Ang Glory of Generals – World War 2 ay nilikha ng Every Tech na tampok ang ilang mga kaganapan sa ikalawang digmaang pandaigdig sa isang turn-based strategy game. Bagama’t ito ay fiction lamang, hindi maiiwasang makita ang mga pamilyar na lugar at pangalang naging bahagi ng isa sa pinakamakasaysayang pangyayari sa ating daigdig. Kung interesado ka sa ganitong mga bagay, ipagpatuloy lang ang pagbabasa ng artikulong ito mula sa Laro Reviews!
Isa sa layunin ng Glory of Generals – World War 2 ay ang pagkumpleto ng mga layunin gaya na lamang ng pagdakip sa iba’t ibang siyudad. Bilang kumander, kontrolado mo ang mga military unit tulad ng armored cars, artillery, infantry, ships, at tanks. Ang bawat isa sa mga ito ay may kani-kaniyang kalakasan at kahinaan pagdating sa pag-atake at pagkilos. Halimbawa, ang artillery unit ay mainam na gamitin sa long-ranged na pag-atake dahil may kakayahan itong tumira kahit mula sa malayong distansya. Isa pang halimbawa ay ang infantry na ginagamit para mapagtibay ang iyong depensa at iba pang mga pasilidad. Ang mga bansang napasailalim sa iyong pamamahala ay maglalabas ng pera at resources kada tira mo. Mula rito, i-utilize ang mga ito para lumikha muli ng mga panibagong units o kaya naman ay kumpunihin ang mga nasirang units. Pwede ring gamitin ito upang magsagawa ng operasyon sa himpapawid.
Features ng Glory of Generals – World War 2
Campaigns – Ang Glory of Generals – World War 2 ay binubuo ng apat na campaign. Ito ay ang Eastern Front, North African, Western Front, at ang fictional na campaign sa Antarctic War. Ang bawat campaign ay konektado sa Axis at Allies power. Ang bawat isa sa mga pangyayaring ito ay base sa mga pangunahing operason sa giyera. Gaya na lamang ng pananalakay ng mga German sa Norway at ang paglikas ng Britanya sa Dunkirk.
Hex-based Map – Ang mapa ay nahahati sa hexagons na may magkakatulad na sukat. Nakapaloob ang pagkilos ng mga karakter sa loob ng hexagonal grid. Nakabase ang mapang gagamitin sa mga bansang matatagpuan sa Europe.
Multiplayer – Sukatin ang iyong galing gamit ang feature na ito! Makipagdigma sa ibang manlalaro at timbangin kung ano ang estado ng iyong kakayahan kumpara sa ibang users. Nahahati ito sa dalawang kategorya: Global at Local. Sa Global, makakalaban mo ang ibang players galing sa ibang server at bansa. Samantalang sa Local naman ay makakalaro mo ang mga kababayan mo o kaya naman ay mga user na nasa iisang bansa at parehong server.
Headquarters – Magtalaga ng limang tauhang mamamahala sa iyong mga ekspedisyon. Ang mga heneral na maaari mong pagpilian ay nahahati depende sa stars at ranggo nila. Ang one-star ang itinuturing na may pinakamababang posisyon samantalang ang four-star generals naman ang kinikilalang pinakamataas. Dito mo rin maa-upgrade ang level ng gusaling naipatayo sa iyong teritoryo. Ito ay ang Infantry Force, Artillery Force, Armored Force, Navy Force, Air Force, at Financial Center.
Saan Pwedeng I-download ang Glory of Generals – World War 2?
Sa bahaging ito, ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Glory of Generals – World War 2. Available ang laro sa parehong Android at iOS users, at pati na rin sa mga gustong maglaro nito sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store para sa iOS users. Ilagay ang pamagat ng laro sa search bar. Kapag nahanap na ito sa search results, i-click ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangan pang magbayad para ma-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos nito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Glory of Generals – World War 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.easytech.gogh
Download Glory of Generals – World War 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/glory-of-generals/id605634718
Download Glory of Generals – World War 2 on PC https://www.gameloop.com/ph/game/strategy/glory-of-generals-3-ww2-slg-on-pc
Tips at Tricks sa Paglalaro
Kumander, handa ka na bang ipagtanggol ang iyong mga nasasakupan? Sa parteng ito, ibabahagi ng Laro Reviews ang mahahalagang tips para tumaas ang tsansang mapagtagumpayan ang bawat digmaang kakaharapin. Kaya ihanda na ang sarili para sa isang kapanapanabik na karanasan!
