Hero Royale: PvP Tower Defense Review

Kung pamilyar ka na sa larong Random Hero, may pagkakatulad sila ng larong ito sa parte kung saan kailangan mong mag-deploy ng mga hero upang sila ang lumaban para depensahan ang iyong teritoryo. Ngunit kahit ganun ay sinikap pa ring maging iba ng Hero Royale: PvP Tower Defense na nilikha ng Type Ten Studios pagdating sa tema nito, dahil sa larong ito, ikaw ay binibigyan ng pagkakataong maging isang collector ng hero cards at trabaho mong lumikha ng battle deck upang kalabanin ang iba pang mga manlalaro alang-alang sa seguridad ng iyong kaharian.

Para sa mechanics ng laro, kailangan mo lamang patayin ang bawat monster na nagtatangkang pasukin ang iyong gate. Mayroon ka lamang tatlong buhay sa laro at sa oras na maubos iyon ay tiyak na matatalo ka na rito. Kaya naman, mag-summon ng mga hero upang depensahan ang iyong teritoryo, ipag-merge ang mga ito para sa mas malakas pang hero o kaya naman ay i-upgrade at bigyan ng iba pang special ability. Muling talunin ang mga minion at bosses, manalo upang makakuha ng gold at trophy!

Features ng Hero Royale: PvP Tower Defense

Una kang dadalhin ng laro sa detalyadong tutorial nito. Talagang ituturo sa’yo nito ang iba”t ibang klase ng features na mayroon sa loob ng laro at kung ano ang role ng mga ito. Halimbawa nito ang battle deck na makikita sa bandang ibaba ng iyong screen. Narito ang limang klase ng hero na naka-line up na para sa iyong mga laban kasama ang isang special ability. Sa tabi naman nito makikita ang tinatawag na current energy kung saan makakakuha ka nito depende sa iyong napatay na kalaban at purchase cost naman kung saan nakadepende naman ang energy na makikita rito sa hero na maaari mong sunod na i-summon.

Sa bandang gitna naman makikita ang ilang mga detalyado pagdating sa current round mo sa laro. Sa gitna ito nakapwesto dahil ang bandang taas nito ay para sa iba pang manlalarong kasama mo sa laban. Sa round section na ito makikita ang tatlong buhay na mayroon ka sa laro na dapat mong ingatan upang hindi matalo rito. Nakalagay rin dito ang boss na iyong makakalaban sa dulo maging ang bilang ng mga makakalaban mo pang monsters gaya ng normal (kulay asul), fast (kulay rosas), at mini-boss (kulay lila).

Atin namang silipin ang main screen ng laro kung saan makikita natin ang iba’t ibang section gaya ng battle. Mayroon itong PvP kung saan maaari mong makalaro ang iba pang manlalaro nito at co-op naman kung saan mayroon itong wave na binibilang at bawat laban ay dapat ninyong pagtulungan ng kasama mo pang manlalaro. Bukod pa sa dalawang ito ay mayroon din ditong crusade na maaari mo ring malaro sa oras na ma-unlock mo ito.

Mayroong nilagay na section kung saan makikita naman ang ilan sa mga card ng hero na mayroon ka. Ito ay makikita sa gear section kung saan narito ang iyong battle deck na siyang nagsisilbing starter mo sa bawat laban mo, mga nakolekta mong card maging ang mga makukuha mo pa lamang. Narito rin sa section na ito ang iba’t ibang klase ng abilities na nakuha mo na at makukuha mo pa lang.

Kung sa ibang laro ay tinatawag itong achievements, dito naman ang tawag ay trainee stadium kung saan dito mo makikita ang ilan sa mga basic na bagay na iyong nakumpletong gawin para sa laro. Bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang bilang ng rewards na maaari mong matanggap kalaunan. Mayroon ding shop para sa premier pass, treasure chest, relics, gold at rubies na siyang magagamit mo upang umangat pa sa mga laro.

Dahil na rin ang larong ito ay nasa early access pa lamang, ilan sa mga feature nito ang inaasahang darating pa lamang gaya ng pagkakaroon nito ng events at clans. Asahan na rin nating may ilan pang features sa loob nito ang maaring mabago pa at madagdagan.

