Kung nagtataka ka kung bakit maraming manlalaro pa rin ang tumatangkilik sa mga cooking game gayong maituturing na itong makalumang laro, marahil mali ang iniisip mong iisa lamang ang kanilang gameplay. Ngunit, sinisiguro ng Laro Reviews na kung masusubukan mong laruin ang Cooking Dinner-Restaurant Game, tiyak na magbabago ang iyong pananaw tungkol sa mga cooking game. Bakit nga ba dapat masubukan ng mga manlalaro ng mobile games ang nabanggit na laro? Ano ang mga katangian ng larong itong hindi nakikita sa iba? Bukod sa madali lamang matutunan ang gameplay ng laro. Mayroon din itong mga bagong recipe na tiyak na sa larong ito mo lamang matatagpuan at mga bagong restaurant extension sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ngunit, kagaya ng halos lahat ng uri ng cooking games, pangunahing layunin mo rin sa larong ito na ma-satisfy ang lahat ng iyong customer upang maging isang ganap na cooking master at upang mas mabilis na umusad sa laro. Kung wala kang kaalam-alam sa pagluluto, hindi mo kailangang mangamba dahil gagabayan ka ng laro hanggang sa maging bihasa ka na sa mga gawain sa kusina.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:
Upang mapagsilbihan mo nang maayos ang lahat ng iyong mga customer sa larong ito, kailangang mabilis kang kumilos upang wala ni isang customer ang mainip o magalit dahil sa matagal na serbisyo. Huwag na huwag ring tatangkaing pakainin ng mga sunog na pagkain ang iyong mga customer dahil kapag ginawa mo ito, asahan mo nang uulanin ka ng mga bad review. Higit sa lahat, iwasan din ang pagiging makupad sapagkat sa bawat game level ng laro ay may oras kang kailangang mahabol upang hindi matalo.
Sa karagdagan, ang makakuha ng bagong recipe at restaurant expansion ay dapat lagi mong isaisip sa larong ito dahil ang dalawang bagay na ito ang siyang magsisilbing susi upang umusad ka at magbibigay sa’yo ng motibasyon upang mas galingan pa sa paglalaro.
Kagaya ng nabanggit sa itaas, kailangang maging mabilis ka sa pagkilos sa larong ito sapagkat bukod sa timer na kailangan mong alalahanin, habang tumatagal ay patuloy ring dumadami ang bilang ng iyong mga customer at bawat isa sa kanila ay nagmamadaling matanggap ang kanilang mga order.
Bahagi na ng halos lahat ng uri ng mobile games ang pagkakaroon ng daily quest kung saan araw-araw na hinahamon ang mga manlalaro upang maabot ang mga itinakdang mission at task sa laro. Kagaya ng karamihan, ang Cooking Dinner-Restaurant Game ay isa rin sa mga larong nagtataglay ng napakaraming daily tasks na kapag napagtagumpayan mo ay sandamakmak na rewards din ang iyong matatanggap.
Sa karagdagan, ang pag-upgrade ay isa sa pinakamahahalagang bagay na dapat tandaan sapagkat ito lamang ang tanging paraan upang mapabilis ang iyong pagluto. Katulad sa ibang cooking games, ang pag-upgrade sa iyong mga kitchenware ang magbibigay sa’yo ng bentahe upang mapaikli ang cooking time ng bawat pagkaing iyong niluluto, kaya naman upang maabot ang bawat objective ng game level, mahalaga na ipunin ang iyong kita at gamitin ang mga ito sa pag-a-upgrade. Maliban sa kitchenware, tandaan din na ang paggamit ng mga sariwang ingredient ang mas lalong magpapalaki ng iyong kita na matatanggap kaya hangga’t maaari ay maging mapili pagdating sa mga gagamiting ingredients sa kusina.
Bukod sa pagluluto, mayroon ding mini games ang laro at iyon ay ang paglulunsad ng birthday celebration kung saan itinuturing ito bilang isa sa mabisang paraan upang mas lumaki pa ang kitang iyong matatanggap nang walang kahirap-hirap, kaya kapag nagkaroon ka na ng tyansang malaro ang mini game na ito, huwag na huwag na itong palampasin.
Saan maaaring i-download ang laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user. I-download naman ang laro gamit ang GameLoop Android emulator para malaro ito sa PC. Samatantala, hindi pa available ang laro para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:
Download Cooking Dinner-Restaurant Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.cookingdiner.tycoongames&gl=US
Download Cooking Dinner-Restaurant Game on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/com.cookingdiner.tycoongames
Mga Feature ng Laro
- Unlock new menu – Sawa ka na ba sa mga pangkaraniwang pagkaing niluluto sa mga cooking game, pwes sa larong ito, tiyak na dadami pa ang iyong kaalaman pagdating sa mga recipe at menu na maaari mo ring gamitin sa totoong buhay.
- Expansion of Restaurants – Pangarap mo bang libutin ang buong mundo? Kung oo, kailangan mo lamang maglaro ng Cooking Dinner-Restaurant Game at magagawa mo nang makapunta sa mga paborito mong bansa at magagawa mo pang magkaroon ng iyong sariling mga restaurant doon.
- Free Cooking tips – Tandaan ang iyong mga matututunang bagay sa larong ito at gamitin ito sa totoong buhay.
- Unlimited Rewards – Bukod sa kita na iyong natatanggap mula sa mga order ng iyong customer, napakaraming paraan pa upang makatanggap ng reward sa larong ito.
- Advanced Features – Kung naghahanap ka ng isang larong mayroong mga in-game feature na bago sa iyong panlasa, walang dudang matatagpuan mo iyan sa larong ito.
Pros at Cons ng Laro
Sa dami ng mga larong available ngayon sa mga marketplace, isang malaking hamon sa mga manlalaro ang makahanap ng isang larong magbibigay sa kanila ng kasiyahan. Kaya naman, nagagalak ang Laro Reviews sa Cooking Dinner-Restaurant Game sapagkat, walang duda na kung naghahanap ang isang manlalaro ng extra challenging na cooking game, tinataglay iyan ng larong ito. Kung pag-uusapan naman ang graphics ng laro, wala ka na ring maipipintas pa rito sapagkat tunay na advanced ang graphics at features na ginamit ng laro kaya mas lalong mahihikayat ang mga manlalarong mas igihan pa sa paglalaro.
Sa kabilang banda, hindi child at beginner-friendly ang larong ito dahil tunay na napakahirap lampasan ang mga level dito lalo na sa pagsisimula ng level 10. Kailangan mo rin munang makaipon ng sapat na bilang ng susi upang ma-unlock ang mga game level. Gayundin, kailangang tuluy-tuloy ang paggamit mo ng booster upang makapanghikayat ka ng mga customer na kakain sa iyong restaurant. Maliban pa rito, kailangan mo ring manood ng sangkatutak na ads upang magkaroon ka ng mga customer.
Sa karagdagan, imposible ring maabot mo ang mga high-level sa larong ito nang hindi ka gumagamit ng pera upang makapag-upgrade kaya wala kang kakayahang makagawa ng in-app purchase, hindi mo magagawang umusad sa larong ito.
Konklusyon
Kung sawa ka na sa mga pangkaraniwang cooking game, iminumungkahi ng Laro Reviews ang Cooking Dinner-Restaurant Game para sa’yo, ngunit kung baguhan ka pa lamang sa paglalaro at gusto mo lamang ng madaling gameplay at mga hamon, marahil hindi para sa’yo ang larong ito.