Blast Wings: 7,777+ Levels Review

Kagaya ng mga larong three match puzzle game, bentang-benta rin sa mga manlalarong mahilig sa puzzle game ang matching tiles. Katunayan, halos hindi rin mabilang ang dami ng matching tiles na laro sa mga digital marketplace kung saan madalas mga babaeng manlalaro, o mga batang manlalaro ang mga nahuhumaling sa mga ito. Ngunit, hindi rin nangangahulugan na ang mga ito ay hindi patok sa panlasa ng maraming kalalakihang manlalaro.

Paano nga ba nilalaro ang isang matching tiles game? Ano ang ipinagkaiba nito sa iba pang uri ng puzzle game at bakit dapat mo itong masubukang laruin? Sa madaling sabi, ang matching tile game ay isang uri ng mobile puzzle game kung saan kailangang pindutin ng player ang isang tile na may katabing isa at higit pang kasing kulay rin para matanggal ang mga ito sa loob ng isang board. Kung ikukumpara ang isang matching tile sa ibang puzzle game, partikular na sa mga larong three match puzzle game, dalawang magkatabing magkakulay na tile lamang ang kailangan ay pwede na silang matanggal mula sa board. Hindi mo na rin kailangan pang pagpalitin ng mga pwesto ang mga ito. Kung bakit naman dapat laruin ang isang matching tiles na laro, lalo na ang Blast Wings: 7,777+ Levels, hayaan mong ipaliwanag nang mabuti ng Laro Reviews ang mga dahilan. Una, maraming manlalaro na ang nagpapabatid ng kanilang positibong feedback sa laro. Dagdag pa rito na nakakagaan ito sa pakiramdam, nagsisilbing stress reliever at, higit sa lahat, isa itong magandang laro para sa mga kabataan.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Kung beteranong manlalaro ka na ng isang puzzle game, marahil alam mo na kung ano ang gameplay ng Blast Wings: 7,777+ Levels. Ngunit kung ngayon mo pa lamang narinig ang larong ito, pwes maswerte ka dahil malalaman mo rito ang ilang mahahalagang tricks upang maging matagumpay sa larong ito. Sa pagsisimula ng laro, magkakaroon ka ng mga hint kung paano tanggalin sa loob ng board ang mga cubed fruit-tile hanggang sa maabot mo ang target na mga objective bawat level. Kapag narating mo na ang Level 10, magsisimula na ring maging challenging ang laro. Halimbawa, hindi na lamang basta mga tile ang kailangan mong matanggal dahil mula sa pinakatuktok na bahagi ng board kailangan mong maibaba ang ilang mga hayop kagaya ng Koala, Aso, Baboy at Pusa. Gayundin, magsisilbing isang malaking pagsubok mo sa laro ang isang mabangis na Oso na may layuning pigilan kang ma-clear ang board. Ngunit kagaya ng ibang laro, may mga booster ka ring magagamit sa larong ito upang tulungan kang manalo.

Kapag nagawa mong mapagtabi ang walong cube na magkakatulad ang kulay, makakagawa ito ng booster na paper airplane na may kakayahang magtanggal ng higit sa tatlong cubes at may kakayahan rin na paputukin, o sirain ang kahit anong balakid mayroon sa board. Ang pagkakaroon naman ng sampung magkakatabi at magkasing-kulay na mga cube ay makakalikha ng bomb booster na may kakayahang pasabugin ang maraming bilang ng mga katabing cube. Ang pinaka-astig sa lahat ng booster ay ang Magic Bomb na kagaya ng Coconut Wheel sa larong Candy Crush. May kakayahan din itong gayahin ang anumang cube, o booster, na katabi nito at magti-trigger ng isang malaking pagsabog. Subalit upang makuha ito, kailangan mo munang mapagtabi ang 12 magkakakulay na mga cube.

Kagaya ng nabanggit sa itaas, may mga misyon ka rin sa larong ito na ibaba ang mga hayop mula sa itaas ng board, at mapaalis ang mabagsik na Oso sa loob ng board. Para maibaba ang anumang hayop kailangan na matanggal mo ang lahat ng harang sa kanyang daan hanggang sa marating nito ang ang pinakahuling tile sa ibaba ng board, para naman magawang labanan ang Oso, kailangan na sunod-sunod mong matanggal ang lahat ng cube na katabi nito upang maubos ang kanyang life span. Ang pagtanggal ng mga cube na malayo sa Oso ay magbibigay sa kanya ng pagkakataon na mag-counter attack sa pamamagitan ng paglalagay ng mga acorn sa loob ng board na siyang magiging dahilan upang mas lalo kang mahirapan na i-clear ang board. Kagaya ng Oso, isang matinding kalaban din sa larong ito ang mga carnivorous plant sapagkat ang mga ito ay may kakayahang mag-multiply at kainin ang mga cube.

