Aminin na natin, kalimitan sa mga larong may kinalaman sa heroes ay masyadong kumplikado at para bang ang dami pang kailangang gawin sa oras na lumalim na ang paglalaro mo nito. Kaya naman kung naghahanap ka ng larong salungat sa nakasanayan natin pagdating sa mga Hero, maaari mong subukan ang inilabas ng Linking. Ito ang single player role playing game na Little Hero: Idle RPG kung saan gagampanan mo ang pagiging isang Lonely Hero at inatasang protektahan ang kanyang homeland at ibalik ang nanakaw na kapayapaan dito mula sa mga tinatawag na mighty monsters. Sa larong ito, simple lamang ang gameplay. Kailangan mo lamang bigyan ang karakter mo ng ilang skills bilang panlaban sa bawat monster at bosses na narito. Bukod pa rito, ang bawat laban ay nadadaan lamang sa simpleng pag-tap sa iyong Hero habang gamit ang kanyang sandata, gears at marami pang iba na maaari niyang makuha habang naglalakbay. Easy, hindi ba? Halina’t silipin pa natin ang ilang mga bagay na mayroon sa larong ito.
Features ng Little Hero: Idle RPG
Kung papansinin, makikita mo na agad sa main screen ng Little Hero: Idle RPG ang lahat ng mga bagay na maaari mong magamit sa laro. Bukod pa rito ay iilan lamang din ito kaya hindi na rin mahirap na i-explore ang bawat isa. Sa katunayan, dito na rin nagaganap ang bawat laban at isa na rin ito sa maaaring bumungad sa iyo sa oras na pasukin mo ang laro. Dahil sa mga bagay na ito, masasabi mo talagang hindi ito isang kumplikadong laro dahil halos ibinibigay na ang lahat ng iyong mga kailangan sa simula pa lang, tatanggapin mo na lang.
Sa bandang ibaba makikita ang isang section na tinatawag na Hero. Laman ng section na ito ang mga bagay na maaaring magamit ng iyong Hero gaya ng gears. Kung ilalarawan ang kabuuang itsura nito ay mayroon ditong isang malaking guhit ng buong katawan ng isang hero at mayroong mga hugis parisukat na nakalagay sa bawat bahagi na dapat punan ng bawat manlalaro, mula ulo hanggang paa gaya ng helm, sword, armor, gauntlets, belt, greaves, shield at marami pang iba. Maaari mo ring i-customize ang costume ng iyong Hero dahil mayroon itong labingwalong klaseng pagpipilian. Kasama rin sa section na ito ang stats ng iyong Hero na maaaring ma-improve habang tumatagal ka sa paglalaro nito.
Katabi naman ng Hero section ang tinatawag na Partner section. Laman ng section na ito ang mga nilalang na maaaring makasama ng iyong Hero sa bawat paglalakbay at labanan. Una na riyan ang Elf na maaari kang magkaroon ng kahit ilan at dapat mo ring i-upgrade. Sa kabuuan ay mayroong nakalaang 12 slot para rito. Kalimitan mo rin itong matatanggap sa mga random events. Bukod pa rito ay maaari ka ring magkaroon ng tinatawag nilang Merc at Dragon. Kung baguhan ka pa lamang sa laro ay hindi mo ito agad makikita dahil kailangan mo munang pahabain ang paglalaro bago ka makapag-unlock nito.
Sa Map section naman makikita ang ilang mga lugar na maaaring lakbayin ng bawat manlalaro. Mayroon itong Main Stages kung saan ito ang unang map na bubungad at kailangang kumpletuhin ng players. Susunod ang Tower of Trial, Oak Land at Demonic Realm kung saan maaari lamang itong magbukas sa oras na makumpleto ng manlalaro ang 20 levels sa loob ng Main Stages. Bawat map kasi ay may kanya-kanyang level sa loob at bukod rito ay nahahati pa ang mga ito sa Normal, Expert, at Hell na nagsisilbing game mode ng laro. Bawat level ay mayroong mahigit dalawang-daang villain na makakalaban kasama ang malalakas na bosses.
Kung titingnanang itaas na bahagi ng laro ay mapapansin mo ang iba’t ibang klase at random events. Dahil dito, nakakakuha ng iba’t ibang klase ng skills ang Hero ng bawat manlalaro. Kung may isang bagay na talagang nagugustuhan ng bawat manlalaro pagdating sa mga Random Event, ito ay dahil nagsisilbi itong dagdag adventure para sa bawat manlalaro. Dito kasi nangyayari ang pagkakataon na makapunta sa ibang lugar at makita ang iba pang karakter na ang misyon ay bigyan ka ng mga pagsubok kapalit ng iba’t ibang klase ng premyo.
