Empire Takeover Review

Isang larong may makabagong gameplay ang iyong matutunghayan dito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews. Kung gusto mo ng nakakaaliw na larong pwedeng laruin online at offline, ito na ang hinahanap mo. Mayroong itong makabagong gameplay na tiyak na bibihag ng pihikan mong panlasa sa laro. Kaya kung interesado ka, halika at alamin natin ang mga tampok nitong laro.

Mga Tampok ng Laro

Ang Empire Takeover ay isang online at offline na larong ginawa ng SkyDragon Games. Mayroong itong 3D na graphics na may lowpoly na art style. Ngayon, talakayin natin ang tatlong modes ng laro.

Stage Maker Mode – Kung gusto mong pakawalan ang iyong wild imagination, tiyak na magugustuhan mo ang mode na ito. Maaari kang gumawa ng sariling disenyo ng mga level at ibahagi sa iyong mga kaibigan o sa ibang manlalaro sa buong mundo.

Peace Mode – Kung sa tingin mo ay hindi mo pa kayang makipaglaban sa ibang manlalaro, ito ang mode na para sa’yo. Dito ay maaari kang sumalakay ng mga kaharian ngunit hindi mo pwedeng salakayin ang kaharian ng mga manlalaro (non-player character lang ang pwedeng mong salakayin). Kapag sinalakay mo ang kaharian ng isang manlalaro, mawawalan ng bisa ang iyong peace protection at maaari kang salakayin ng ibang manlalaro.

Offline Mode – Kung nababagot ka na dahil wala kang internet connection, ang mode na ito ang aaliw sa iyo. Sa mode na ito, maaari ka pa ring makipagdigmaan (sa mga NPC) at makakakuha ka rin ng mga reward, ngunit hindi mare-record ang iyong mga achievement sa offline mode. Ibig sabihin, walang ranking sa mode na ito.

Ito ay may dalawang uri ng gameplays. Una ay ang building conquest at pangalawa ay ang kingdom conquer. Ang dalawang gameplay ay magkaugnay. Upang makapag-produce ng mga sundalo, kailangan mong makakuha ng resources sa pamamagitan ng paglalaro ng building conquest at habang dumarami ang iyong natatalo ay mas lumalaki ang area ng iyong kaharian at ang iyong mga building. Madali lang laruin itong mga gameplay. Upang manalo sa building conquest, kailangan mong maunahan ang kalaban sa pagsakop ng mga building sa pamamagitan ng pagkoconnect ng iyong building sa mga building na walang laman o mga building ng kalaban. Kapag nakaipon ka na ng sapat na resources mula sa building conquest, maaari mo nang simulan ang pagte-train ng mga sundalo at manakop ng ibang kaharian.

Paano i-download ang Empire Takeover?

Hindi mo na kailangang gumawa ng login account upang makapagsimulang maglaro, ngunit kung iba-bind mo ang iyong gmail account, maaari kang makakuha ng reward. Upang i-download ito sa Android, buksan ang iyong Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos ay i-click ang Install button. Parehong proseso lamang para sa iOS ngunit sa halip na Google Play Store, maaari mo itong i-download mula sa App Store. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Empire Takeover on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=skydragon.ylempire

Download Empire Takeover on iOS https://apps.apple.com/au/app/empire-takeover/id1584093266

Download Empire Takeover on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/empire-takeover-on-pc.html

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Dahil sa dalawang uri ng gameplay ng laro, malamang ay mahihirapan ka o malilito kung ano ang dapat mong unahing paunlarin. Ngunit huwag kang mag-alala dahil tutulungan ka ng Laro Reviews upang maging smooth ang iyong gaming experience.

Building conquest – Ang mode na ito ay mapanlinlang dahil aakalain mong madali lang ang lahat ng levels ngunit ang katotohanan ay hindi. Maraming mga bagay ang maaaring maging hadlang upang maipasa mo ang mga level tulad ng mga harang, bilang ng kaaway, starting level ng iyong building at starting level ng kaaway. Upang malampasan itong mga hamon, kailangan mong ituon ang iyong buong lakas sa building na pinakamahina. Halimbawa, mayroon kang dalawang kaaway, hintayin mo muna kung ano ang magiging galaw nila, pagkatapos ay atakehin mo ang building na may pinakamahinang depensa.

Sa pamamagitan nito, masisiguro mong mayroon kang masasakop na building at kapag naging dominante ka na ay pwede mo nang atakihin nang direkta ang iyong kaaway. Kapag naipasa mo ito, makakatanggap ka ng reward na magagamit mo upang i-upgrade ang mga building ng iyong kaharian o mag-train ng mga sundalo para sa kingdom conquer.

Kingdom Conquer – Ang gameplay nito ay ibang-iba sa Building Conquest. Walang building na kailangan i-connect o sakupin. Ang gameplay na ito ay kahalintulad ng larong Rise of the kingdom. Sa umpisa ng laro, magkakaroon ka ng protection shield na magbibigay sa iyo ng proteksyon upang hindi ka atakehin. Samakatuwid hindi ka maaaring atakihin ng ibang manlalaro at hindi ka rin maaaring umatake dahil kapag ginawa mo ito, mababawasan ang oras ng iyong protection shield. Mainam na samantalahin ang panahon habang mayroon ka pang shield upang makapagparami ng sundalo at makapag-ipon ng maraming resources.

Kalamangan at Kahinaan

Sa kasalukuyan, ang larong ito ay may bagong update na tiyak na nagpapaganda pa lalo sa laro. Mas mataas na kaysa dati ang rewards na makukuha kaya mas mabilis na rin ang pagpapa-unlad ng iyong kaharian. Mas mainam na rin ang iyong gaming experience dahil sa mas pinalawig na map at mas marami na player sa bawat server. Naayos na rin ang mga bug at lags nito kaya asahan ang mas magandang laro. Kung mahilig kang makihalubilo online, marahil ay kahihiligan mo rin ito dahil mayroon itong guild system at sa system na ito, maaari kang lumahok sa guild wars at raid kasama ang iyong mga kaibigan online. Ito rin ang tamang lugar kung saan makakatagpo ka ng mga bagong kaibigan sa ibang bansa kaya siguradong hindi nakakabagot itong laro. Napakaganda rin ng konsepto ng laro. Dahil mayroong itong dalawang gameplays, maaari kang magpalit ng lalaruing mode kung sakaling magsawa ka sa iisang uri ng mode. Ang problema sa laro, para sa akin, ay paulit-ulit na lang ang mga quest at napakatagal ng upgrade time ng mga building. Dahil sa mekaniks ng larong ito, hindi ka maaaring pumasok sa isang level kung hindi pa tapos ang pag-a-upgrade ng building, kailangan mo pang maghintay ng napakatagal na oras bago ka makapaglarong muli. Tumatagal ang upgrading time nang hanggang dalawang araw. Ngunit, ang laro ay nasa beta stage pa lamang at tiyak na mapapansin ng mga developer ang mga nasabing kapintasan ng laro at siguradong maaayos nila ito sa lalong madaling panahon.

Konklusyon

Sa kabuuan, itong laro ay nakatanggap ng star rating na 4.7 sa Google Play Store at 4.8 naman sa App Store. Bagama’t mayroong itong kapintasang nakakaapekto sa laro, napakaganda naman itong laruin offline kaya kahit mayroong itong mga panibagong bug at lags ay tinatangkilik pa rin ito ng mga manlalaro. Kaya kung naghahanap ka ng bagong kagigiliwang larong offline, i-download na ang Empire Takeover ngayon!