Saan Maaaring I-Download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user. I download naman ang laro sa APKsFull para malaro ito sa PC. Samantala, hindi pa available ang larong ito para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang links sa ibaba:

Download Blast Wings: 7,777+ Levels on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.neongame.blastwings

Download Blast Wings: 7,777+ Levels on PC https://apksfull.com/blast-wings-7777-levels/com.neongame.blastwings

Mga Feature ng Laro

  • Daily Sign in – Katulad ng halos lahat ng laro, makakatanggap ka rin ng mga libreng rewards kapag nilaro mo ang Blast Wings: 7,777+ Levels araw-araw.
  • Spin Wheel – Bukod sa Daily Sign in, ang feature na ito ng laro ay magbibigay rin sa iyo ng pagkakataon na makakuha ng libreng boosters, o in-game currency depende sa iyong swerte.
  • Ranking in leaderboard – Kung gusto mong makita ang iyong pangalan sa listahan ng pinaka-magagaling na manlalaro ng Blast Wings: 7,777+ Levels, kailangan na husayan mo sa paglalaro.
  • Challenge – Ang game mode na ito ay isang endless play kung saan maaari mong subukan kung hanggang anong level ang kaya mong marating nang hindi natatalo kahit isang beses.
  • Gallery – Tiyak na mas lalo mong magugustuhan ang larong ito dahil kapag nagsawa ka sa paglalaro ng matching tiles, pwede ka munang lumipat sa feature na ito ng laro at subukan ang iyong galing sa larangan ng Jigsaw Puzzle.
  • Pet – Kung namimiss mo na ang game character na si Pou, may kalayaan ka rin sa larong ito na lumikha ng sarili mong pet na kagaya ni Pou kung saan pwede mor in itong pakainin, paliguan at pasayahin lagi.
  • Matching – Competitive ka ba? Kung oo, halina’t hamunin sa larong ito ang iba pang players para sa isang one-on-one game. “Matira Matibay,” ang konsepto sa feature na ito ng laro.

Pros at Cons ng Laro

Habang totoo na maraming puzzle game ang pwedeng malaro ng offline, hindi pa rin mapigilan ng Laro Reviews na bumilib sa Blast Wings: 7,777+ Levels sapagkat kahit online mo itong nilalaro, katamtaman lamang ang dami ng pop-ads na lalabas sa inyong mga screen at sa ilang pagkakataon ang panonood ng video advertisement ay magbibigay rin sa iyo ng karagdagang mga booster. Gayundin, hindi uso sa larong ito ang salitang glitching.

Pagdating naman sa graphics ng laro, kahit siguro hindi mga batang manlalaro ay tiyak na hindi mapipigilan ang sarili na mamangha sa visual display ng Blast Wings: 7,777+ Levels dahil balik-baliktarin man ang mundo, hindi pa rin maikakaila ang katotohanan na tinataglay ng laro ang High Definition quality graphics.

Kung mayroon mang negatibong katangian na tinataglay ang larong ito bukod sa lag at delay of movements, ito ay kapag naglaro ka sa Matching na feature ng laro. Marahil ang mga matataas na game level na siguro ito dahil paniguradong hindi ito makakayanang lampasan ng mga batang manlalaro kahit pa gumamit sila ng iba’t ibang kombinasyon ng booster. Gayundin, ang pagbibigay ng in-game currency bawat panalo sa laro ay masasabing hindi makatarungan sapagkat ang coins na makukuha mo sa Blast Wings: 7,777+ Levels ay nakadepende sa nilalaman ng baraha na iyong mapipiling buksan.

Konklusyon

Kung naghahanap ka ng isang laro na may kakayahang tanggalin ang iyong stress sa buhay, o gawing pampalipas oras, walang duda na ang Blast Wings: 7,777+ Levels na ang larong pinakahihintay mo. Walang pinipiling edad at kasarian ang larong ito, kaya ano pa ang hinihintay mo? I-download na ang larong ito sa iyong device.