Merge Master: Insect Fusion Review

Naranasan mo bang paglabanin ang mga gagamba noong bata ka? Karaniwan itong itinatago sa kahon ng posporo at kapag oras na ng labanan, ilalabas ito at ipapalambitin sa isang mahabang stick kung saan dito gaganapin ang pakikipagtunggali laban sa kapwa nito gagamba. Kung sino ang unang makapatay sa kalaban ang siyang tatanghaling panalo. Sa larong sunod na itatampok ng Laro Reviews, hindi lamang gagamba kundi samu’t sari pang mga insekto ang pinaglalaban-laban. Hindi lamang iyan, tunghayan din kung paano nagbabagong anyo ang mga ito habang nag-e-evolve.

Ang Merge Master: Insect Fusion ay isang arcade game na ginawa ng GameLord 3D. Pangkaraniwan sa iba pang mga Merge Master, ang mechanics ng laro ay nakabatay sa pagtatambal-tambal ng mga insekto upang mag-evolve at mapalakas ang kanilang stats. Tanging ang mga insekto lamang na kabilang sa iisang uri ang maaari mong pagsamahin. Ang bawat isa sa mga ito ay may taglay na kalakasan at kahinaan kaya mahalagang matukoy mo ang mga ito upang masiguro ang iyong pagkapanalo sa bawat level. Kung handa ka nang makipaglaban, basahin lamang hanggang dulo ng artikulong ito upang malaman ang iba pang features, tips, pros, cons, at kabuuang verdict ng Laro Reviews ukol dito.

Features ng Merge Master: Insect Fusion

Insects – Ito ang iyong magiging kakampi at katunggali. Sa madaling salita, ang mga klase ng insektong makikita mo sa iyong hanay ay siya ring mga insektong iyong makakalaban. Nahahati ito sa tatlong kategorya:

  1. Reptiles – Ito ang uri ng insekto na may pinakamataas na HP ngunit ito rin ang may pinakamababang attack power. Mainam na ipwesto ang mga ito sa unang bahagi ng iyong hanay upang magsilbing depensa. Closed combat ang pamamaraan kung paano ang mga ito umatake. Aatakihin ng mga ito ang pinakamalapit na kalaban sa kanilang harapan.
  2. Winged Insects – Ang mga ito naman ang may panggitnang stats pagdating sa kanilang attack power at may pinakamababang value ng HP. Gayunpaman, mahalaga ang kanilang magiging ambag sa pagpapalakas ng iyong pwersa dahil long ranged attacker ang mga ito. Magandang ipwesto ang mga ito sa gitna o likod na bahagi ng iyong hanay. Akma ang mga ito bilang pangsuporta sa iyong Reptiles.
  3. Assassin – Ang Assassin ang may pinakamataas na attack power kumpara sa ibang mga insekto. May pagka-tricky na gamitin ang uri nila dahil tumatalon ang mga ito tungo sa pinakalikod na parteng hanay ng kalaban. Hindi alintana kung ilan ang insektong nakalinya sa bandang harap at gitna, ang una nilang pupuntiryahin ay ang mga nasa hulihan.

Merge Arena – Makipagtunggali laban sa iba pang hanay ng mga insekto! Sa battlefield, makikita ang isang 3×5 na kahon kung saan ipupwesto mo rito ang mga insekto batay sa nabuo mong estratehiya.

Offline Mode – Gamit ang feature na ito, kahit hindi ka konektado sa anumang internet connection, ay maaari mo pa ring malaro ang Merge Master: Insect Fusion. Ang maganda pa rito, kung ayaw mong makakita ng anumang ads ay tanggalin lamang ang iyong internet koneksyon para ma-enjoy ito nang tuluyan. Sa kabilang banda, hindi mo matatanggap ang dagdag na coins sa bawat level dahil pinipigilan nito ang paglabas ng anumang ads.

Saan Pwedeng I-download ang Merge Master: Insect Fusion?

Hindi pa ito available sa PC kaya gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. Huwag malilito sa bahaging ito dahil magkaiba ang pamagat ng laro ngunit iisa lamang ang kanilang content. Para sa mga Android user, i-search ang Merge Master: Insect Fusion samantalang para sa mga iOS user ay Merge Master – Dinosaurs Fight. Aming inuulit, bagama’t dinosaurs ang nakalagay bilang pamagat ay mga insekto ang tampok ng naturang laro.

Matapos nito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ng lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Merge Master: Insect Fusion on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=merge.master.insect.dinosaur.fusion

Download Merge Master: Insect Fusion on iOS https://apps.apple.com/us/app/merge-master-dinosaurs-fight/id1614985694

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ihanda na ang iyong hanay at simulan na ang kakaibang labanan sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga insekto! Narito ang Laro Reviews upang tulungan kang mapagtagumpayan at mapadali ang iyong pakikipagtunggali.

Pataasin ang level ng iyong mga insekto.

