Nang magsimula ang pandemic, mabilis ding dumami ang manonood sa Netflix. Kung tambay ka rito, marahil nakita at narinig mo na ang Castlevania. Ito ang anime na bersyon ng sikat at classic na video game sa ilalim din ng parehong pangalan. Bahagi ng seryeng ito ang Castlevania: SotN (Symphony of the Night). Ito ay isang action role-playing game (ARPG) na inilathala at binuo ng Konami. Ito ang karugtong ng Castlevania: Rondo of Blood makalipas ang apat na taon mula ng ito’y i-release. Ito ay direct port mula sa Playstation na nangangahulugang lahat ng nagustuhan o inayawan ng mga manlalaro ay muling masisilayan sa mobile version nito.
Tumatakbo ang istorya ng Castlevania: SotN kay Adrian Fahrenheit o Alucard na isang dhampir, matapos niyang magising sa mahabang pagkakahimlay. Ang dhampir ay mga nilalang na kalahating-tao, kalahating-bampira. Ang layunin ay suyurin at libutin ang kastilyo ng kanyang amang si Count Dracula. Sinasabing isa sa kada siglo lamang lumalabas ang kaharian ng kanyang ama. Kinakailangan din niyang tuklasin kung bakit biglang naglaho na parang bula si Richter Belmont – ang pangunahing karakter sa naunang mga serye ng Castlevania. Si Richter ay kabilang din sa angkan ng orihinal na bayani na si Simon. Mula rito, makikitang konektado ang istorya ng mga karakter sa kada serye ng Castlevania.
Features ng Castlevania: SotN
Offline Option – Laruin ang Castlevania: SotN nang walang internet o mobile data. Nangangahulugang itong may access ka pa rin maging sa mga lugar na walang signal.
Continue Button – Kapag namatay ang iyong karakter, sa halip na mag-reload ay babalik ka lamang sa simulang bahagi ng silid kung saan ka natalo. Ngunit kailangang pakatandaan na bagamat nakabalik ang iyong karakter ay mananatili ang nakaraang lebel ng iyong health. Samakatuwid, kung ito ay lagpas na sa kalahati ang baba, ganoon pa rin ang magiging bilang sa pagkakataong ikaw ay magpatuloy sa laro.
Map System – Upang makita ang mga napuntahang lugar sa kastilyo kasama ang mga karatig nitong kwarto, pumunta lamang sa Select button. Kung nanaisin, maaaring bumili ng extended map para sa mga lugar na hindi mo pa napupuntahan ngunit limitado lamang ito at hindi rin makikita ang mga nakatagong portions sa kastilyo. Hindi lamang ito, may mga lugar din na limitado lamang ang access at hindi maaaring makapasok hangga’t hindi nakikita ang tatlong kaluluwa ni Alucard – ang bat, mist, at wolf.
Equipment Screen – Sa feature na ito maaaring langkapan si Alucard ng samu’t saring baluti, kalasag, at sandata na iyong magagamit upang mas mapalakas at mapalawig ang kanyang stats.
Multiple Languages – Ang Castlevania: SotN ay available sa anim na wika: English, German, French, Italian, Japanese, at Spanish.
Saan pwedeng i-download ang Castlevania: SotN?
Gamitin ang sumusunod na links para sa pagda-download ng laro:
- Download Castlevania: SotN on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=jp.konami.epjCastlevania2&hl=en_US&gl=US
- Download Castlevania: SotN on iOS https://apps.apple.com/us/app/castlevania-sotn/id1435456830
Tips at Tricks sa Paglalaro
Sa umpisa ng laro, mahalagang mag-stack up ng experience. Tumataas ang iyong experience sa tuwing nagagapi mo ang iyong mga kalaban. Ang attributes naman ay tataas kapag nag-level up si Alucard. Samakatuwid, mainam na hindi iwasan ang mga kaaway at bagkus gawing unang layunin ang magapi ang kalakhan ng kanilang pwersa.
