Cubes Empire Champions Review

Naghahanap ka ba ng nakakaadik ngunit may simpleng mechanics na laro? Ang Cubes Empire Champions ay isang puzzle game na nilikha ng Ilyon. Sa larong ito, kailangan mong i-tap ang dalawa o higit pang magkakasamang blocks. Limitado lamang ang iyong moves sa bawat level at nag-iiba rin ang layuning kailangan sundin. Ang kaibahan lamang nito sa ibang mga larong may similar na gameplay ay hindi na maaaring balikan ang mga natapos ng level. Nangangahulugan lamang na kung isang star lamang ang nakuha sa nakaraang level ay hindi na pwedeng laruin itong muli para makabawi. Kaya kailangan talagang ibigay ang lahat ng makakaya sa bawat level upang makakuha ng tatlong stars. May boosters ding makakatulong sa iyo para magawa ito.

Features ng Cubes Empire Champions

Card Collections – Maa-unlock lamang ang feature na ito kapag nalampasan mo ang Level 35. Makakakolekta ka ng cards na iba’t ibang disenyo at makakakuha ng awards oras na makakumpleto ka ng isang set.

Teams – Maaaring bumuo ng sariling team o kaya naman ay sumali sa team ng ibang manlalaro. Makipaglaro kasama ng ibang manlalaro mula sa ibang parte ng daigdig. Makakakuha rin ng rewards gaya ng libreng buhay at coins. Maaari ding makipaglaro kasama ang ibang mga miyembro at makipagpalitan ng cards.

Chat System – Bukod sa pakikipaglaro, may feature din para makipag-usap sa iyong mga kasamahan. Gamit ito, maaaring bumuo ng estratehiya kasama ng ibang miyembro ng guild.

Gameplay ng Cubes Empire Champions

Straightforward ang mechanics ng Cubes Empire Champions. Kailangan lamang pagsama-samahin ang blocks na may iisang kulay. Ang pinakamababang bilang para magrupo ang mga ito ay dalawa. Kapag mas marami ang napagsama-samang mga block, makakatanggap ng dagdag bonus effect. Nakalagay sa itaas na bahagi ng playing board ang iyong layunin sa kada level. Maaaring kailangan magrupo ang ilang partikular na kulay ng block o kaya naman ay matulungang makababa ang raccoon. Paiba-iba ito kada level kaya tiyaking tingnan muna ito bago tumira. Nakalagay rin ang bilang ng moves na maaaring gawin. Matutukoy mo rin kung ilang stars na ang nakuha dahil kahilera din ito ng iyong goal at moves na available.

Sa bawat pagtatambal na iyong nagawa, may karagdagang charge ito sa iyong Energy Ball. Ito ang kulay bughaw na makikita sa ibabang parte ng iyong playing board. Matatagpuan din dito ang boosters na mayroon ka. May coins na makukuha sa tuwing mapagtatagumpayan ang mga level. May dagdag bonus points ding matatanggap kung nakakuha ng tatlong stars sa unang pagkakataong sinubukang tapusin ito. Tandaang hindi maaaring balikan ang mga nakaraang level oras na ito ay iyong natapos. Makikita naman ang pusong icon sa iyong home screen. Ito ang tutukoy kung ilang lives ang mayroon ka. Ginagamitan ng isang puso kapag nag-quit ka sa kalagitnaan ng paglalaro. 30 minuto ang kailangan para ma-refill mula ang iyong nawalang life.

Saan pwedeng idownload ang Cubes Empire Champions?

Para mai-download ang Cubes Empire Champions sa iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay ang pamagat nito sa search bar at hanapin ang laro sa search results. Pindutin ang Get o Install button. Free-to-play (F2P) ang laro kaya direkta itong maida-download dahil walang kailangang bayaran dito. Pagkatapos makumpleto ang pag-download, kumpletuhin lang ang mga kailangan sa sign-up details. Ayan, maaari mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Cubes Empire Champions on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.champion.cubes

Download Cubes Empire Champions on iOS https://apps.apple.com/us/app/cubes-empire-champions/id1535463389?msclkid=2010ac01b64211ec972b06a0a9d9963d

Download Cubes Empire Champions on PC https://napkforpc.com/apk/com.champion.cubes/

Tips at Tricks sa Paglalaro

Dahil hindi na maaaring balikan ang mga natapos na level sa Cubes Empire Champions, narito ang Laro Reviews para tulungan ka kung paano ima-maximize ang iyong gaming experience.