Saan maaaring i-download ang app?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 63MB sa Google Play Store habang 849.4MB naman pagdating sa App Store. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na inihanda ng Laro Reviews, ayon sa device na iyong gagamitin:

Download Hero Royale: PvP Tower Defense on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.typeten.heroroyale

Download Hero Royale: PvP Tower Defense on iOS https://apps.apple.com/ng/app/hero-royale-pvp-tower-defense/id1571213501

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Hero Royale: PvP Tower Defense

Bilang tip para sa larong ito, isang mainam na gawin ay punan muna ang battlefield ng iba’t ibang klase ng hero. Huwag mo muna itong i-merge. Ito ay upang maparami mo muna ang bilang ng mga maaaring umatake sa iyong mga kalaban. Tandaan na kung marami ang iyong hero na nasa loob ng battlefield, mas malakas ito at mas mabilis ang pagtapos sa bawat kalaban dahil marami silang nagtutulungan. Gayunpaman, maaari mo na rin namang i-merge ito kung sa tingin mo’y sapat na ang dami ng mga ito. Mainam din na habang abala sa ganito ay nile-level up mo ang mga hero upang mas maging malakas pa sila at kapakipakinabang. Huwag din palaging kalilimutang silipin ang purchase cost ng laro kung saan dito mo makikita kung sino ang susunod na hero na maaari mong i-summon. Ito ay upang mabilis kang makapag-summon agad kung sakaling puno na ulit ang energy na makikita rito.

Related Posts:

Sci-Fi Tower Defense Module TD Review

Defense Zone 3 HD Review

Pros at Cons ng Hero Royale: PvP Tower Defense

Isa sa bagay na nagustuhan ng Laro Reviews sa larong ito ay ang pag-iiwan nito ng detalyadong tutorial bilang pambungad nito. Talagang ipinapaliwanang ng laro kung anong mga feature ang maaaring galawin ng bawat manlalaro upang magkaroon ang mga ito ng kakaibang experience pagdating sa paglalaro nito. Madali lamang naman ang mechanics ng laro at kung oobserbahan ay hindi na ito bago dahil may iilang laro na ganito rin ang gameplay. Gayunpaman, mainam at nakakatulong pa rin ang ginawa ng developer nito dahil kung talagang baguhan ka pa lamang dito ay hindi ka na malilito pa, dahil talagang ipaparanas nila na kasama mo sila sa kahit saang parte nito. Hindi ka nila talaga hahayaang laruin ito nang naguguluhan.

Simple lang ngunit sapat na ang graphics na mayroon sa laro. Hindi na rin naman masasabing unique ito dahil para bang makakakita ka rin nito sa ibang larong may kaparehas nitong art at design. Gayunpaman, hindi ito maituturing na kahinaan ng laro dahil nagawa pa rin naman nitong maging unique sa pamamagitan ng pagtugma nito sa tema ng laro. Wala rin namang gaanong maituturing na problema lalo na sa tunog nito dahil sinubukan talaga nilang piliin ang mga tunog na aligned sa tema nito lalo pa sa background music na kaya kang bigyan ng imahinasyon kung saan isa kang hari sa isang malaking imperyo. Ang bawat tunog din pagdating sa pagkuha ng mga coins at relics ay tugma at malabong i-consider bilang isang pagkakamali.

Kung may masasabi lang talagang kapuna-puna sa larong ito, iyon marahil ay level ng difficulty na mayroon ito. Isa rin kasi ang larong ito sa mga tipo ng larong kahit maganda naman ang kinikilos mo sa bawat laban ay tila ba sobrang hirap pa rin nito at palaging nauuwi pa rin sa pagkatalo. Malimit mo itong mapapansin sa co-op ngunit kakaiba ang hirap lalo na sa PvP na para bang mapapatanong ka sa iyong sarili kung ang iba pa bang manlalaro nito ang iyong kalaban o ang mismong laro.

Konklusyon

Gaya ng ibang laro, hindi perpekto at marami pa ring butas na masisilip sa larong ito. Marami pang bagay na maaari pang pagtuunan ng pansin upang mas maging kaakit-akit ito sa bawat manlalaro. Dahil nasa early access pa lamang ang laro, marahil ay marami pa tayong aasahan sa larong ito na mababago at maidaragdag, na siyang kaaadikan din natin sa susunod. Gayunpaman, sa kabuuan, isa pa rin ang larong ito sa maaari mong subukan kung naghahanap ka ng nais mong pagkaabalahan.

Laro Reviews