Human: Fall Flat – Marahil ay dumaan na ang larong ito bilang ads sa mga platform na kalimitang ginagamit mo. Hindi mo lang gaanong pinapansin dahil sa tingin mo’y isa lamang itong simpleng laro na ang misyon lamang ay magpatihulog sa mataas na gusali. Ngunit kung bibigyan ng pagkakataong subukan ang larong ito, doon mo mapagtatantong mayroon din pala itong ibubuga dahil laman nito ang iba’t ibang challenging levels na talaga namang itutulak kang mag-isip nang maigi.
Ang larong ito ay tinatawag na Human: Fall Flat. Ito ay isang uri ng physics-based puzzle game na nilikha nang mag-isa ni Tomas Sakalauskas ng No Brakes Games. Sa larong ito, kailangan mo lamang kontrolin ang main character na si Bob. Kung papansinin ang kabuuang itsura nito, para siyang isang uri ng stickman na nilagyan ng kaunting laman. Puti ang kabuuang kulay nito at simple lamang ang itsura. Ngunit kahit ganoon, ipinakilala siya rito bilang isang ordinaryong tao na nasa loob ng isang panaginip.
Ang pinaka layunin mo lamang sa larong ito ay tulungan si Bob na makaalis sa kaniyang panaginip kung saan hitik ito sa mga puzzle na dapat mong lagpasan. Madali man kung titingnan ngunit isang malaking pagsubok ang paglalakbay mo sa bawat level na iyong pagdadaanan dito. Ang larong ito ay nangangailangan ng galing sa pag-akyat sa matataas na lugar, pagtalon, pagtulak, paghila, mahigpit na pagkapit, pagbuhat sa mga mabibigat na bagay maging ang sapat na talino dahil ang natutunan mo sa physics ay magagamit mo rin sa larong ito.
Features ng Human: Fall Flat
Customized Character – Maaari mong i-customize ang karakter ni Bob sa pamamagitan ng paglalagay dito ng suot mula sa kanyang ulo hanggang paa. Bago magsimula ang laro, may kalayaan kang makapili ng kanyang gagamiting head gear, damit, pantalon at maging ang kulay at magiging itsura nito. Marami kang pagpipilian sa mga ito kaya tiyak kong mahihirapan kang makapili.
Levels – Ang larong ito ay mayroong 18 levels na iyong pagdaraanan sa buong laro. Bawat level ay may iba’t ibang atmosphere at architectural design gaya ng isang malaking Mansion, Castles, at Aztec. Bukod pa rito, mayroon ding mga bundok at industrial locations na talaga namang susubukin kang mag-isip kung paano makakaalis sa mga ito.
Mutiplayer mode – May mga parte ng laro na talaga namang mas mainam kung mayroon kang makakasama upang makaabante rito. Sa tulong ng multiplayer mode ng larong ito, maaari mong makasama ang iyong pamilya (kahit pa mga bata) o mga kaibigan upang laruin ito. Ang Human: Fall Flat ay maaaring laruin nang mag-isa ngunit kung nais mong mas ma-enjoy ang paglalaro nito, mainam ang pagkakaroon ng kasama.
Puzzles – Bawat level ay mayroong hinandang mga challenging puzzle. Iba-iba ang mga ito at may kani-kanyang level of difficulty na talaga namang mae-enjoy mo.
Saan maaaring i-download ang Human: Fall Flat?
I-click lamang ang mga link sa ibaba depende sa device na gamit:
- Download Human: Fall Flat on PC https://www.bluestacks.com/apps/puzzle/human-fall-flat-on-pc.html
- Download Human: Fall Flat on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.and.games505.humanfallflat
- Download Human: Fall Flat on iOS https://apps.apple.com/us/app/human-fall-flat/id1438091392
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Human: Fall Flat
“Think outside the Box.” Ito ang isa sa mga nais bigyang-diin sa atin ng Human: Fall Flat. Kaya naman, bilang isa sa tips ng Laro Reviews, isang epektibong paraan upang makausad sa larong ito ay ang mag-isip ng sa tingin mo ay kaya mong gawin upang makalagpas sa bawat level na iyong mapupuntahan. Walang imposible sa larong ito. Hindi rin naman bawal ang magkamali rito. Kung magkamali ka man o mahulog, babalik at babalik ka pa rin naman sa kung saan ka nanggaling bago ka nalaglag.
