Nasubukan mo na bang magmaneho ng kotse sa isang racetrack? Kung hindi pa ay tara na’t subukan natin ang isang ito! Ang Beach Buggy Racing 2 ay opisyal ng malalaro at mada-download mula sa mga leading app store. Ito ay isang free-to-play na 3D kart racing game na may madadaling kontrol, nakakatuwang gameplay, at mga nakakamanghang visual. Mayroong itong napakahusay na feature na nakakatulong sa iyong maranasan ang pagmamaneho gamit ang iyong mobile device. Handa ka na bang i-customize ang iyong sasakyan? Halina’t mangolekta ng tiger stripes, polka dots, at skull decal sets. Gawin itong pinakaastig na kotse at manalo sa isang laban sa karera!
Ano ang layunin ng laro?
Ang layunin ng laro ay simple lamang. Bilang isang racer, ang iyong layunin ay maging isa sa tatlong racers na nakatapos sa karera. Sa totoo lang, umabot ka man sa ikatlong ranggo o hindi, makakakuha ka pa rin ng mga gantimpala. Gayunpaman, kung gusto mong makakuha ng mas magagandang premyo at makatanggap ng mga prize crate, kailangan mong maabot ang unang pwesto sa rankings. Siyempre, ang karera ay hindi magiging kasindali ng iyong iniisip. Magkakaroon ng mga hadlang na magpapabagal sa iyo. Kung hindi ka magiging maingat sa pagmamaneho, maaari kang matalo sa karera at maging huli sa rankings. Samakatuwid, mag-ingat at lampasan ang lahat ng mga balakid sa kalsada!
Paano ito laruin?
Sa artikulong ito, ang Laro Reviews ay magbibigay sa iyo ng maikling impormasyon tungkol sa mekaniks ng laro. Sa totoo lang, ito ay pangkaraniwan lamang at isang simpleng laro ng karera, ngunit naglagay sila ng ilang mga twist upang panatilihin kang interesado sa paglalaro nito. Magsisimula ka sa isang maikling tutorial at sasalubungin ng isang karakter na magtuturo sa iyo kung paano magmaneho ng sasakyan at gumamit ng iba pang feature ng laro. Mayroon kang dalawang pagpipilian kung paano mo gustong kontrolin ang iyong sasakyan. May opsyon kang gamitin ang Tilt Steering o Touch Steering. Siyempre, inirerekomenda namin ang Touch Steering dahil ito ang nakasanayan ng karamihan sa mga manlalaro, o sabihin nating ito ang pamantayan.
Ang tanging kontrol ay steering at braking. Makikipagkumpitensya ka sa iba’t ibang karerahan, kaya ang pagiging pamilyar sa lugar ay magbibigay sa iyo ng kalamangan sa iba pang mga manlalaro. Ang pagko-customize ng sarili mong sasakyan ay posible rito. Gawin itong isa sa mga pinakaastig na racing car sa pamamagitan ng pagdidisenyo nito sa paraang gusto mo. Ang mga power-up ay maaari ring makatulong sa iyong maglaro nang mas mahusay, at maaari mo ring dagdagan ang lakas ng iyong sasakyan. Bawat karera mo ay makakakuha ka ng mga coin at mga puntos ng karanasan.
Paano i-download ang laro?
Ang mga kinakailangan para matagumpay na mai-download ang Beach Buggy Racing 2 sa Android devices ay dapat Android 5.0 o mas mataas pang bersyon ang gamit. Para sa iOS users naman, makukuha ito gamit ang iPhone 6s o mas mataas na iOS sa 12.0. Ang makukuhang space ng app para sa Android ay 178 MB at 180.8 MB naman para sa iOS.
Maaari ring i-click ang mga link sa ibaba upang mag-download:
Download Beach Buggy Racing 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.vectorunit.cobalt.googleplay
Download Beach Buggy Racing 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/beach-buggy-racing-2/id1399253988
Download Beach Buggy Racing 2 on PC https://www.ldplayer.net/games/beach-buggy-racing-2-on-pc.html
Hakbang sa Paggawa ng Account sa Beach Buggy Racing 2
- Hanapin ang anumang app store na makikita sa inyong mga device.
- Hanapin ang bersyon ng Beach Buggy Racing 2, pagkatapos ay i-download at i-install ito.
