Maraming laro ang may malalabong pamagat na hindi agad nahuhulaan ng mga manlalaro kung tungkol saan at paano laruin ang mga ito. Ang Illusion Connect ay hindi naiiba dahil kapag nabasa mo ang pamagat ng laro, mapapaisip ka kung ano ang gameplay nito. Ngunit, ano nga ba ang larong ito?
Sinusunod ng Illusion Connect ang karaniwang formula ng mobage, mula sa karaniwang gacha (lottery) system para sa pagre-recruit ng mga bagong character, stamina system, material farming para sa pag-level up ng mga character at kagamitan, at marami pang iba. Ang layunin ng mga manlalaro ay ang lumikha ng lineup ng mga hero, palakasin sila, at gamitin ang pangkat na iyon upang harapin ang iba’t ibang yugto ng laro at mga hamon nito. Tulad ng ibang mga mobage, ang laro ay idinisenyo upang laruin sa loob ng mahabang panahon upang bigyan ng maraming oras ang mga manlalarong makapag-isip ng magagandang taktika upang ganap na maipanalo ang laban.
Ang bawat karakter ay maaaring palakasin sa pamamagitan ng pag-upgrade sa kanila at pagbibigay sa kanila ng iba’t ibang kagamitan. Mayroong level cap sa bawat 15 levels at upang masira ang limitasyong ito, kailangang kolektahin ang mga kinakailangang materyales at bayaran ang kinakailangang ginto upang maalis ang mga level cap. Maaaring dagdagan ang rarity ng mga lower-rarity character sa pamamagitan ng Lens Upgrade.
Kinakailangang palakasin ang mga karakter na gagamitin sa iyong koponan dahil ang kanilang indibidwal na CP (Combat Power) ay mag-aambag sa pangkalahatang CP ng koponan. Maaari ring gamitin ang CP bilang baseline bago humarap sa isang kalaban. Lubos na kinakailangang mataasan ang CP ng mga kalaban. Ang labanan sa laro ay masasabing real-time at ang magkabilang panig ay gagawa ng aksyon sa sandaling magsimula ang labanan. Ang larangan ng digmaan ay nahahati sa dalawang panig, bawat isa ay may siyam na grids kung saan maaaring ilagay ang mga karakter. Ang iyong panig ay magkakaroon ng isang pinakamahalagang character, ang tinatawag na Leader at ang kalaban naman ay mayroong tinatawag na Boss. Ang isa pang layunin sa laro ay gawing zero ang HP ng boss. Kapag nangyari iyon, agad na matatapos ang labanan. Ngunit dapat ring tandaang sa sandaling mamatay ang Leader ay matatapos ang laban na isa kang talunan
Sa karagdagan, ang paggamit ng bawat karakter ay may kapalit na enerhiya. Makikita ang katumbas sa isang kristal na makikita sa kanang bahagi ng kanilang larawan. Ang gauge sa ibaba ng screen ay ang Energy Gauge, na awtomatikong mapupuno sa panahon ng labanan. Kapag nakaipon ng sapat na enerhiya, maaari nang i-deploy ang karakter na gusto. Ang lahat ng na-deploy na character ay magti-trigger ng kanilang natatanging ability sa pagpasok sa labanan kaya kahit na ang pagde-deploy ng iyong mga character ay kailangang mayroong estratehikong elemento sa labanan. Kapag na-deploy na ang lahat ng characters, maaaring gastusin ang iyong energy upang i-activate ang mga buff o healing effect sa iyong team.
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Illusion Connect
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:
- Ang Combat Power (CP) ay ang average na rating ng kabuuang lakas ng iyong karakter. Kinakalkula nito ang mga istatistika ng iyong karakter na tumataas kapag napo-promote mo sila, nagle-level up, o nag-e-equip ng mga item. Ang pagpapataas ng lakas ng pakikipaglaban ng isang indibidwal na karakter ay magpapataas din sa kabuuang lakas ng pakikipaglaban ng iyong lineup, kinakailangan ito para makapasok sa mga partikular na yugto ng labanan. Dapat ding matutunan kung paano pataasin ang lakas ng pakikipaglaban ng iyong mga karakter para maganda ang ipakikitang kasanayan ng koponan sa mga laban.