Saan maaaring i-download ang Little Hero: Idle RPG?
Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 113MB kung magmumula sa Google Play Store habang 225.9MB naman kung sa App Store magda-download. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.
Download Little Hero: Idle RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.lingjing.xxyzglobal
Download Little Hero: Idle RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/little-hero-causal-idle-rpg/id1577335152
Download Little Hero: Idle RPG on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/little-hero-idle-rpg-on-pc.html
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Little Hero: Idle RPG
Simple lamang ang gameplay ng laro. Sa katunayan, kayang umabante ng laro kahit pa hindi mo ito ginagalaw. Gayunpaman, may mga bagay na kailangang gawin sa larong ito na ikaw mismo, bilang isang manlalaro ang tanging makakagawa. Kaya naman, bilang tips ng Laro Reviews para sa iyo, mainam na palagi mong ginagamit ang mga random event na makikita sa bandang itaas ng iyong Hero. Malaki kasi ang naitutulong nito upang makakuha ka ng ilang mga item na maaari mong magamit upang mas lumakas ang karakter na iyong ginagamit. Bukod pa rito, ito ang nagsisilbing dagdag-kulay sa laro dahil may pagkakataon na kaya ka nitong dalhin sa kahit saang lugar upang makita ang iba pang karakter. Halimbawa nito ay si Wise Scholar. Mainam din na binibisita lagi ang Wise Scholar dahil kaya nitong magbigay ng mga unique na rewards na ang layunin ay palakasin ang iyong Hero. Bukod pa rito, ang quizzes niya ang nagiging daan upang bantayan mo ang laro. Bukod sa Wise Scholar, mabuti rin na laging binibisita ang mga section gaya ng travel logs, hero section, bag at marami pang iba upang makapag-upgrade at makapag-claim ng marami pang klase ng rewards.
Pros at Cons ng Little Hero: Idle RPG
Maraming bagay sa larong ito na tunay na magugustuhan mo sa oras na subukan mo na itong pasukin. Tunay na mahuhulog ang iyong loob sa cute na itsura ng graphics ng larong ito. Kaaakit-akit din ang art style na ginamit dito at sapat na upang hindi mo bitawan ito sa oras na simulan mo na itong laruin. Kahit pa ang gameplay nito kung saan sa simpleng pag-tap lang sa kalaban ay kaya mong makausad sa bawat mission, sa loob lamang ng ilang segundo. Kaya rin nitong umabante kahit pa hindi mo ito laruin ng ilang oras. Gayunpaman, bagaman madali lamang ang mechanics ng laro, habang tumatagal naman ay mapagtatanto mo na nagiging challenging din ito at isang sapat na dahilan bakit mo ito babalik-balikan.
Sa kabila ng ilang mga positibong katangian nito, may ilan ding kahinaan na mapapansin sa loob ng larong ito. Bagaman kaya mo ito ng laruin sa loob lamang ng ilang araw, hindi maikakaila na may pagkakataong may mga hinihingi ang laro na hindi basta nadadaan lamang sa simpleng pag-grind. May features ito na kalaunan ay nagiging kumplikado partikular na sa bawat laban. Dahil dito, nalilimitahan ang bawat manlalaro na umabante sa bawat laban. Bagaman may paraan upang muling makausad, iyon naman ay sa pamamagitan ng paglalaan mo ng malaking halaga ng pera. Para bang ang mga kumplikadong bagay na nai-encounter mo ay isang daan ng developer nito upang mauwi ka sa isang desisyon kung saan kailangan mong maglaan ng halaga para lamang makapagpatuloy sa paglalaro nito.
Konklusyon
Kung ang Laro Reviews ang tatanungin, bagaman simple ang gameplay ng larong ito, hindi masasabing isa ang larong ito sa mga madaling laruin. Hindi lamang kasi ito umiikot sa simpleng pag-tap sa kalaban upang agad na manalo. Nagiging challenging din ito habnag tumatagal ang paglalaro at nagiging daan upang mag-isip ang mgamanlalaro ng ilang estratehiya para lamang muling makausad sa laro. Bagaman isa itong pay-to-win na laro, sapat ang nilalaman nito upang maaliw ka lalo na sa mga pagkakataong naghahanap ka ng isang libangan at pampalipas-oras.