Sa umpisa pa lamang ay mahalagang tingnan kung ano ang layunin ng bawat level. Siguraduhin muna ito bago planuhin ang susunod na hakbang. Kung iyong mapapansin, nag-iiba ang icon na nakaukit sa mga block kapag marami itong nagkukumpulan. Halimbawa, makikita ang rocket na icon kung may limang blocks na magkakadikit at iisa ang kanilang kulay. Maging ang paraan ng pagpindot ay mahalaga ring bigyang-pansin dahil dito nagmumula ang lugar na pag-uusbungan ng effect. Ang isang effect na aking tinutukoy ay ang Rocket na kung saan kaya nitong mabutas ang pahaba o pahigang kahilera ng blocks, depende sa direksyon ng kanyang arrow. Sa tuwing tumitira ka ay nag-iiba ang direksyon nito kaya tiyaking nakalinya ito sa iyong plano.

Kung maaari din ay pababain ang bilang ng moves kada level sa pag-abot ng layunin. Mas mataas ang makukuhang stars at coins sa tuwing marami pang matitirang moves. Ang bilang ng iyong natirang moves ay magko-convert sa Rocket Bombs na magdudulot ng mas malaking puntos. Bantayan ang Energy Ball kung ito ay puno na para magamit sa iyong kapakinabangan. Bukod pa rito, may mga booster ding magagamit sa tuwing oras ng pangangailangan. May mga libreng ibinibigay ang laro kung ayaw mong bumili ng bundles sa shop. Kaya tiyaking gamitin lamang ito kapag mataas na ang iyong level para hindi masira ang winning streak.

Pros at Cons ng Cubes Empire Champions

Matingkad at makulay ang kabuuang visual ng Cubes Empire Champions. Nilangkapan pa ng background music na nakakadagdag sa kasiglahan na nararamdaman habang naglalaro. Swak ang ganitong tema sa lahat ng edad – bata man o matanda. Dahil madaling maintindihan ang mechanics ng laro, makatutulong ito para mahasa ang isipan lalo na ng mga batang manlalaro. Maaaring gamitin ang larong ito bilang isang porma ng pagsasanay sa pagtukoy ng iba’t ibang kulay at pagbuo ng estratehiya. Gayunpaman, kagaya ng ibang mobile games, kailangan ng patnubay lagi ng nakatatanda para limitahan at gabayan ang kanilang paggamit. Bukod pa sa mga nabanggit, wala rin masyadong ads ang makikita kaya magiging swabe ang iyong gaming experience.

Sa kabilang banda, nabanggit ng Laro Reviews na itinuturing na positibong aspeto ang pagkakaroon nito ng simpleng gameplay, subalit ayon sa ibang manlalaro, nawawala na raw ang hamon dahil madali pa rin matapos maging ang mga matataas na level. Dagdag pa rito, may isyu rin sa pag-connect sa Facebook at pag-login. Nakakaranas din ng pagha-hang ang app kapag nasa humigit kumulang 150 na level.

Konklusyon

Tunay ngang nakakaadik laruin ang Cubes Empire Champions dahil sa simple at madali nitong maintindihang gameplay. Kaya anuman ang iyong edad ay swak na swak itong laruin. May feature din ang laro na kung saan maaaring makipaglaro sa ibang mga manlalaro saan mang bahagi ng daigdig. Pagaganahin din nito ang iyong pagiging competitive dahil may leaderboard ito para matukoy kung sino ang mga magagaling na manlalaro. Nakatanggap ito ng 4.5 average star rating sa Google Play Store at 4.6 average star rating naman sa App Store kaya masasabing patok ito. Gayunpaman, may mga teknikal na isyung nararanasan ang ibang manlalaro at mainam kung aayusin ito ng game developer para mas lalong maging swabe ang gaming experience ng mga manlalaro. Kaya ano pang hinihintay mo? I-download na ang Cubes Empire Champions!