The King’s Army: Idle RPG Review

Ang The King’s Army: Idle RPG ay isang card game na hindi dapat palampasin. Ang idle role-playing game na ito ay mula sa Merry Realm, isang Android game developer. Sa kasalukuyan, ito ay nakapagtala ng mahigit sa 100,000 downloads sa Google Play Store mula nang inilabas ito noong Mayo 26, 2020.

Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro rito ay pabagsakin ang mga kaaway sa pamamagitan ng pagbuo ng isang malakas na line up ng animal hero characters. Ang larong ito ay gumagamit ng turn-based strategy match system kung saan ang manlalaro at ang kanyang katunggali ay magsasalitan bilang attacker at defender. Hindi sila maaaring umatake kung kailan nila gustuhin. Upang manalo, kailangang maubos ang health points ng kalaban habang dinidepensahan ang sarili.

Paano i-download ang Laro?

Ang game app na ito ay available sa Google Play Store at sa App Store. Pwede itong i-download sa iOS at Android devices. Samantala, kung nais mong maglaro gamit ang iyong laptop o desktop, kailangan mong i-download ang APK file sa iyong computer at gumamit ng lehitimong emulator tulad ng BlueStacks upang i-run ito. Maaari mo ring gamitin ang mga link sa ibaba para hindi ka na maabala pa:

Download The King’s Army: Idle RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.lp.tka

Download The King’s Army: Idle RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/the-kings-army-idle-rpg/id1488420911

Download The King’s Army: Idle RPG on PC https://tarskitheme.com/download/com.lp.tka/680170/

Ultimate Guide para sa mga Baguhan

Ang malaking pagkakaiba ng mga idle role-playing games tulad ng The King’s Army: Idle RPG sa ibang uri ng laro ay ang gameplay nito. Hindi ito kasing kumplikado ng action games, ang kailangan lang ay bumuo ng diskarte, i-execute ito sa pamamagitan ng pagpwesto ng heroes sa board at maghintay sa magiging resulta. Malamang para sa iba ay medyo boring at wala itong thrill, subalit nagkakamali sila. Ang game mechanics nito ay simple, subalit ito ay exciting at puno ng aksyon.

Ang kumbinasyon ng elements ng idle game at RPG sa larong ito ay talagang kahanga-hanga. Sa pamamagitan ng idle game elements nito, ang mga manlalaro ay binibigyan ng pagkakataong mag-ipon ng items at resources upang makapag-level up. Hinihikayat din nito ang mga manlalarong mag-upgrade upang makakuha ng mas bago at mas malalakas na game items. Binibigyan nito ng sense of accomplishment at achievement ang mga manlalaro upang magpatuloy sa paglalaro. Sa pamamagitan naman ng role-playing features nito, nagagawa nilang gumanap bilang isang hero character. Ang hero characters na bida rito ay hango sa mga hayop na may superpowers, kamangha-manghang kakayahan, at iba’t ibang tungkulin. Makikilala mo rito sina Turtle Chieftain, Gorilla Ranger, Panther Cub at marami pang iba.

Kung bet mo ang mga ganitong uri ng laro, hayaan mong mas ipakilala pa ng Laro Reviews ang The King’s Army: Idle RPG. Upang simulan ang iyong pakikipagsapalaran, kailangan mong siguraduhing ikaw ay may internet connection. Para naman hindi mawala ang iyong gaming data, kailangan mong i-bind ang iyong Google Play o Facebook account. Upang magawa ito, i-click ang Profile icon at piliin ang Account options.

  • Gameplay

Ang bawat hero character ay may tungkuling ipagtanggol ang buong nayon laban sa mga masasamang kaaway. Bago sumabak sa labanan, kailangan mo munang maghanda para sa iyong kahaharapin. Sa pamamagitan ng pag-click sa Campaign button, makikita mo ang isang battle board na nahahati sa dalawa. Ang bawat bahagi ay may tig-anim na pwesto. Sa kaliwang bahagi mo kailangang ilagay ang iyong hero units habang ang katapat na bahagi naman ay para sa kalaban. I-tap lang ang hero na gusto mong gamitin at i-drag ito sa napili mong pwesto. Pwede kang maglagay ng hanggang anim na hero characters. Tiyaking ready na ang lahat bago i-click ang Battle button na hudyat ng pagsisimula ng labanan.