- Buksan ang app at i-connect ito sa iyong Google Play account.
- Ang data ng laro ay maiingatan o masi-save kung ili-link mo ito sa isang account.
- Maaari mo na ngayong umpisahan ang paglalaro ng Beach Buggy Racing 2!
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Beach Buggy Racing 2
Nahuhumaling ka na ba ngayon at gusto mo pang maging mas mahusay sa karera? Kung gayon, ang Laro Reviews ay narito upang bigyan ka ng ilang mga kapakipakinabang na tips. Isaisip lamang ito, at magagawa mong maging isa sa mga pinakamahuhusay na racer sa mundo! Ang mga sumusunod ay ilang magagandang tips:
- Una ay dapat kang mag-ingat habang nakikipagkarera. Sa una, hindi ka pa pamilyar sa mga track ng karera. Magkakaroon ng mga hadlang, kurba, at iba pang mga kadahilanang magpapabagal sa iyo.
- Gaya ng sinabi namin kanina, mas mabuting piliin ang Touch Steering kaysa sa Tilt Steering controls, lalo na kung baguhan ka.
- Kumuha ng mga power-up. Magkakaroon ng power-ups sa kalsada, at mayroon kang dalawang slots para sa power-ups. Gamitin ang mga ito nang matalino.
- Pagbutihin ang lakas ng mga power-up. Oo, maaari mong i-upgrade ang mga ito gamit ang mga coin na makukuha mo. Makakatulong ito sa iyong magkaroon din ng mas maraming karanasan.
- Iwasan ang lahat ng mga hadlang o bagay na magdudulot sa iyo ng disgrasya. Ang karera ay hindi kasindali ng iyong iniisip. Magkakaroon ng mga hadlang na dapat mong malampasan. Mag-ingat ka!
Pros at Cons sa Paglalaro ng Beach Buggy Racing 2
Talagang kawili-wiling magkaroon ng isang racing game na may madadaling kontrol, magkakaibang mga racetrack, at mahusay na gameplay. Ang lahat ng ito ay kasama sa larong ito. Dito, tatalakayin natin ang mga kalamangan at kahinaan ng laro at kung ano ang aasahan mula rito. Pagdating sa mga positibong aspeto nito, marami ang kaya naming mabanggit. Nag-aalok ito ng madadaling gamitin na kontrol, at hindi lamang yan, mayroon ka ring opsyong pumili sa pagitan ng Tilt Steering o Touch Steering. Siyempre, irerekomenda naming piliin mo ang Touch Steering dahil ito ay karaniwan. Gayunpaman, kung gusto mong hamunin ang iyong sarili, maaari mo ring piliin ang isa pang opsyon.
Ang pag-customize ng iyong sariling sasakyan ay ganap na posible rito! Maaari mong pagandahin ito sa paraang gusto mo. Mangolekta ng tiger stripes, polka dots, at skull decal sets na maaaring magpaganda ng iyong sasakyan. Maaari ka ring makipagkumpitensya laban sa iba pang online na manlalaro mula sa buong mundo. Sa ganitong paraan, magagawa mong makipag-ugnayan sa iba pang mga manlalaro at masubukan din ang iyong mga kasanayan. Ang laro ay isa ring free-to-play na application at maaaring i-download ng mga gumagamit ng Android, iOS, at PC.
Pagdating naman sa cons ng laro, ayon sa mga karanasan ng iba pang mga manlalaro, tila ang laro ay parang pay-to-win. May mga sasakyang mabibili mo lamang gamit ang totoong pera, at lahat ng mga ito ay may mahusay na istatistika. Bukod dito, hindi rin patas ang matchmaking ng laro. Minsan, makikipaglaban ka sa mga manlalarong may mas mataas na level kaysa sa iyo, na ginagawang hindi patas ang karera para sa lahat. Dapat imbestigahan ng mga developer ang mga isyung ito at lutasin ang mga ito sa lalong madaling panahon upang makapagbigay ng patas na sistema para sa lahat ng manlalaro.
Konklusyon
Panghuli, ang laro ay tiyak na nakakahumaling at nakakatuwang laruin. Ito ay angkop para sa lahat ng edad. Kung interesado ka sa genre ng racing game, lubos naming inirerekomendang subukan mo ang isang ito.