Solitaire: Tripeaks Farm Review

Ang Solitaire: Tripeaks Farm ang nagpapatunay na hindi lahat ng solitaire games ay pare-pareho lang. Ang card game na ito ay mula sa M2ZEN Limited, isang game developer na kilala sa larangan ng card games. Ang konsepto ng larong ito ay hango sa pinaghalong game elements ng solitaire tripeaks at klondike games. Mula ng ito ay inilabas noong Hunyo 8, 2018, ito ay nakapagtala na ng mahigit 5 milyong downloads sa Google Play Store.

Ang game mechanics ng Solitaire: Tripeaks Farm ay tulad din ng karamihang solitaire games ngunit ito ay may kakaibang twists. Ang layunin ng manlalaro rito ay makapagliwaliw sa isang farm sa pamamagitan ng pagpapanalo sa bawat game match.

Paano I-download ang Laro?

Ito ay maaaring laruin gamit ang Android at iOS devices. Ang kailangan mo lang gawin ay hanapin ang app sa Play Store o sa App Store at i-click ang install button. Kung nais mo namang maglaro gamit ang laptop o desktop, kailangan mong gumamit ng isang lehitimong emulator upang i-run ang app sa isang computer. Maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na link:

Download Solitaire: TriPeaks Farm on iOS https://apps.apple.com/gb/app/klondike-farm-adventure/id1495577212

Download Solitaire: TriPeaks Farm on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.me2zen.tripeaks.v4.and&hl=en&gl=US

Download Solitaire: TriPeaks Farm on PC https://apkpure.com/solitaire-tripeaks-farm/com.me2zen.tripeaks.v4.and

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang Solitaire: TriPeaks Farm ay modern version ng solitaire na may halong elemento ng klondike games. Ang isa sa mga paboritong larong pampalipas-oras ng karamihan ay ginawang mas nakakarelaks, mas nakakaaliw at higit sa lahat, mas challenging kaysa dati. Sa pamamagitan ng paggamit ng farm theme, maaari kang makilahok sa isang exciting at masaganang pakikipagsapalaran.

Hindi ka basta-basta magsasawa sa larong ito dahil sa kabuuan, ito ay mayroong 6,000+ game levels na pwedeng ma-enjoy. Hindi lang yan, ang developers nito ay patuloy ding nagdaragdag ng bagong levels. Pwede kang makakuha ng in-game coins bilang papremyo sa bawat card na mailalagay mo sa discard pile.

Upang ma-access ang laro sa unang pagkakataon, kailangan mong i-click ang “I agree” button, bilang pagsang-ayon sa Terms of Service at Privacy Policy nito. Maaari kang gumawa ng game account sa pamamagitan ng pag-link ng iyong Facebook account. Upang magawa ito, siguraduhin munang ang iyong gaming device ay konektado sa internet. I-tap ang menu option at i-click ang Facebook icon. Sa ganitong paraan, hindi mawawala ang iyong data at pwede mong ma-retrieve ang iyong game progress sa ibang gaming device.

Kung sakaling ito ang kauna-unahang beses na ikaw ay maglalaro ng ganitong uri ng laro, huwag mag-alala! Tutulungan ka ng Laro Reviews na malaman ang gameplay at features ng Solitaire: Tripeaks Farm. Ang mga sumusunod ay mahahalagang impormasyon tungkol sa laro:

  • Gameplay

Sa simula ng laro, may tatlong card pipes kang makikita sa gaming screen: tableau, stockpile at discard pile. Ang pile na nasa gitna ay tinatawag ding tableau. Kailangan mong mailipat ang lahat ng cards na nandito sa discard pile upang manalo. Ang linked card ay tumutukoy sa card na mas mataas o mas mababa ng one value kaysa sa card na nasa discard pile. Halimbawa ang linked cards para sa number 10 card ay number 11 o number 9 card. Kung sakaling walang linked card sa tableau, kailangan mong kumuha ng karagdagang cards mula sa stockpile at magpatuloy sa paglalaro.

