Sa wakas, maaari nang makabawi ang Pilipinas mula sa pandemya. Ang mga kaso ay bumababa, ang mga face shield ay ipinag-uutos lamang sa ilang mga lugar tulad ng mga ospital, at hindi na rin masyadong ipinagbabawal ang paglabas. Hanggang sa may isang taong umuwi mula sa Amerika na binalewala ang ipinag-uutos na quarantine at pumunta sa dalawang kasiyahan. Ang mas malala pa rito ay positibo siya sa COVID-19 kung kaya’t nagbanta ng isa pang lockdown. Sino ang mag-aakalang ang 2022 ay matutulad rin sa 2020? At kung lockdown ang pag-uusapan, ito na ang tamang oras upang maglaro ang 60 Seconds! Atomic Adventure. Dahil wala nang mas sasaya pa sa paglalarong magpapaalala sa iyo ng sitwasyon. Tulad ng quarantine, kailangan mong manatili sa loob sa lahat ng oras. Kung kailangan mong lumabas para sa mga pangunahing pangangailangan, kailangang magsuot ng mask para sa kaligtasan. Sa pagdalas ng iyong paglalaro, mas mapagtatanto mong katulad ito sa kasalukuyang nangyayari sa mundo.
Dadalhin ka ng Robot Gentleman sa 1950s at ipakikita kung ano ang mga maaaring mangyari kung umiiral ang digmaang nukleyar. Mula sa mismong pamagat, mayroon ka lamang 60 segundo upang mangalap ng mga gamit at dalhin ang iyong pamilya bago ka tumalon sa bunker. Ang iyong pamilyang suburban ay kailangang mabuhay sa fallout shelter. Sa resources na natipon mo mula sa iyong bahay, kailangan mong i-rasyon ang iyong pagkain at tubig. Piliin ang sinumang nais mong lumabas at galugarin ang desyerto upang mag-scavenge ng mga gamit. Piliin ang tamang sagot upang makuha ang pagtatapos na nais mo. Maaari silang tulungang manatiling buhay o manood ng iba pang mga posibilidad. Ang kanilang buhay ay nasa iyong kamay, o sa halip, sa iyong hinlalaki.
Features ng 60 Seconds! Atomic Adventure
Para sa mga bagong manlalaro o sa mga may nais ng mga kaswal na gameplay, maaari mong laruin ang Classic. Ikaw ba ay isang beterano na manlalaro, o nais mong subukin ang iyong mga kasanayan nang higit pa? Kung ganon ay maaari mong simulan ang iyong pakikipagsapalaran sa Challenge kung saan kailangan mong mangolekta ng mga tinutukoy na supply at mabuhay kasama ang itinalagang miyembro ng pamilya. Maaari kang makakuha ng mga magagandang premyo sa oras na mapagtagumpayan ang mga ito. Ang Classic ay may apat na modes: Atomic, Apocalypse, Scavenge, at Survival.
Sa Atomic mode ay tulad sa totoong buhay. Ito ay isang paghahanda para sa fallout. Ang mode na ito ay isang tutorial para sa mga bagong manlalaro kung saan ay kailangan mong pumunta sa itinalagang marka, kunin ang item, at hanapin ang tamang tao.
Ang Scavenge mode naman ay isang perpektong yugto upang kumuha ng mga supplies mula sa iyong bahay dahil hindi mo na kailangang magtagal sa dulo ng laro. Ngunit kailangan mo pa ring gawin ito sa isang minuto.
Sa kabilang banda, maaari mong malaro ang Survival mode gamit ang mga napiling mga supply na ibinigay sa iyo. Kaya kung hindi ka masyadong magaling sa pag-scavenge, ito na ang mode na bagay sa iyo.
Ang Apocalypse naman ang itinuturing na buong karanasan sa laro. Mayroon kang 60 segundo para mangalap ng mga supply mula sa iyong bahay at kailangan mong mabuhay hanggang sa huli kapag makapasok ka sa bunker.
Lumilipas ang mga araw sa mga entry sa journal. Sinasabi nito kung ano ang mga nangyari sa araw na iyon at ina-update ang katayuan ng pamilya. Minsan magkakaroon ng isang kaganapan o tinatawag na event tulad ng pagkatok ng tao sa inyong pinto, at depende sa iyo kung bubuksan mo ito o hindi. Ang paggawa ng tamang desisyon ay maaaring humantong sa isang mas magandang pagtatapos, ngunit ang pagpili ng iba pa ay maaaring humantong sa ibang ending.
Paano i-download ang 60 Seconds! Atomic Adventure?
