SIEGE: World War II Review

Ang World War II ay isa sa pinakamarahas na digmaan sa buong daigdig. Subalit, bahagi na ito ng kasaysayan at ang mga nangyari noong panahong iyon ay nakatatak na sa mga tao. Sa kasalukuyang, maraming pelikula ang patungkol sa World War II at ang mga nangyari noong panahong iyon. Pagdating sa mga laro, madalas na first o third person shooter ang mga laro tungkol dito.

Subalit, may mga larong strategy rin na tungkol sa World War II. Kung naghahanap ka ng isang laro tungkol sa World War II, gugustuhin mo ang laro kung saan ay mararamdaman mong nasa warzone ka talaga. Ang tatalakayin nating laro ngayon sa Laro Reviews ay ang SIEGE: World War II. Ating alamin kung dapat mo itong subukan.

SIEGE: World War II

Ang SIEGE: World War II ay isang historical strategy game kung saan kailangan mong mangolekta ng cards at bumuo ng isang makapangyarihang deck ng mga sundalo. Sa larong ito, kailangan mong makipaglaban sa mga manlalaro sa buong mundo at patunayan na ikaw ang pinakamahusay na heneral dahil ang larong ito ay Player vs Player (PvP).

Ang SIEGE: World War II ay purong PvP lamang, walang Player vs. Environment feature rito kaya dapat na magkaroon ka ng sapat na taktika sa pagtalo sa ibang manlalaro. Mahalaga na magkaroon ng malakas na hukbo sa larong ito, pero mas mahalaga ang pagkakaroon ng tamang diskarte dahil isa itong strategy game.

Game features ng SIEGE: World War II

Sa larong ito, kailangan mong mangolekta at magpalakas ng cards upang manalo ka sa bawat skirmish. Sa SIEGE: World War II, hindi lang isang deck ang maaari mong gawin. Maaaring bumuo ng maraming decks ang manlalaro nito upang magkaroon siya ng iba’t ibang strategy sa kahit na sinong makakalaban niya.

Ang ilan sa cards na maaari mong makuha sa SIEGE: World War II ay ang mga realistic na units na mayroon noong World War II. Kabilang sa mga ito ang riflemen, snipers, paratroopers, bazooka soldiers, at ang mga tangke na ginagamit sa battlefield. Hindi pwede na puro opensa lang kaya ang mga defensive cards gaya ng airstrikes, minefields, airdrops, artillery at iba pa ang tutulong sa iyo.

At dahil PvP lang ang SIEGE: World War II, mayroong leaderboard kung saan mo makikita ang iyong ranking sa kasalukuyang season. Kada season, nagri-refresh ang leaderboard kaya lagi mong kailangang patunayan na ikaw ang pinakamagaling na heneral. Kapag mas maganda ang diskarte mo sa mga card na iyong hawak, mas tataas ang iyong ranking sa leaderboard.

At gaya ng ibang strategy games, maaari ka ring sumali o bumuo ng isang alyansa sa SIEGE: World War II. Ang kagandahan sa mga clan sa larong ito ay maaaring mag-request ng isang card ang mga manlalaro nito kada araw. Samantala, maaari namang bigyan ng mga manlalaro ang kanilang mga kasama sa clan. Ang manlalarong magbibigay ng card ay makakatanggap ng XP at gold.

Madalas rin mag-update ang larong ito, lalo kung mayroong bagong season sa laro. Ibig sabihin nito, kailangan ng manlalaro na umisip ng mga strategy dahil hindi sa lahat ng oras ay angkop ang gagamitin nila laban sa kalaban. May units na may buff, may ilan na may debuff. Ang mga manlalarong nakakaalam kung paano mag-adapt ang siyang mananalo sa digmaan.

Saan maaaring i-download ang SIEGE: World War II

Gamitin ang sumusunod na links mula sa Laro Reviews upang mai-download ang laro:

Download SIEGE: World War II on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.simutronics.b17&hl=en&gl=US

Download SIEGE: World War II on iOS https://apps.apple.com/ph/app/siege-world-war-ii/id1373496888

Tips at Tricks para sa SIEGE: World War II

Sa SIEGE: World War II, may Daily Free Gains kung saan nakakakuha ka ng libreng cards araw-araw. May cards sa larong ito na hindi ganoon kalakas pero dapat kuhanin mo pa rin ang mga ito dahil ito ay libre naman. Para mas tumaas ang iyong tsansang manalo, kailangan mong bumuo ng mga deck bago ka pa man sumabak sa labanan.

Pero syempre, kailangan mo rin ng grenaders at riflemen sa iyong hanay. Magandang gamitin ang dalawang units na ito para sa swarming. Para sa Troops cards, mas mainam kung una mong pipiliin ang medium tank at rocket launcher dahil marami silang magagawa sa unang bahagi ng laro. Para naman sa Tactics cards, malaking tulong ang machine gun nest at landmine dahil marami kang units ng kaaway na maaaring mapatay gamit ang mga ito.

Pros at Cons ng SIEGE: World War II

Ang unang magandang puntos ng SIEGE: World War II ay ang kumpetisyon dito. May mga pagkakataong makikipaglaban ka sa mga manlalarong mas malalakas sa iyo at minsan, sa mga mas mahihina. Para sa iba, downside ito pero ang matchmaking system ng SIEGE: World War II ang isa sa mga magagandang features ng laro.

Dahil isa itong strategy game, nagiging balanse pa rin ang laro kahit pa mas malakas ang cards na gamit ng iyong kalaban dahil mananalo ka lang sa larong ito kapag tama ang iyong mga diskarte. Balanse ang matchmaking ng larong ito at talagang kailangan mong mag-isip para manalo. Hindi porke’t mas malakas ang cards mo ay awtomatikong panalo ka na lagi.

Pagdating sa graphics, masasabi mong average lang ang graphics ng SIEGE: World War II pagdating sa menu at sa mismong battlefield. Ganunpaman, bumawi naman ang larong ito sa sounds. Kapag nasa kalagitnaan ka ng laban, sobrang accurate ng mga tunog na para bang ikaw mismo ang nasa World War II.

Ang tunog ng mga baril, tangke, eroplano, at iba pa ay gaya ng nasa tunay na giyera. Nakatulong na walang background music ang larong ito upang humalo sa makatotohanang mga tunog. Pagdating sa gameplay, una kong hinala na baka maging kagaya lang ng Clash Royale ang larong ito, pero hindi naman.

Konklusyon

Mayroon ng mga FPS shooter na tungkol sa World War II, at mayroon na ring mga real-time strategy games. Ngayon lang ako nakakita ng isang card collecting game na tungkol sa World War II at masasabi kong napagtagumpayan ng SIEGE: World War II ang maiparamdam sa mga tao na nasa gitna sila ng warzone.

Magiging isa ba ito sa pinakamagandang card collecting games? Hindi siguro, pero hindi nakakapagtaka kung maraming tao ang pipiliing laruin ang SIEGE: World War II dahil akma ang larong ito para sa mga taong gusto ng casual gaming experience.