  • Game Modes

Bukod sa regular game modes na maaaring laruin offline, may Solitaire Tournament Mode rin dito. Maaari kang makipagkumpitensya sa ibang mga manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Tandaan na kailangan ng internet connection para sa game mode na ito. Kung sakaling namang mapagod ka sa paulit-ulit na solitaire games, pwede mong subukan ang mini-games para maiba naman. Huwag kaligtaang kumpletuhin ang lahat ng Daily at Solitaire Missions upang makakuha ng magic boosters at mga bonus.

  • Magic Boosters at Wild Cards

Bukod sa regular na solitaire cards, may special cards din sa larong ito na nagsisilbing magic boosters. Tandaan na ang libreng magic booster cards at wildcards ay bibihira lamang lumitaw. Pwede ka ring gumamit ng special cards kung iyong gugustuhin subalit, kailangan mong magbayad ng coins kapalit nito. Talagang malaking tulong ang mga ito para malampasan ang game levels ngunit kailangan mong maghinay-hinay sa paggamit nito upang hindi maubos kaagad ang iyong coins.

  • Obstacle Cards

Ang gameplay ng solitaire card games ay nagiging boring sa katagalan. Gayunpaman, ang Solitaire: Tripeaks Farm ay hindi isang ordinaryong solitaire game lang. Isa sa mga natatanging feature nito ay ang Obstacle cards. Kung nais mong i-level up at gawing mas challenging ang iyong paglalaro, pwede mong subukan ang feature na ito. Ang ilang halimbawa ng Obstacle Cards sa laro ay Locks, Shells, Stones, Bombs, Volcanoes at marami pa.

Pros at Cons ng Solitaire: TriPeaks Farm

Ang Solitaire: TriPeaks Farm ay highly-rated sa iba’t ibang gaming sites. Maraming positibong feedback ang natanggap nito mula sa mga manlalaro at kritiko. Ang gameplay nito ay simple lang ngunit sobrang nakakahumaling. Hindi rin ito nakakasawa dahil marami itong kakaiba at kapanapanabik na features. Ang tournament mode nito ay nagbibigay ng karagdagang aliw at challenge sa karamihan. Maraming mga paraan para makakuha ng libreng coins sa larong ito. Hindi rin masyadong nakakairita at aksaya sa oras ang panonood ng ads dahil maraming rewards ang pwedeng makuha kapalit nito. Ang game controls ay gumagana ng maayos at ang app ay hindi nagfi-freeze o nagka-crash, hindi katulad sa karamihang card games. Beginner-friendly ang larong ito dahil simple at tamang-tama ang phasing ng tutorial nito kaya’t kahit sino ay madali itong matututunan. Ang graphics at animations na ginamit dito ay maganda at de-kalidad din.

Gayunpaman, hindi naman perpekto ang lahat ng aspeto ng larong ito. Mayroon din itong mga kahinaan at kakulangan. May mga pagkakataong sobrang dalas ng paglabas ng ads. Nakakadismaya ring isipin na masyadong mataas ang kapalit na halaga ng coins para magamit ang boosters. Kapag nakarating ka na sa matataas na game levels, tila nagiging napakahirap manalo nang hindi gumagamit ng mga ito. Dahil dito, maraming manlalaro ang napipilitang gumamit ng in-app purchases o manonood ng napakahabang ads upang makausad sa laro.

Konklusyon

Ang Solitaire: Tripeaks Farm ay nakakuha ng average rating na 4.6 stars mula sa mahigit 100,000 reviews sa Play Store. Sa kabilang banda, ito ay may 4.7-star rating mula sa halos 4,000 reviews sa App Store. Lubos itong inirerekomenda ng Laro Reviews dahil ito ay isa sa mga nangungunang laro sa genre na kinabibilangan nito. Bukod sa pwede rin itong laruin kahit walang internet, karamihan sa mga cons nito ay hindi naman direktang nakakaapekto sa aktwal na gameplay.