Gamitin ang sumusunod na links para sa pagda-download ng laro:
- Download 60 Seconds! Atomic Adventure on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.robotgentleman.game60seconds
- Download 60 Seconds! Atomic Adventure on iOS https://play.google.com/store/apps/details?id=com.robotgentleman.game60seconds
- Download 60 Seconds! Atomic Adventure on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/60-seconds-atomic-adventure-on-pc.html
Tips at Tricks sa Paglalaro
Unahin ang mga nakatatanda. Hahantong sa game over kapag namatay ang mga matatanda o hindi ito nakaabot sa bunker sa simula. Nagkamali ako noong mas inuna kong sagipin ang mga anak. Nahirapan din akong kunin si Dolores dahil sa mga nakaharang sa daan. Dahil dito, pareho silang naabutan ng pagsabog at namatay. Natapos din ang laro kahit na nabuhay ang mga bata. Kaya kung magtitipon ka ng mga gamit mula sa iyong bahay, tiyaking makakaabot sa bunker ang mga nakatatanda bago maubos ang oras dahil sa kanila umaasa ang buong pamilya.
Tipirin ang mga pagkain at tubig. Nagkamali ako sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at tubig sa isang taong nagugutom o nauuhaw. Kahit na marami kang mga supply, pakainin lamang sila kung aabot na sa buhay o kamatayan o kung nais mong makayanan ng iyong napiling tao na mag-scavenge sa ibabaw. Hindi ka laging magkakaroon ng maraming mga supply, kaya huwag mo silang sayangin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain o tubig sa kanila araw-araw.
Palagi kong iniiwan si Mary Jane dahil sa kailangan ng malaking space tuwing ililigtas siya, ngunit magiging kapaki-pakinabang siya kapag naging isa siyang mutant. Kapag nangyari ang event tungkol sa mga gagambang pabalik-balik, maaari mo ring gamitin ang Scout Handbook o maaari ring wala kang gawin. Kinabukasan, siya ay magiging isang mutant, at sinasabi ng journal na may isang gagambang nakaligtas at nakagat sya. Si Mary Jane na naging mutant ay ang pinakamahusay sa pag-scavenge sa ibabaw dahil hindi siya kayang patayin o dakipin ng mga raider o kahit na ang mga bandido. Tiyaking pakainin siya pagkatapos dahil tatakbo siya sa susunod na araw. Hindi niya kailangan ng tubig upang mabuhay siya sa huli.
Pros at Cons ng 60 Seconds! Atomic Adventure
Ang larong 60 Seconds! Atomic Adventure ay naglalaman ng magagandang mga kwento. Masisiyahan ka sa pagbabasa ng mga entry sa journal, lalo na kung mahilig ka sa mga bagay na may dark humor. Mas masayang malaro ang challenge mode dahil dito masusubok ang iyong galing. Kung nais mong gumawa ng mas mahusay na diskarte, maaari pang muling maglaro. Mas magiging kapana-kapanabik ang pagkuha ng mga supply sa loob ng bahay dahil sa epikong musika at sa tunog ng orasan. Idagdag na rin ang malakas na tunog ng sirena sa simula. Magkakaroon ka ng isang karanasan sa nuclear fallout. Kung ikaw ay isa sa preppers na mahilig maghanda sa post-apocalypse, ito na ang laro para sa iyo.
Related Posts:
Youtubers Life: Gaming Channel – Go Viral! Review
Bully: Anniversary Edition Review
Gayunpaman, mahirap gamitin ang mga kontrol kapag ang iyong karakter ay kumukuha ng supplies mula sa iyong bahay. Ang pag-aayos ng sensitivity ng rotation ay kapaki-pakinabang, ngunit mahirap pa rin palakarin ang character. Maaari ka ring mabagot sa pagbabasa ng mga entry sa journal lalo na kung matagal mo na itong nilalaro. Dahil dito ay mas gugustuhin mong laktawan na ang pagbabasa at kung minsan ay makakaligtaan mo ang isang mahalagang bahaging makatutulong sa iyo na makausad sa susunod na araw.
Walang masyadong kailangang baguhin sa larong ito. Ngunit kailangan nitong mas padaliin ang mga kontrol sa scavenging phase. Mas magiging masaya rin kung magdadagdag rito ng higit pang mga ending at events.
Konklusyon
Ang 60 Seconds! Atomic Adventure ay may natatanging istilo, dahil ito ay isang post-apocalyptic survival game na may nilalamang kwento. Nagpapakita ito ng mga posibleng gagawin ng mga tao kung sila ay nasa bingit ng kamatayan. Ang larong ito ay sumasalamin din sa pag-uugali ng tao kung sila ay nag-iisa sa mahabang panahon. Maaari mo ring piliin kung gaano kahirap ang iyong gameplay upang subukin ang iyong mga kasanayan sa kaligtasan. Dito ay makikita rin ang pagsisikap na ginawa ng mga developer sa pagsusulat ng mga entry sa journal. Nagkakahalaga ito ng ₱199, ngunit sulit ang iyong pera kung naghahanap ka ng isang laro na may mahusay na kwento at iba’t ibang pagtatapos.
Laro Reviews