Mahalagang mahanap at magamit din ang mga magic item na matatagpuan sa iyong mga quest. Hindi lamang ito, siguraduhing sirain ang mga kandila upang makapangolekta ng hearts at pera na maaari mong magamit sa shop. Habang nadaragdagan ang iyong mga item, kasabay nito ang pagkamit ng iba’t ibang mga abilidad na makakatulong sa iyo upang mas lalong mapadali ang paggalugad sa kastilyo. Dahil malawak ang lugar, sumubok lamang nang sumubok sa paglilibot sa kastilyo para sa mga susunod na patutunguhan.
I-monitor din ang “magic meter” ni Alucard sapagkat dito nakabatay ang paggamit niya ng spells. Bagamat may kakayahan siyang maglagay ng spell sa kanyang sandata, may karagdagang abilidad si Alucard na kung saan kaya niyang maglagay ng spell sa kanyang sarili. Ang isa sa kapaki-pakinabang na skill para sa akin ay ang Soul Steal na kung saan kaya niyang nakawin ang life force ng mga kalaban at ilipat sa kanyang sarili. Matapos itong gamitin, makikitang madaragdagan ang iyong health.
Hindi kagaya ng ibang laro, ang Castlevania: SotN ay mayroong iba’t ibang katapusan. Nakadepende na sa iyo kung paano mo nais laruin at tapusin ang laro. Ngunit upang malaman kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa kastilyo ni Dracula, kinakailangan mo munang magapi si Shaft – ang kumukontrol kay Richter Belmont. Matapos ang inyong pagtutuos, ikaw ay mapupunta sa upside-down na bersyon ng kastilyong nauna mong ginalugad. Ito ang tinatawag na “second quest”. Mula rito, ang susunod mong layunin ay matalo ang limang boss monsters at makuha ang limang bahagi ni Dracula. Matapos nito, dito na magsisimula ang iyong huling laban: ang iyong pakikipagtunggali kay Count Dracula.
Related Posts:
SpongeBob SquarePants BfBB Review
One Night at Flumpty’s 3 Review
Pros at Cons ng Castlevania: SotN
Para sa positibong katangian nito, maraming manlalaro ang nagulat nang ilabas ng Konami ang mobile na bersyon ng Castlevania: SotN. Malinis ang graphics nito at walang napansing anumang frame drops. Sa usapin naman ng control, swabe at gumagana ito nang maayos. Bukod pa rito, iba ang nostalgia na dulot ng background music at soundtrack ay nag-aangat sa laro. Isa pang kagandahan nito ay bukod sa mura, sa halagang $2.99, ay walang makikitang anumang ads at microtransactions.
Pagdating naman sa dapat baguhin sa laro, nagtatalo pa rin ang karamihan ng mga manlalaro kung alin nga ba ang may mas magandang voice line at diyalogo: ang orihinal na bersyon o ang panibagong bersyon sa mobile devices? Nawala ang isa sa pinakakilalang linya ng laro na, “What is a man? A miserable little pile of secrets. But enough talk… Have at you!” Marahil ang layunin ng creator ng Castlevania: SotN ay mabigyan ito ng bagong pagkakakilanlan, ngunit para sa akin, ang pagtanggal sa mga ganitong popular na linya ng mga karakter ay tila pagtanggal sa mismong pagkakakilanlan nito.
Bukod pa rito, masyadong nakakaabala ang laki ng control buttons na nasasakop na ang kabuuan ng screen. Dagdag pa sa mga kailangang pag-ibayuhin sa laro ay ang kawalan ng opsyon para sa cloud saving.
Konklusyon
Sa kabuuan, tunay ngang nakalilibang ang Castlevania: SotN. Mula sa old-school na tipo ng mga graphics hanggang sa soundtrack at background music na punong-puno ng nostalgia – iba pa rin talaga ang dala ng mga classic na laro. Sa kabilang banda, may mga bagay pa rin na kinakailangang pag-ibayuhin gaya ng control buttons. Hindi rin lahat ng manlalaro ay mayroong sariling gamepad kung kaya’t makokompromiso nito ang kalidad ng kanilang kabuuang karanasan sa laro. Para sa mga nagnanais na tuklasin at galugarin ang kastilyo ni Dracula, i-download na ang Castlevania: SotN!
Laro Reviews