- I-maximize ang mga gamit na character, ang pagma-maximize ng mga character ay nangangahulugan ng pag-upgrade sa kanilang buong potensyal hangga’t maaari dahil kalaunan sa laro ay magkakaroon ng limitasyon sa pag-upgrade sa kanila.
- Ang mga weapon at iba pang kagamitan ay matatagpuan sa iba’t ibang yugto at kabanata ng kwento. Ang pag-e-equip ng malakas na gear ay magpapalakas sa pakikipaglaban. Tulad ng Radiants, ang Gear ay may iba’t ibang level ng rarity. Tinatawag na SSR ang pinakamataas na kalidad na armas sa laro. Sa simula ng laro, dapat kang makuntento sa pagpuno sa iyong roster ng R na de-kalidad na gear para punan ang mga void at matiyak na ang lahat ng iyong unit ay may sapat na kagamitan para sa labanan. Huwag ipadala ang iyong mga karakter nang walang angkop na armas.
- Tandaang kahit na ang pinakamakapangyarihang mga character ng DPS ay hindi makaliligtas sa isang drag-out na labanan nang walang isang Guardian unit na haharang para sa kanila. I-unlock ang pinakamaraming slots ng lineup ng team nang mabilis hangga’t maaari para maging handa para sa endgame. Kapag narating na ito, tila maglalaro ka ng PvP at gugugol ng maraming oras upang maabot ang pinakamataas na pwesto.
- Kapag sinusubukang labanan ang matataas na DPS na mga kalaban, dapat magpadala muna ng isang Guardian o Summoner unit para hindi ma-burst down ang leader. Subukang panoorin ang mga galaw ng mga kalaban at itugma kung sino ang ilalabas nila gamit ang sarili mong counter-pick para ganap na kontrolin ang laban.
- Ang pakikipaglaban sa mga kaaway na may mataas na level ng kalamangan ay kadalasang magreresulta sa isang agarang pagkatalo. Ang tanging paraan upang matiyak na ikaw ang pinakamalakas sa laro ay ang lampasan ang kumpetisyon at i-steamroll ang iyong daan patungo sa tuktok ng hagdan.
Mga Feature ng Laro
- Tactical Combats – Mag-isip ng iba’t ibang estratehiya gamit ang mga napiling Radiants sa laro at main character at bumuo ng walang kasing lakas na koponan ng mga ito.
- A Radiant Cast of Heroes – Kilalanin ang pinanggalingan, mga personalidad, mga karanasan at libangan ng bawat Radiant na gamit. Pwede ring mag- recruit ng mahigit 50 Radiants na idinisenyo gamit ang live 2D na maaaring i-customize ayon sa kagustuhan ng mga manlalaro.
- Exciting Real-time Battles – Maglaro ng fast-paced, real-time battles at kontrolin ang mga Radiant na gamit lamang ang mga daliri, at maging pinuno ng koponan upang pangunahan ang pakikipaglaban.
- Design your Dream Home – Gumawa ng kahit anong tahanan ayon sa iyong kagustuhan. Mag-disenyo ng sariling mga kagamitan sa bahay at mag-post ng wallpaper para maging komportable ang mga gamit na radiant.
- Voiced by an All-star Cast – Pakinggan ang nakakahumaling na boses ng mga bida sa laro na sina Ai Kayano, Hisako Kanemoto, Yui Ishikawa, Risa Taneda, Ami Koshimizu, Maaya Uchida, Ayane Sakura, Yumi Hara, Haruka Tomatsu, Aoi Yuki, Hitomi Nabatame, Takehito Koyasu, Kae Oki, Saori Hayami, at Natsuki Hanae.
