Ang larong ito ay isang puzzle mystery na may iba’t ibang senaryo. Ang iyong role sa laro ay maging isang private investigator at kailangan mong hanapin ang mga taong pinahahanap sa iyo sa pamamagitan ng phone na kanilang naiwan. Kung interesado ka sa mystery games, tiyak na magugustuhan mo ang larong ito. Halika at alamin natin ang mga tampok nitong laro rito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews.
Mga Tampok ng Laro
Ang Peek a Phone Detective Mystery ay isang online na larong ginawa ng FaintLines, Inc. Napakasimple lamang nitong laruin, kailangan mo lang lutasin ang mga misteryo ng mga stage sa pamamagitan ng paghahanap ng clue gamit ang phone. Lahat ng senaryo ng mga stage ay konektado sa phone at ang mga application na naka-install rito. Narito ang ilan sa mga pangunahing tampok nitong laro.
Realistic feature – Ang konsepto nitong laro ay investigation sa pamamagitan ng paghahanap ng mga clue sa phone. Napaka-realistic ng disenyo ng laro dahil kapag pumasok ka sa isang stage, ang makikita mo ay isang home screen na katulad ng sa isang tunay na phone. Mayroon kang makikitang home button, application icons, at back button. Ang lahat ng apps na iyong makikita sa laro ay fully functional. Ibig sabihin, pwede mong gamitin ang mga app na ito kapag nahulaan mo ang passwords. Mayroon din itong Battery life na unti-unting nauubos habang naglalaro ka, tulad ng sa tunay na phone. Ang battery life ay maihahalintulad sa energy system ng ibang laro. Ibig sabihin, kapag naubos ang iyong battery life, pansamantalang hindi ka makapaglalaro at kailangan mong maghitay ng ilang oras upang ma-recharge ang iyong battery at makapaglarong muli.
Challenging gameplay – Ang bawat stage ay natatangi at talagang mapanghamon. Iba’t ibang stories at task ang maaari mong gawin sa larong ito.
Create your own scene – Kapag natapos mo na ang lahat ng mga stage, maaari kang gumawa ng sarili mong senaryo at maaari mo itong i-share sa iyong mga kaibigan.
Paano i-download ang Peek a Phone Detective Mystery?
Hindi mo na kailangang gumawa ng login accounts upang makapagsimulang maglaro nito, ngunit kung gusto mong gumawa ng sarili mong senaryo, kailangan mong i-bind ang iyong Gmail o Facebook account. Para mai-download ito sa Android, buksan ang iyong Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos ay i-click ang Install button. Sa kasamaang palad, wala pa itong iOS version, ngunit pwede mo naman itong i-download sa PC mula sa http://appsonwindows.com. Para sa mas mabilis na pag-access maaaring i-click ang mga link sa ibaba.
Download Peek a Phone Detective Mystery on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.peekaphone.app
Download Peek a Phone Detective Mystery on PC https://appsonwindows.com/apk/8115301/
Tips at Tricks para sa mga Baguhan
Kung hindi ka pamilyar sa mga puzzle game na tulad nito, huwag kang mag-alala dahil tutulungan ka ng Laro Reviews upang mas madali mong mapagtagumpayan ang mga stage. Narito ang mga tip at tricks na ibabahagi sa inyo ng Laro Reviews, at sana ay makatulong ang mga ito.
Ugaliin ang pagbabasa dahil bago magsimula ang stage, mayroong description ng senaryo. Kailangan mo itong basahin upang magkaroon ka ng ideya kung ano at paano mo hahanapin ang mga clue. Halimbawa, kung ang isang senaryo ay nangangailangang mahanap ang address ng isang tao, ibig sabihin ay dapat kang maghanap ng mga clue na tumutukoy at tumatalakay sa address tulad ng browsing history sa internet, emails o texts messages, at pin locations. Tandaang sa paghahanap ng clue ay kailangan mong maging resourceful at creative dahil napakamapanlinlang nitong laro, ang inaakala mong walang koneksyon sa senaryo ay maaaring maging pinakamahalagang clue. Tiyaking nasuri nang maigi ang mga app sa phone. Mayroong mga app tulad ng photo at ibang apps na mayroong password at kapag nakita mo ang nasabing app, subukang hanapin sa phone ang password nito dahil malaki ang tyansang mayroong mahahalagang clue rito. Sa kabuuan ng tips at tricks, kailangan mo lang talasan ang iyong intuitive skills.
Kalamangan at Kahinaan
Kung ikaw ay isang masugid na tagahanga ng mga puzzle game, tiyak na hindi ka mabibitin sa larong ito. Pagdating naman sa gameplay, mapanghamon ang mga ito ngunit hindi naman gaanong mahirap ipasa. Balanse lamang ang gameplay na tiyak na hindi ka mababagot sa mahabang oras ng paglalaro. Isang magandang bagay pa sa laro ay ang graphics nito. Ang graphics design nito ay hango sa isang tunay na graphic design ng mobile phone. Ibig sabihin, lahat ng apps na iyong makikita ay fully functional at mayroon ding mga passwords feature ang ibang mga app tulad ng photos at emails na nagdadagdag ng realistic vibe sa laro. Maganda rin ang pagkakasulat ng mga istorya sa bawat stage. Natatangi ang istorya ng bawat stage na tiyak na kikiliti sa iyong malikot na imahinasyon.
Kung mayroon man akong hindi nagustuhan sa larong ito, ito ay ang battery percentage feature nito o mas kilala sa tawag na energy system feature. Dahil sa tampok na ito, nagkakaroon ng limit ang oras ng iyong paglalaro na kung minsan ay sanhi ng pagkabitin at kalaunan ay pagkabagot. Napakatagal ng recharge time ng battery pero pwede mo naman itong pabilisin ng hanggang 20% sa pamamagitan ng panonood ng ads ngunit hanggang tatlong beses ka lang pwedeng manood ng ads.
Konklusyon
Sa kabuuan, ang laro ay mayroong star rating na 4.9 sa Google Play Store. Siguradong maaaliw ang mga manlalarong mahilig sa mystery at puzzle games dito dahil sa kakaibang gameplay at graphics design nito na halos kahawig sa tunay na graphics ng phone. Para sa akin, malaki ang potensyal nitong laro lalo na ang customize feature nito. Gayundin, mas mainam kung mayroon din itong friend list system na magbibigay sa’yo ng kalayaang makipagkumpitensya sa iyong mga kaibigan. Kaya kung tagahanga ka rin ng ganitong uri ng laro, i-download na ang Peek a Phone Detective Mystery ngayon!