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangan namang i-download ang LDPLAYER Android emulator sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Delivery From the Pain: Survive on Android https://laroreviews.com/delivery-from-the-pain-survive-review/

Download Delivery From the Pain: Survive on iOS https://apps.apple.com/us/app/delivery-from-the-pain-survive/id1494431951

Pros at Cons ng Laro

Ilan sa mga patok na online games sa ngayon na talaga namang kinawiwilihan ng marami ay ang mga combat at action game. Isang patunay ang Delivery From the Pain: Survive kung bakit sa kabila ng napakaraming genre ng larong pwedeng pagpilian sa mga gaming store, patuloy pa ring namamayagpag ang mga survival game. Mula umpisa kasi hanggang dulo ng laro, lubos na humahanga ang Laro Reviews sa naging daloy ng storyline ng larong ito. Bukod pa rito, hindi rin maaaring itanggi na ang gameplay ng Laro ay hindi nakakasawa, sapagkat napakaraming pwedeng gawin maliban sa pakikipaglaban sa mga zombie.

Sa karagdagan, kahanga-hanga rin ang graphics ng laro at hindi nakakasawa ang mga tanawing makikita dahil ang mga gusaling papasukan ay magkakaiba. Maliban pa rito, itinatampok din sa laro ang ilan sa mga hayop kagaya ng rabbit at daga na pwede mong hulihin.

Sa kabilang banda, isa sa mga hindi kanais-nais na katangiang mayroon ang laro ay ang pagkakaroon nito ng ads tuwing lumalabas ka na sa mga gusali. Gayundin, hindi mo maaaring mapagtagumpayan ang ilan sa mga huling chapter kung hindi ka gagastos ng pera upang bumili ng upgrades sa sandata at health replenishment.

Konklusyon

Kung nagsisimula ka pa lang na maglaro ng isang survival game, tiyak na hindi mo maiiwasang malito sa gameplay nito, ngunit sa Delivery From the Pain: Survive, baguhan ka man o matagal nang naglalaro, nakasisiguro ang Laro Reviews na hindi ka mahihirapang sundan ang storyline nitong laro sapagkat nagtatampok din ang laro ng consequential dialogues kung saan ipinaliliwanag sa’yo ang mga tip at tricks na dapat mong gawin upang maiwasang kainin ng mga gutom na zombie. Hindi rin mahirap ubusin ang mga kalaban kung alam mo ang mga sandatang gagamitin, at mabilis kang makapagtago. Kung gusto mo ring masubukang malibang ng larong ito, huwag nang mag-alinlangan pang i-download ito sa iyong device.