  • Game Modes

Ang The King’s Army ay may tatlong game modes: Campaign Mode, Cross-Server Gameplay at Cross-Server Ladder Tournament. Ang mga manlalaro ay maaaring makilahok sa mga regular game match sa Campaign Mode. Ang Cross-Server Gameplay naman ang nakakatulong upang makapaglaro kasama ang mga kaibigan at ibang manlalaro. Ito ay nagsisilbi ring training ground para sa mga baguhan upang sila ay maging mas mahusay pa. Samantala, ang Cross-Server Ladder Tournament ay nagsisilbing battle arena kung saan pwedeng makipagkumpetensya sa ibang manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

  • Game Modes at Features

Ang heroes sa larong ito ay nabibilang sa limang hero classes: Assassin, Warrior, Ranger, Mage at Knight. Dito rin nakabase ang kanilang skills at abilities. Isa sa kakaibang katangian ng larong itong hindi karaniwang makikita sa ibang idle RPGs ay ang feature nito kung saan maaaring baguhin ang class ng isang hero character. Mahalaga rin ang regular na pag-upgrade upang pataasin ang tsansa mong manalo sa mga labanan. Para magawa ito, i-tap ang Hero icon na makikita sa kanang ibabang bahagi ng iyong gaming screen. Kinakailangan mong gumastos ng coins at droplets upang i-upgrade ang iyong heroes, kung kaya’t mas mainam na paisa-isa mo itong gawin upang hindi kaagad maubos ang iyong resources. Sa tuwing mananalo ka sa labanan, magkakaroon ka ng pagkakataong i-unlock ang mas malalakas na hero characters.

Pros at Cons ng The King’s Army: Idle RPG

Ang nagustuhan ng marami sa larong ito ay libre itong maida-download at ito ay free-to-play pa. Madali ring kumita ng rewards dito dahil pwede kang manood ng ads kapalit ng karagdagang coins. Ang tutorial section nito ay talagang malaking tulong upang matukoy ang icons at maintindihan ang takbo ng laro. Ang graphics nito ay de-kalidad at ang character designs ay detalyado. Ang animation tungkol sa storyline ng laro ay nakamamangha at lubos na nakakaaliw.

Gayunpaman, ang larong ito ay may ilang mga kahinaan din. Ang app ay puno ng bugs na nagiging sanhi ng madalas na pag-crash nito. Marami rin ang naiinis sa ads na biglang nagsusulputan. May mga pagkakataong hindi ma-access ang laro dahil sa loading issues nito. Ang gameplay ay tila hindi patas sa lahat dahil ang ilan sa skills at abilities ng heroes ay hindi naman gumagana at hindi nakakatulong sa mga labanan. Ang lahat ng ito ay nakakaapekto sa quality ng gameplay.

Konklusyon

Ang average rating ng The King’s Army: Idle RPG sa Google Play Store ay 3.2 stars mula sa mahigit 2,000 reviews. Sa kabilang banda, mayroon naman itong 4.8-star rating mula sa mahigit 3,000 reviews sa App Store. Para sa Laro Reviews, ito ay isang underrated na larong kailangang subukan ng mas maraming manlalaro. Ang gameplay nito ay kakaiba sa karamihan at nakakahumaling. Ang features nito ay de-kalidad at kakaiba rin. Nakakalungkot isiping medyo kakaunti pa lamang ang sumubok laruin ito. Sa kabuuan, malaki ang potensyal nito lalo na kung tututukan ng developers nito ang paglutas sa mga isyu at problemang nabanggit.