Isa sa mga sitwasyon kung saan magtutulak talaga sa iyong mag-isip ng hindi pangkaraniwan ay kung naroon ka na sa level kung saan maraming equipment ang nakapaligid sa iyo. Maaaring ang nais ng laro ay gamitin mo ang mga iyon upang makarating sa dapat mong puntahan. Hindi mo kailangang maging choosy. Malaya kang gamitin ang mga iyon kahit pa with a twist. Gamitin ang ‘think outside the box.’
Halimbawa rito ay kung may mga malalaking bakal kang makikita sa laro. Marahil ay nais ng laro na gamitin mo iyon bilang tulay patungo sa kabilang dingding ngunit naisipan mong gamitin na lamang iyon bilang pambutas sa dingding. Pwede iyon! Isa iyon sa pagiging unique ng laro dahil pwede mong gawin ang kahit anong technique na naiisip mo para lamang magtagumpay sa bawat level.
Kung mapapansin, mahaba ang bawat prosesong kailangan mong gawin para lamang makahanap ng daan palabas ngunit hindi ka naman pagbabawalan ng laro kung may naiisip kang ibang paraan na sa tingin mo’y mapapadali ang iyong mission. Kaya walang problema kung nais mong sirain ang dapat ay kailangan lang lagpasan o kung nais mong gamitin ang mga bagay na maaaring hindi naman nire-require ng laro na iyong gamitin.
Pros at Cons ng larong Human: Fall Flat
Ang piniling graphics para sa larong ito ang isa sa dahilan kung bakit marami ang nahumaling dito. Minimal lamang ang bawat disenyo maging ang itsura ng bawat karakter ngunit kaya nitong magdala ng kakaibang dating. Partikular na sa parte kung saan kitang-kita mo ang bawat galaw ni Bob, kung paano siya tumatalon, umaakyat, nagbubuhat, sumahimpapawid hanggang sa paglapag nito sa panibagong lugar. Gayundin ang bawat level na napupuntahan ng bawat karakter sa tuwing umuusad ito sa laro. Kaakit-akit ang bawat architectural design na mayroon ang mga ito.
Related Posts:
60 Seconds! Reatomized Review
The Walking Dead: Survivors Review
Nakakaaliw rin maging ang gameplay nito at masasabing isa rin ito sa mga dahilan kung bakit marami ang gustong-gustong laruin ito. Hindi ito yung tipo ng larong masyadong nakakairitang laruin. Gaya ng karakter dito, soft lang ang mga ito kung titingnan. Easy to difficult ang mga challenge na narito kaya talaga namang habang tumatagal ay palalim din nang palalim ang pag-iisip ng bawat manlalaro ng kani-kanyang paraan upang makausad sa laro, na kung titingnan ay siyang pinaka-adbentahe ng larong ito.
Ang haba ng oras sa paglalaro nito ay sapat na upang masabi mong sulit ito. Hitik ito sa mga puzzle na talaga namang bubusugin ka at maaari mong i-solve kasama ang iyong mga kaibigan o pamilya. Pwede rin ito kahit sa mga bata dahil hindi naman bayolente ang laro at kahit pa paulit-ulit nalalaglag si Bob mula sa matataas na gusali ay wala namang pinapakitang dugo at pagkakalasug-lasog ng katawan na siyang maaring ikabahala ng bawat magulang.
Kung mayroon lamang disadbentahe sa larong ito, iyon marahil ay ang control na mayroon dito. Lalo na kung baguhan ka pa lamang sa Human: Fall Flat, ang pag-control kay Bob ang pinaka-unang challenge na iyong pagdaraanan dito na tila ilang level pa ang kailangan mong pagdaanan bago ka masanay gamitin ito. Ang pagkakaroon din ng level kung saan kailangan mo ng makakasama upang makalagpas dito ay maituturing din na disadbentahe dahil wala kang ibang pagpipilian kundi ang itigil muna pansamantala ang laro para lamang makahanap ng maaaring makipaglaro sa iyo. Paano na lamang kung wala, hindi ba?
Konklusyon
Para sa Laro Reviews, ang Human: Fall Flat ay isa sa mga puzzle game na masasabi mong sulit kung susubukan mong laruin at talaga namang magpapasalamat ka dahil mayroong ganitong klaseng laro na tuturuan ka kung paano mag-isip ng hindi pangkaraniwan. Kaya ring ituro ng larong ito na ayos lamang ang magkamali at sumubok muli. Kaya kung sumasagi na sa isip mong laruin ito, huwag ng magpatumpik-tumpik pa, i-download na ang Human: Fall Flat!
Laro Reviews