Smolsies 2 – Cute Pet Stories Review

Ipinapakilala sa inyo ng Laro Reviews ang isang cute na larong tiyak na kagigiliwan ng lahat, mapabata man o matanda. Ang Smolsies 2 – Cute Pet Stories ay isang offline at casual na educational entertainment game na ginawa ng TutoTOONS. Ito ay ang ikalawang version ng larong Smolsies – My Cute Pet. Bukod sa pagiging educational game, ito ay isang pet simulation din at angkop ito sa mga batang may edad tatlong taong gulang o higit pa. Kaabang-abang ang mga bagong tampok ng laro kaya ano pang hinihintay mo? Samahan kami at ating diskubrehin ang masayang mundo ng larong ito.

Mga Tampok ng Laro

Siguradong kikiliti sa iyong imahinasyon at dadalhin ka ng larong ito sa isang bago at makulay na mundo ng virtual pet. Kung nababagot ka na sa mga larong paulit-ulit, tiyak na magugustuhan mo ito. Halika at tunghayan natin ang ilang mahahalagang tampok nitong laro.

Animated Stories – Mayroon itong napaka-cute na animation sa bawat task na iyong gagawin. Mayroon din itong magandang storyline na tiyak na magugustuhan nyo.

Mini-Games – Bukod sa pangunahing task ng laro, mayroon itong mga mini game na kailangan mong laruin upang makakuha ng mga resources na kakailanganin mo sa iyong pag-upgrade ng iyong bahay at pagbili ng mga itlog.

Hatch Pets – Ito naman ang pangunahin mong task. Kailangan mong alagaan ang iyong mga pet sa pamamagitan ng pag-hatch at pagpapakain sa kanila at kapag lumaki na sila maaari mo na silang bigyan ng kanilang sariling gawain.

Upang laruin ito, kailangan mong alagaan at palakihin ang iyong mga pet sa pamamagitan ng pag-hatch at pagpapakain sa kanila. Kailangan mo ring mangolekta ng mga items na gagamitin mo sa pag-upgrade. Halimbawa, kailangan mong makaipon ng mga shell at blue bolts upang i-upgrade ang iyong oven nang sa gayon ay mayroon kang maipakaing cake at biscuits sa iyong pet. Gayundin, makakapag-ipon ka nang mga items sa pamamagitan ng pag-kumpleto ng mga tasks at paglalaro ng mga mini-games. Ang mga items na iyong makokolekta ay may partikular na paggagamitan kagaya ng Pacifiers na magagamit mo sa pagpapakain ng iyong alaga. Ang mga blue bolts naman at shells ay magagamit upang makabuo ng pacifier sa isang resource room na matatagpuan sa pinaka-kaliwang-itaas na bahagi ng screen kasama ng mga resources. Ganun din, ang ibang mga resources ay magagamit sa pagbili ng itlog, pagbukas ng mga packages at pag-upgrade ng bahay at mga kagamitan.

Paano I-download ang Smolsies 2 – Cute Pet Stories?

Para i-download ito sa Android at iOS, pumunta sa Google Play Store para sa Android at App Store naman para sa iOS at pagkatapos ay i-type sa search bar ang pangalan nang laro at i-click ang download. Para naman sa mga laptop at computer, pumunta sa https://memuplay.com/, at i-install ang MEmu Android Emulator sa iyong unit. Gamitin ang paunang naka-install na Google Play Store, hanapin ang laro at i-install. Para sa mas mabilis na pag access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Smolsies 2 – Cute Pet Stories on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tutotoons.app.smolsies2&hl=fil&gl=US

Download Smolsies 2 – Cute Pet Stories on iOS https://apps.apple.com/us/app/smolsies-2-cute-pet-stories/id1600698506

Download Smolsies 2 – Cute Pet Stories on PC http://memuplay.com/how-to-play-com.tutotoons.app.smolsies2-on-pc.html

Tips at Tricks para sa Baguhan

Madali lamang intindihin ang mechanics at goals ng laro. Kinakailangan mo lamang maglaro sa pamamagitan ng pagpapakain at pag-aalaga ng mga cute na mga hayop at pag-kumpleto ng mga tasks na nakalaan. Wala ring mga levels ang laro kaya nasa sa iyo kung lalaruin mo ba ito ng tuloy-tuloy o hindi. Tanging mga packages at parte ng bahay lamang na hindi nakabukas at hindi nagagamit ang mangangailangan ng todong pagsisikap kung nais mo itong buksan. Walang deskripsiyon o walang ibang laman ang speech bubble kundi mga emojis at mga reaksyon lamang ng iyong alaga kaya subaybayan lamang ito. Ganun man, may mga indikasyon kung natapos mo na ang mga tasks at kung satisfied nga ba ang iyong mga alaga. Makikita sa speech bubble ang heart kung satisfied na sila, magiging sad emoji naman ang nakalagay kung malungkot at dissatisfied sya at marami pang mga reaksyon ang maaring ibato ng iyong alaga. Ang kakulangan ng mga deskripsiyon at label ng mga resources ay maaaring makahatid ng kalituhan sa mga manlalaro subalit sa katagalan ay maiintindihan naman ang takbo at gamit nito.

