Epic Heroes War – Premium Review

Subukan ang larong tatalakayin ng Laro Reviews sa article na ito kung hilig mo ang real-time strategy game. Hindi lamang ito, para rin ito sa mga tagahanga ng mga online side-scroller defense at role-playing game (RPG). Patuloy na basahin ito para malaman ang tungkol rito.

Tulad ng nabanggit, ang Epic Heroes War – Premium ay kumbinasyon ng iba’t ibang game genres tulad ng real-time strategy, online side-scroller defense, at RPG. Ito ay ginawa ng game developer na DIVMOB. Sa larong ito, tungkulin ng manlalarong bumuo ng malakas na army. Layunin nitong talunin at patayin ang mga kalaban sa quests at battles. Ipakita ang husay sa paglalaro na kalaban ang ibang mga manlalaro!

Features ng Epic Heroes War – Premium

Numerous Campaign Levels – Mamili kung alin sa mga sumusunod na campaign levels ang nais mong laruin. Ang Campaign ang una mong lalaruin dito. Binubuo ito ng maraming levels mula sa iba’t ibang lugar tulad ng Neith’s Battle, Shadow Ranger’s Battle, Athena’s Battle, at iba pa. Pagdating sa Boss Party, Online, at Domination, kailangangan munang manalo sa Campaign Gaia Heart – Level 15 para ma-unlock ito. Ang Hell Dungeon, Super Bosses, at Nations War naman ay maa-unlock lamang kapag naipanalo ang Campaign Heaven – Level 10.

Epic Heroes War - Premium Review

Countless Characters – Napakaraming heroes ang makikita mo sa listahan. Ipagpatuloy ang paglalaro upang ma-unlock ang mga ito. Mayroong natatanging skill ang bawat isa sa kanila. Siguraduhing palakasin ang skills ng iyong heroes para manalo ito sa lahat ng pagkakataon.

Guild System – Sumali ng guild at makipagsapalaran sa guild wars kasama sila. Makakatulong din ang pagiging kabilang sa isang guild pagdating sa iyong magiging progress sa laro

Saan Pwedeng I-download ang Epic Heroes War – Premium?

Sa bahaging ito ng article, ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Epic Heroes War – Premium. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android devices. Kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa iOS at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pagda-download.

Kailangan munang magbayad ng halagang ₱15 para mai-download ito. Mag-add ng payment method sa iyong Google account para makumpleto ang iyong purchase. Nakasaad sa Google Play Store na ang Google lamang ang tanging makakakita ng iyong payment information. Mayroon kang apat na pagpipilian dito: credit o debit card, Globe Telecom billing, GCash, o PayPal.

Pagkatapos mong makapagbayad, tuluyan mo nang maida-download ang laro. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Ayan, pwede mo nang simulan ang paglalaro pagkatapos nito!

Epic Heroes War - Premium Review

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Epic Heroes War – Premium on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.divmob.epicheroeswar.en.freemium

Tips at Tricks sa Paglalaro

Madali lang ang controls ng laro kaya hindi ka na mahihirapang matutunan ito sa umpisa. I-click at i-drag ang dalawang buttons sa kaliwang ibabang bahagi ng screen. Sa pamamagitan nito, pwede mong pagalawin ang hero papunta sa kanan o kaliwa. Bukod pa rito, may opsyon kang i-click ang screen para kusang papuntahin ang karakter sa kaliwa o kanang direksyon.

Dahil isa itong battle, ang layunin mo ay talunin ang iyong kalaban. Para magawa mo ito, kailangan mong matutunan kung paano gamitin ang skill ng iyong hero. I-tap alinman sa apat na icons na matatagpuan sa kanang ibabang bahagi ng screen upang magamit ang skill. Tandaan na sa bawat paggamit ng skill, kailangan muna nito ng mana na katumbas sa numerong nakalagay sa icon nito. Halimbawa, ang kabuuang bilang ng mana mo ay 60, samantalang ang skill na iyong pipiliin ay nangangailangan ng 25 mana. Pagkatapos mong i-click ang partikular na skill na iyon, magiging 35 na lamang ang matitira rito sapagkat nabawasan ito batay sa halaga ng mana ng skill na iyong ginamit. Bukod pa rito, kailangan ding mag-cool down ang bawat skill pagkatapos mo itong gamitin. Halimbawa, ang skill na iyong ginamit ay mayroong cooldown ng 10 segundo, ibig sabihin ay hindi mo pa ito magagamit agad sa loob ng cooldown time nito.

