My Talking Tom 2 Review

Ang larong My Talking Tom 2 ay gawa ng Slovenian developer na Outfit 7. Ito ay isang laro na bahagi ng Talking Tom & Friends franchise. Ang bersyon na ito ay inilabas noong Nobyembre 3, 2018. Ito ay inilabas kasunod ng My Talking Tom – isa sa mga pinakamatagumpay na virtual pet game. Sa kasalukuyan, ang app nito ay mayroon ng mahigit sa 12 bilyong downloads. Ito ay ang mas malaki at mas pinahusay na bersyon at maraming manlalaro ang naging hook na dito.

Ang My Talking Tom 2 ay isang offline, solo-player, simulation game. Ang mga manlalaro ay gaganap bilang isang tagapag-alaga ng pusang si Tom. Upang mapalaki, kailangang alagaan at ibigay ang lahat ng pangangailangan nito na para bang isang totoong alagang hayop. Kailangan itong pakainin, paliguan para mapanatiling malinis, patulugin, at kausapin paminsan-minsan. Ang mga manlalaro ay magkakaroon din ng dagdag na kasiyahan dahil marami itong mga mini games na pwedeng laruin.

Maaari mong hanapin ang app ng laro sa Play Store at sa App Store. Pindutin lamang ang install button at awtomatikong magsisimula ang iyong pag-download. Sa kabilang banda, kung nais mo itong laruin gamit ang laptop o desktop, maaari mo itong gawin sa dalawang paraan. Una ay ang paghanap sa larong ito sa mga lehitimong gaming sites. Ang pangalawa ay ang pag-download ng app sa iyong computer sa pamamagitan ng isang Android emulator. Maaari mong gamitin ang mga link sa ibaba upang direktang mai-download ang laro:

  • Download My Talking Tom 2 on iOS https://apps.apple.com/ph/app/my-talking-tom-2/id1337578317
  • Download My Talking Tom 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.outfit7.my%20talking%20tom%202%C2%A0
  • Download My Talking Tom 2 on PC https://www.memuplay.com/download-my-talking-tom-on-pc.html

Mga Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro

Kung hindi mo pa naranasang maglaro ng alinman sa mga serye ng Talking Tom & Friends, ang bahaging ito ay makakatulong sa iyo! Ang pagiging pamilyar at pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga tampok at kontrol ng laro ay magbibigay sa iyo ng kalamangan.

Upang mapanatiling malusog at masaya ang iyong birtwal na alagang hayop, dapat mong regular na gawin ang mga aktibidad tulad ng pagpapakain, pagpapaligo, at pagpapatulog. Gayunpaman, hindi mo magagawa ang lahat ng mga ito kung kailan mo lamang nanaisin. May icons sa iyong screen na kumakatawan sa bawat aktibidad. Ang mga ito ay nagpapahiwatig sa kung anong aktibidad ang dapat gawing prayoridad. Halimbawa, kung ang food meter ay bumaba na sa mga pulang level, nangangahulugang kritikal na ito at dapat mong pakainin ang iyong alagang hayop sa lalong madaling panahon. Kailangang pakainin si Tom hanggang sa maging kulay berde ang metro. Bukod sa meter icons, ang iyong alagang hayop ay gagawa rin ng mga kilos na naghuhudyat kung ano ang kailangan nito. Isaalang-alang ang mga senyales dahil hindi mo magagawa ang ibang pang mga aktibidad kapag hindi mo ito binigyang-pansin. Pumunta sa needs section upang magawa ang mga kinakailangang aktibidad. Ang isa pang paraan upang masubaybayan ang iyong alagang hayop at makapag-level up, bigyang-pansin ang damdamin ni Tom. Ito ay ipinapakita sa smiley meter o sa facial expression ni Tom. Maaari ka ring makahanap ng mga karagdagang paraan upang mapasaya si Tom sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball o ng iba’t ibang mga laruan. Maaari mo ring ihagis si Tom sa hangin sa pamamagitan ng pag-swipe pataas sa iyong screen. Gawin ito upang mapataas ang mood level, lalo na kapag nakita mong balisa ang iyong alaga.

Napakahalaga rin ng mga pagkain upang matiyak na palaging nasa mabuting kalagayan si Tom. Kakailanganin mong bumili ng pagkain mula sa pet shop. Pumunta lang sa kusina at i-tap ang plus sign (+) upang ma-access ang market section. Maaari kang bumili ng pagkain dito sa pamamagitan ng paggamit ng in-game coins o sa panonood ng ilang ads. Gayunpaman, kung nais mong magkaroon ng iba’t ibang mga pagkain, maaari kang makakuha ng mga bituin sa pamamagitan ng paglalakbay ni Tom upang makakuha ng mga chest at makaipon ng ilang mga kard. Hanapin ang star card at i-click ito upang makapangalap ng mga bituin. Alalahanin na paminsan-minsan, si Tom ay may pagkamapili sa pagkain. Mas mabuting mag-imbak ng sari-saring mga pagkain upang mabusog ang iyong alaga. Kakailanganin ding magbawas ito kaya tiyaking nasa tamang lebel ang kanyang flush toilet level. Panghuli, bigyang-pansin din ang energy level ng iyong alaga. Si Tom ay magiging mahina at ang kanyang energy bar ay bababa kapag nakaramdam siya ng antok. Patulugin siya sa kanyang kama upang mabawi ang kanyang enerhiya. Tandaan na kailangan ng mahabang oras ng pahinga para maging handa ulit si Tom na gumawa ng iba’t-ibang mga aktibidad. Maaari mong gamitin ang energy potion kung kinakailangan.

Review ng My Talking Tom 2

Ang My Talking Tom 2 ay nakatanggap ng average rating na 4.2 stars mula sa mahigit apat na milyong reviews sa Play Store. Mas mataas ang nakuha nitong average rating (4.4 stars) mula sa mahigit 21,000 reviews sa App Store. Karamihan sa mga manlalaro ay nagsasabing ang bersyong ito ay mas maganda at mas nakakaaliw kumpara sa nauna dahil mas marami itong mini-games. Swak din ito sa mga bata at matatanda dahil madaling maunawaan ang gameplay at mechanics nito.

Related Posts:

League of Stickman – Best action game (Dreamsky) Review

Pascal’s Wager Review

Sa kabilang banda, ang larong ito ay mayroon ding mga kahinaan. Ang madalas na paglabas ng mga patalastas ay nakakapagdulot ng inis sa karamihan ng mga manlalaro. Ang ilan pa sa mga ito ay hindi angkop sa rating nitong 3+. Kinakailangang isaalang-alang ng mga developer na karamihan sa mga players nito ay mga bata. Ang pagpapalabas ng mga patalastas na hindi angkop sa mga ganitong edad ay kailangang pagtuunan ng pansin. Isa pang isyu ng larong ito ay ang matagal na oras na kinakailangan upang muling makapag-recharge si Tom. Kahit na nakakatulong ang paggamit ng energy potion, nagiging magastos din ang palaging paggamit nito.

Konklusyon

Kung ikaw ay isang tagahanga ng serye ng Talking Tom Friends, tiyak na masisiyahan ka sa My Talking Tom 2. Ito ay isang magandang laro lalo na kung mahilig kang mag-aalaga ng mga hayop. Swak din ito sa karamihan dahil maaari itong laruin kahit saan at kahit kailan. Kahit na ito ay isang virtual na laro lamang tungkol sa pag-aalaga ng hayop, nakakatulong ito sa paghubog ng isang responsableng tagapag-alaga o pet owner.

Laro Reviews