Dagdag pa, ang Laro Reviews ay may ilang mga tip at trick na ibabahagi upang mas mapabilis ang iyong pag-usad sa laro. Una, kailangang ikaw ay masinop at matiyaga. Ang mga resources na gagamitin mo sa pagbubukas ng mga chest at pag-usad sa bawat level ay kaunti lamang kaya kailangang may sapat kang mga resources na nakaimbak. Kung maraming resources, mas madali lamang matatapos ang mga hamon. Upang magawa ito, kailangan mong maglaro ng mga mini-games. Sa bawat mini-game na iyong matatapos ay may mga kaukulang mga resources na matatanggap. Pangalawa, dapat ikaw ay wais sa paggasta ng iyong mga resources, huwag magpa-akit sa mga magagandang itlog na pwede mong alagaan at mga packages na maaari mong buksan. Mas maiging unahin lamang ang mga bagay na tiyak na makakatulong sa iyong pag-usad. Kapag naman nakapili ka ng mga itlog na iyong aalagaan, may option kung saan maari kang manood ng mga ads upang mapabilis itong mapisa. May mga in-app purchases din, optional nga lang ito, depende pa rin sa iyo kung gusto mo itong i-avail o hindi.

Kalamangan at Kahinaan

Sulit ang paglalaro ng Smolsies 2 – Cute Pet Stories. Dahil ito ay educational entertainment game, angkop ito sa mga batang may edad tatlong taon pataas. Ang larong ito ay may badge na Teachers Approved, ibig sabihin ligtas at walang halong mga malisyosong content ang laro. Dagdag pa, ang developer ng laro ang nagsasabing ito ay pinalaro sa mga bata sa mga panahong nasa testing phase pa lamang ito. Makulay ang kabuuang graphics nang laro at tila nakakaengganyong laruin kahit ikaw ay matanda na. Malinis at smooth ang flow ng laro at walang lags kaya naman sulit ang iyong oras na ilalaan dito. Wala ring mga ads na maaaring makasagabal sa iyong paglalaro dahil lilitaw lamang ang mga ito kung nais mong mapabilis ang pag-hatch ng mga itlog.

Ngunit kagaya ng iba ring mga laro, mayroon din itong mga kakulangan na maaari namang punan kung sakali ng mga developers sa susunod na mga updates. Isa sa mga kahinaan ng larong ito ay ang kakulangan ng deskripsiyon sa bawat menu at mga functions ng bawat buttons at mga resources. Kaya naman, ang labas ay manghuhula ka na lamang sa tiyak na gamit nang mga items at buttons. Matagal din ang animation sa bawat tasks na gagawin ng iyong alaga kaya medyo boring at walang thrill. Ngunit, sa kadahilanang ito ay isang educational entertainment game na para sa mga bata ay makatwiran naman ang kakulangan ng mga deskripsiyon o salitang makikita. Ang pagkakabuo ng laro ay naaayon sa phasing nang isang bata na matuto at kakayahan nyang makilala at maintindihan ang mga bagay-bagay sa kanyang paligid. Ganun pa man, ang mga batang nasa tatlong taon ay hindi pa naman ganun kabilis matuto kumpara sa mga batang mas nakatatanda.

Likas sa mga bata na naisin ang mga makukulay at nakatutuwa sa paningin kaya ang mga larawan at mga emoji ay sapat na upang maintindihan nila kahit papano ang laro.

Konklusyon

Nakakuha ng rating na 4.4 ang laro sa Google Play Store at 4.1 sa App Store. Patunay ito na may mga kailangan pang ayusin at pagbutihin sa laro. Hindi na masama sa isang laro na ang target audience ay mga bata. Sa pangkalahatan, mahusay at maayos ang pagbuo ng laro. Naabot nito ang pangunahing layunin na makapagdala ng kasiyahan at karunungan sa mga bata. Mga nanay, hanap nyo ba ay larong makakatulong sa karunungan ng iyong anak? I-download na ang Smolsies 2 – Cute Pet Stories ngayon!