Para masigurado ang iyong pagkapanalo laban sa kabilang kampo, kailangan lamang na mas malakas ang iyong hanay kumpara sa iyong kalaban. Upang magawa ito, i-fuse lamang ang mga insektong kabilang sa iisang uri. Ang mahalagang tatandaan mo lamang ay dapat mayroon kang kahit isang insektong mas mataas ang level kumpara sa level ng iyong mga kalaban. Bago pa man magsimula ang labanan, makikita mo na ang line-up ng mga insekto ng kalaban kaya mas madali mong maipaplano ang iyong mga hakbangin. Ngunit kung sa oras na makaharap mo ang isang insektong may mas mataas na level sa iyong hanay, huwag mag-aalala dahil ang sunod na estratehiyang maaari mong magamit ay ang pagpaparami ng iyong hanay. Sa halip ng isang mas malakas na unit, bawiin na lamang ito sa mas mahihina ngunit mas maraming insekto. Dumugin ang mas malakas na insekto at sa pagtutulungan ay tiyak na magagapi mo rin ang kalaban.

Planuhin ang posisyon ng iyong hanay.

Bukod sa paniniguradong mas malakas ang iyong hanay, mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang posisyon ng iyong mga insekto. Ilagay sa forefront ang mga insektong kabilang sa reptiles. Closed combat ang pamamaraan kung paano umatake ang mga ito kaya mas mainam kung sila ang ilalagay sa pinakaharap na hanay. Ito rin ang may pinakamataas na HP kumpara sa ibang mga uri ng insekto. Ngunit hindi rin sasapat kung iaasa sa kanila ang pinakadepensa ng iyong hanay lalo na’t kung mataas din ang level iyong kalaban. Kaya rito na papasok ang isa pang uri ng insekto, ang Winged Insects. Long ranged ang mga ito kung tumira kaya tiyak na pupuntiryahin nito ang likod na parte ng iyong kalaban.

I-maximize ang iyong mga Assassin.

Makapangyarihan kung maituturing ang mga Assassin kung gagamitin ito nang maayos. Matayog ito kung tumalon tungo sa pinakalikod na bandang hanay ng kalaban. Huwag maglalagay ng assassin kung mapapansing assassin din ang nakalagay sa pinakalikod na banda ng iyong kalaban. Mapapasawalang-bisa ang pagtalon ng iyong units dahil tatalon din ang assassin ng kalaban tungo sa iyong hanay. Ang kahahantungan nito ay magiging vulnerable ang iyong last base at prone sa atake ang iyong panggitnang hanay.

Pros at Cons ng Merge Master: Insect Fusion

Ang larong ito ay nagtatampok ng iba’t ibang uri ng insekto. Bagama’t hindi aktwal na pangalan ng mga insekto ang ginamit, magiging pamilyar ka pa rin sa itsura ng mga ito. Hindi na bago ang kabuuang konseptong ginamit sa laro ngunit nakakatuwa pa ring ginamitan ito ng isang ‘di pangkaraniwang tema para isabuhay ang laro. Hindi tipikal sa mga laro ang gumamit ng insekto, ngunit sa Merge Master: Insect Fusion, gumamit sila ng insekto bilang mga unit na paglalaban-labanin. Nahahasa rin ang kakayahan ng mga manlalarong bumuo ng estratehiya dahil mahalaga ang lokasyon ng mga insekto para magtagumpay sa isang partikular na level. Kailangan ding maging masinop at matukoy kung kailan bibili ng panibagong insekto dahil pamahal ito nang pamahal habang tumatagal.

Gayunpaman, dapat ay panatilihin ng mga game developer ang pagiging aktibo pagdating sa paggawa ng panibagong content. Habang umuusad ay nagiging paulit-ulit na lamang ang takbo ng laro kaya hindi maiiwasang makaramdam ng pagkabagot dahil dito. Bukod pa sa graphics na ang dami pang puwang para mag-improve, madalas pang naghahanap ng bago ang mga manlalaro. Kaya kung iisa lamang ang daloy ng laro, asahang hindi magtatagal ang mga ito at kinalauna’y burahin na ang app. Hindi sasapat ang offline mode ng laro bilang rason para manatili ang players. Para mamayagpag ang Merge Master: Insect Fusion sa larangang kinapapalooban nito at bilang isang mobile game app, kailangang mag-step up ang game developers para tuluyang ma-maximize ang aktwal na potensyal ng laro.

Konklusyon

Kinakailangan ang larong ito ng ibayong pagbubuo ng estratehiya at masinop na paggamit ng coins upang magtagumpay sa bawat level. Kung kailan pagtatambalin ang mga insekto at kung kailan bibili ng panibagong unit ang ilan sa mga bagay na dapat ikonsidera sa paglalaro. Mahalaga ring matukoy ang akmang posisyong gagamitin ng iyong mga insekto. Gayunpaman, nakakasawa rin ito kinalaunan dahil walang panibagong content na ibinibigay ang mga game developer. Bukod pa rito, may puwang pa para mas lalong mapaganda ang kabuuang visuals ng laro. Kung hindi mo alintana ang mga nabanggit na kailangan pang pag-ibayuhin dito at naghahanap ng larong pwedeng malaro offline, i-download na ang Merge Master: Insect Fusion!