Mainam ding gamitin ang feature ng laro kung saan maaari mong i-generate ang iyong units. Matatagpuan ito sa ibaba ng screen, katabi ng key controls. Kailangan lang i-tap ang icon nito para mai-generate ang iyong units. Gayunpaman, kailangan din nitong gumastos ng food. Tulad ng skills, mayroon din itong cooldown kaya kung ang unit na pinili mo ay may cooldown na 2.5 na segundo, kailangan mo munang maghintay na matapos ito para muli itong magamit.

Epic Heroes War - Premium Review

Huwag kalimutang i-upgrade ang skills ng iyong hero. Kailangan mong gumastos ng coins para magawa ito. Mapapansin mo ring mas nagiging malaki ang coins na kakailanganin mo sa pag-a-upgrade sa tuwing tumataas ang level ng iyong hero. Importanteng ma-upgrade ito para lalong lumakas ang iyong hero kasama ng pagtaas ng stats nito. Binubuo ito ng Health, Damage, Armor, Speed, at Mana. Makikita mo rin dito ang susunod na magiging stats kapag in-upgrade mong muli ang karakter. Bukod pa rito, makikita mo lahat ng skills ng iyong hero. Maaari mo itong i-click upang makita kung alin sa mga ito ang pinakamalakas at iyon ang iyong ia-upgrade. Nakasaad dito ang maiksing deskripsyon ng skill pati na rin ang stats tulad ng Damage, Critical Chance, at Mana Cost. Kung nais mong mas maging malakas ang iyong hero kumpara sa iba, tandaang i-upgrade ito palagi.

Pros at Cons ng Epic Heroes War – Premium

Makokonsiderang balanse ang larong ito, magmula sa maayos na graphics at nakaka-enganyong game modes nito. Isa rin sa pinupuri ng ilan ang magandang art style ng legendary heroes at gods sa laro. Marami ang nagpapatunay na nakakaadik ang laro. Kaya naman tamang-tama ito sa mga manlalarong nais na magpalipas ng oras.

Nakakaranas ng bugs ang mga manlalaro rito kung saan nagka-crash ang laro nang sunud-sunod at kapag binubuksan ito. Mayroon ding delay sa sounds nito. Bukod pa rito, may pagkakataong naii-stuck sa arena ang karakter na nasa level 40 at hindi rin ito makalipat sa iba. May mga kaso rin kung saan bigla na lamang nawawala ang kanilang account sa laro kahit na ilang taon na ang nakalipas simula noong nag-umpisa sila sa paglalaro. Nagkaroon ang iba ng problema rito dahil sa napakatagal ng kanilang paghihintay para mai-load ang laro. Lumalabas lang din sa screen na hindi ito maka-connect sa server kahit wala namang problema sa internet connection.

Kahit na maganda ang gameplay, napangingibabawan ito ng dismaya sa pagkakaroon ng maraming ads. Bigla na lamang itong lumalabas sa screen kahit na nagbayad sila ng aktwal na pera para maging premium sa laro. Dagdag pa rito, dahil sa Android devices lamang ito available sa kasalukuyan, mairerekomenda ko sa game developers na gawan ito ng ibang bersyon para makapaglaro rin nito ang iOS at PC users.

Konklusyon

Kung pumasa sa iyong interes ang Epic Heroes War – Premium, magandang bigyan ito ng pagkakataon para iyong subukan. Tamang-tama itong laruin ng mga mahihilig sa real-time strategy game na online side-scroller defense at sinamahan ng elemento ng RPG. Napakarami mong pwedeng ma-explore sa laro kaya hindi ka kaagad maiinip. Gayunpaman, limitado nga lang ang mga manlalarong makakapag-download nito sapagkat kasalukuyang available lamang ito sa Android devices. Bukod pa rito, maging handa rin sa mga posibleng isyung kakaharapin tulad ng mga nabanggit sa cons section ng article.