Saan Maaaring I-download ang Laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangang i-download muna ang isang emulator sa PC para gumana ito. Maaari ring i-click lamang ang mga link sa ibaba:
Download Illusion Connect on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.superprism.illusion&gl=US
Download Illusion Connect on iOS https://apps.apple.com/us/app/illusion-connect/id1514571062
Download Illusion Connect on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/illusion-connect-on-pc.html
Pros at Cons ng Laro
Sa umpisa, mukhang isa itong kumplikadong laro na nangangailangan ng matinding diskarte. Ngunit pagkatapos maglaro ng ilang sandali, makikitang hindi ito ganun kahirap na laruin. Kailangan mo lamang maging matalino sa paglalagay ng bawat character na gagamitin sa board. Dapat gumawa ng mga desisyon batay sa buong daloy ng kwento, isaalang-alang din ang natatanging personalidad ng mga character dahil ito ang tanging paraan para makabuo ng isang malakas na alyansa at gamitin ang mga kalakasan ng iba’t ibang mga character upang talunin ang iba’t ibang mga halimaw.
Tiyak na maiibigan din ang magandang graphics ng laro. Talagang kawili-wiling lumaban kasama ang iba’t ibang uri ng mga character at nagniningning na mga reward na makukuha sa bawat tagumpay. Maaaring itong laruin gamit ang mobile phone. Ngunit magkakaroon ka ng pagkakataong mangolekta ng higit pang mga hero na may iba’t ibang ranggo kung lalaruin ito sa PC. Subalit, kahit anong device ang gagamitin para laruin ito, walang dudang purong saya ang makukuha sa laro.
Minsan ay nakakatarantang makita ang napakaraming kalabang dapat talunin sa laro. Pero dapat laging maging kalmado anuman ang mangyari at sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga link sa makapangyarihang Radiants, sa kalaunan ay matatalo ang lahat ng mga kaaway at maipapanalo ang end game. Ngunit kung talagang nangangailangan ng tulong, nariyan lagi ang summon na laging handang umalalay. Bawat 10 beses ng pag-summon, magkakaroon ng mas makapangyarihang partner na sasagot sa summon mo. Kung gusto pang pahusayin ang winning rate, subukang mangolekta ng higit pang mga summon ticket para makatawag ng mas maraming radiant.
Kung ikukumpara sa iba pang mga laro ang Illusion Connect, nakasisiguro ang Laro Reviews na namumukod-tangi itong laro dahil sa Social Mode nito. Sa mode na ito, maaari kang makihalubilo sa iyong mga radiant. Kung patuloy na lumalaban sa mga kaaway, mararamdaman ang pagod na magpatuloy. Ngunit, kung magkaroon ng ilang pahinga sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pakikipag-usap sa iyong mga Radiant, tiyak na mapapalitan ang pagod ng saya. Ang isa pang magandang balita ay mayroong higit sa 50 na mga Radiant na pwedeng pagpilian sa laro.
Bukod sa mga fighting mission na kasama sa pangunahing storyline, magkakaroon din ng pagkakataong subukan ang iba pang mga makabagong aktibidad na kasama sa laro. Napakahusay na laruin ang larong ito kasama ang buong barkada. Siyempre, maaari ring makipaglaro sa ilang virtual friends.
Sa kabilang dako, may ilan lamang mga negatibong katangian ang larong ito. Una, nangangailan ito ng sobrang laking storage kung mobile phone ang gagamitin sa paglalaro, may ilan ding game feature na sa PC lamang makikita. Madalas ding makararanas ng lagging at glitching ang mga Android user kaya masasabing ang laro ay hindi cellphone-friendly. Maliban pa rito, hindi maaaring hindi gumastos ng totoong pera ang mga manlalaro upang bumili ng mga upgrade at magamit ang ilang mga weapon at Radiants na hindi kayang bilhin ng mga coin sa laro.
Konklusyon
Walang duda na isa ang Illusion Connect sa mga larong dapat na masubukan ng mga manlalarong mahilig sa adventures at challenges. Mula graphics at over-all quality, nakatitiyak ang Laro Reviews na hindi ka bibiguin ng larong ito. Subalit, dapat sanang isaalang-alang ng developer ang napakamahal na presyo ng mga upgrade sa laro upang higit na matamasa ng mga manlalaro ang walang kasing sayang hatid ng larong ito.