Para sa mga mahilig maglaro ng arcade video game, pwede mong laruin ang isang ito na may kakaibang twist. Kung hindi mo pa nasubukan maglaro ng isang arcade shooting game na makakalaban ang mga alien, para sa iyo ang nilikha ng Uwan Co. Ltd., ang Lightning Fighter 2: Retro STG.
Ang Lightning Fighter 2: Retro STG ay ang pinagsamang klasikong arcade na laro na may mas pinahusay na visual effects. Umiikot ang kwento ng larong ito sa mga alien na sumakop sa mundo sa hindi malamang dahilan. Subalit narito ang mga lightning fighter upang talunin ang kalaban at iligtas ang mundo mula sa kapahamakan.
Sa larong ito, ikaw ay isang piloto na kokontrol ng sasakyang panghimpapawid na ginagamit sa isang labanan. Kailangan mong patayin ang mga sasakyang pangkalawakan ng mga alien upang hindi nila tuluyang masakop ang mundo. Iwasan ang kanilang mga pag-atake at hintayin ang tamang pagkakataon upang salakayin sila. Ipanalo ang bawat laban upang mailigtas ang mundo sa kapahamakan at makapunta sa susunod na yugto ng laban.
Gumamit ng iba’t ibang estratehiya upang mabilis na matalo ang kalaban. Mangibabaw sa lahat ng mga piloto at maging isang magaling na ace space shooter. Handa ka na bang makipaglaban? Subukan ang larong ito dahil sigurado akong magugustuhan mo ito.
Features ng Lightning Fighter 2: Retro STG
HD Graphics – Ang larong ito ay may mahusay na disenyo at elemento ng graphics. Hindi ka madidismaya sa pagkakagawa ng mga sasakyang pangkalawakan, mga armas at kagamitan pang-laban. Pati na rin ang visual effects at sound effects ay maganda at pasok sa pamantayan ng isang arcade na laro.
Maraming karakter – Hindi lang isa o dalawa kundi higit pa sa sampung mga sasakyan ang iyong pwedeng pagpilian para sa laban. Kabilang dito ang Fire Tornado, Desert, Thunderbolt, Lightning, at marami pang iba. Maaari mo ring i-upgrade ang mga ito upang mas lalong lumakas at tumibay ang iyong sasakyan.
Iba’t ibang lugar ng labanan – Maaari kang pumili sa sampung iba’t ibang lugar na pagdarausan ng iyong laban mula sa karagatan hanggang sa kalawak. Kaya naman kapana-panabik ang bawat tagpuan ng labanan. Mayroon din itong challenges at classic stages.
Maraming pagpipiliang kagamitan – Ang Lightning Fighter 2: Retro STG ay marami ring kagamitan na pwede mong pagpilian. Maaari mo itong dalhin sa labanan upang mas lumakas at maisakatuparan ang iyong misyon. Kailangan mo lang ng coins upang makuha ang bagay na ito kaya naman kolektahin ang mga pera sa laban at manalo para makakuha ng mas malaking papremyo.
Coins at diamonds – Hindi mo kailangan ng tunay na pera upang mabuksan ang mga items sa laro dahil mayroon itong coins at diamonds. Gamitin ang mga ito upang i-upgrade ang iyong sasakyan at palakasin ang mga armas pang-laban. Kolektahin ang mga coins at ipanalo ang bawat yugto ng labanan.
Saan pwedeng i-download ang Lightning Fighter 2: Retro STG?
Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link. I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:
Download Lightning Fighter 2: Retro STG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.uwan.lf2 Download Lightning Fighter 2: Retro STG on iOS https://apps.apple.com/ph/app/lightning-fighter-2/id634845785?fbclid=IwAR0MSggSZkCklAUrFLqF8_9hURfVrr-GTLnpvxDyNv98LFzgLA8K4A_PuoE Download Lightning Fighter 2: Retro STG on PC https://forpc.app/lightning-fighter-2
Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo na itong buksan at laruin.
Tips at Tricks kung nais Laruin ang Lightning Fighter 2: Retro STG
Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Lightning Fighter 2: Retro STG, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.
Kung ikaw ay bagong manlalaro, sundin lamang ang itinuturo sa tutorial stage ng laro at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ito, magiging madali na sa iyo kung paano ito laruin.
Simple at madali lang matutunan ang larong Lightning Fighter 2: Retro STG. Pindutin lang ang iyong sasakyan at kontrolin ito kung saang direksyon mo nais pumunta. Siguraduhing tatamaan ang mga kalaban ng mga balang lumalabas sa iyong aircraft upang sila ay mamatay. Huwag hayaang makalapit sa iyo ang sasakyan ng aliens at huwag hayaang matamaan ka ng kanilang mga armas. Sa bawat pagpatay mo ng kalaban, mayroon itong katumbas na mga coins na dapat mong kolektahin. Kunin ito at gamiting pambili ng mga items. Iba’t ibang uri ng kalaban ang iyong makikita. Patayin ang lahat ng ito at iwasan ang mga pagsalakay nila. Sa ganitong paraan, mas mabilis mo silang matatalo. Sa pinakadulo naman ng bawat level ay haharapin mo ang boss. Mas mahirap at matagal itong patayin kumpara sa ibang kaaway. Gumamit ng estratehiya at pamamaraan para matalo mo agad ang kalaban.
Pros at Cons sa paglalaro ng Lightning Fighter 2: Retro STG
Kung pag-uusapan ang tema ng larong ito, maganda ito kumpara sa ibang mga arcade game. Maraming opsyon sa laro na maaari mong pagpilian. Kapag mas maraming pagpipilian, mas nakahihikayat laruin para sa mga manlalaro.
Pagdating naman sa graphics, ito ay mayroong fully upgraded HD graphics. Hindi maikakailang mahusay ang pagkakagawa ng mga disenyo at nilalaman ng laro. Nakadagdag din ang kaayusan ng visual at sound effects sa kabuuan nito. Ito rin ang dahilan upang madama mo na ikaw ay talagang naglalaro ng classic arcade game.
Maaari rin itong laruin ng mga batang edad tatlo pataas dahil walang anumang bayolente o marahas na nilalaman ang laro. Kaya hindi kailangang mag-alala kung nilalaro ito ng mga bata dahil wala itong masamang bagay na nakakaapekto sa isipan. Mae-enjoy din ito ng mga kabataan maging ng mga matatanda.
Nakatanggap din ito ng magagandang reviews sa Google Play Store at App Store. Ayon sa mga komento, madaling kontrolin ang laro at kapana-panabik ang bawat hamon sa mga level. May iba namang nagsabi na ito ay simple subalit may mahusay na graphics. Subalit mayroon ding mga problema ang mga manlalaro sa Lightning Fighter 2: Retro STG. Nakaranas ang iba ng glitch at lag habang naglalaro na nakakaabala. May iba naman na hindi nase-save ang progreso na nagawa nila sa laro. Nagkaroon naman ng bagong update ito at inayos nila ang mga bugs.
Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱50 hanggang ₱3,550 kada item. Subalit pwede mo naman i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos. Sa ganitong paraan, maiwasan mong gumamit ng tunay na pera.
Konklusyon
Para sa Laro Reviews, masayang laruin arcade game na ito. Ngayon, mayroon itong 4.4 stars out of 5 ratings sa Google Play Store, at umabot na sa mahigit 5 milyong downloads magmula ng inilabas ito noong taong 2014. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang Lightning Fighter 2: Retro STG!