Mag-invest sa mga opisyal na may mataas na posisyon
Habang umuusad sa laro ay magkakaroon ka na ng tsansang makalikom ng resources na iyong magagamit sa pagbili ng mga karakter na may mataas na posisyon at base stat. Ang mga opisyalna may mataas na ranggo ay may kakayahang ibalik ang sigla ng pulutong ng mga sundalo. Kapag mas mataas ang bilang ng kanilang stars, mas mataas ang kapasidad nito para magpagaling.
Pag-utilize ng infantry
Dahil may kakayahan ang infantry na maglakbay maging sa mga kumplikadong terrain, maaari silang ilagay kahit hindi ito papunta sa katabing slot. Makikita ang mga puting bilog sa iyong screen na indikasyon para sa mga lokasyon kung saan pwedeng ilagay ang iyong infantry. I-click lamang ito at tiyaking protektado ito laban sa hanay ng iyong kalaban. Maging sa mga lugar na may Land Fort, may kakayahan ang infrantry na mag-counterattack sa mga long-range Artillery.
Obserbahan nang buo ang teritoryo
Tiyaking alam mo ang lokasyon at kalagayan ng bawat unit sa iyong hanay para matiyak mo kung ano ang pinakamainam na tirang gagawin. Malawak ang battlefield kung saan karaniwang idinaraos ang digmaan kaya dapat pati ang mga posibleng pagkilos ng kalaban ay nakakalkula mo na para maiwasan ang anumang posibleng pinsala.
Pros at Cons ng Glory of Generals – World War 2
Magandang naipamalas ng Glory of Generals – World War 2 ang makatotohanang karanasan noong ikalawang digmaang pandaigdig dahil karamihan ng mga kaganapan sa laro ay batay sa aktwal na mga pangyayari. Kapani-paniwala rin ang paggamit ng iba’t ibang units. Mas naging interesante ang paggamit ng infantry dahil may kakayahan kang magtayo ng mga pasilidad gaya ng anti aircraft batteries, bunkers, at trenches. Swabe rin ang user interface ng laro. Habang tumatagal ay pataas nang pataas ang kalidad ng mga hamong dulot ng bawat level. Dahil dito, mas nahahasa ang isipan ng mga manlalaro sa epektibong pagbuo ng taktika upang manalo sa digmaan. Bagama’t may kahirapan, posibleng makakuha ng 5 stars sa lahat ng mga mission maliban na lamang sa panghuling labanan sa Antarctica dahil limpak-limpak ang mga kaaway na makikita rito.
Sa kabila ng mga positibong aspetong nabanggit sa Glory of Generals – World War 2, may mga bagay na dapat pang pag-ibayuhin sa laro. Isa na rito ang pagiging pay-to-win matapos mong laruin ang unang campaign. Limitado lamang ang mga troop na iyong matatanggap at kailangan mong mag-upgrade upang mabuhay laban sa batalyon ng kalaban. Lalo na kapag nagpadala na ito ng reinforcements, talagang magugulat ka sa bilang ng mga kaaway na kailangan mong talunin. Ang pinakaepektibong estratehiya para manalo sa ganitong pagkakataon ay maglabas ng salapi at mag-upgrade tungo sa susunod na level. Bukod pa rito, mapapansing luma rin ang istilo ng graphics. Maraming laro ang nagtatangkang magkaroon ng classic na dating pagdating sa kanilang aesthetic at masasabing nagtagumpay ang ilan sa mga ito. Subalit sa kaso ng Glory of Generals – World War 2, bigo itong maipakita ang ninanais na visuals.
Konklusyon
Kung mahilig ka sa mga turn-based strategy na laro, tiyak na para sa iyo ito. Hinalaw pa ang ilang mga kaganapan sa mga aktwal na pangyayari sa ating kasaysayan, partikular na noong ikalawang digmaang pandaigdig. Ngunit sa pangkalahatan, hindi mairerekomenda ang larong ito para sa mga nagnanais ng seryoso at ganap na strategy game. Magiging mabagal ang iyong usad kung mananatili ka sa free-to-play zone. Gayunpaman, masyado itong kumplikado para sa isang casual na manlalaro. Mataas din ang halaga ng in-app purchases kumpara sa benepisyong maaaring matanggap. Limitado man ang mga pagpipilian para sa genre na ito sa mobile platforms, masasabing maraming iba pang mas nakakaengganyong laro kaysa rito.