Piano Trip – Magic Music Game Review

Ilang taon lang ang nakakaraan, usong-uso ang mga larong piano tile. Halos lahat ng taong nagmamay-ari ng mga tablet at cellphone ay may mga naka-install na mga laro sa kanilang mga device. Madalas itong laruin ng mga estudyante kapag may mga bakanteng oras sa paaralan. Maging ang mga nanay at tatay sa bahay ay nahuhumaling sa mga larong ito. Kapansin-pansin din ang pagiging abala ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan sa kakapindot ng kanilang mga cellphone. Bakit nga ba halos lahat ng tao ay nabibighani sa paglalaro ng piano tile games? Isa sa maaaring dahilan ay ang masarap sa pandinig na mga musikang ginagamit sa laro at kung pag-uusapan lamang ang musika ay hinding-hindi magpapahuli ang Piano Trip – Magic Music Game. Ito na ata ang pinaka-upgraded na laro sa lahat ng mga piano tiles game.

Paano laruin ang Piano Trip – Magic Music Game?

Gamit lamang ang inyong mga cellphone o tablet ay maaari niyo nang laruin ito. Hanapin lamang sa Google Play Store ang Piano Trip – Magic Music Game, pindutin ang install button at hintaying ma-install ito sa inyong mga device. Kapag nabuksan na ang laro ay maaari nang masimulan ang paglalaro nito. Mag-uumpisa kayo sa pinakamadaling game level hanggang sa pinakamahirap. Kailangan lamang ng bilis ng kamay sa pagpindot ng mga piano tile.

Features ng larong Piano Trip – Magic Music Game

  • Unique Visual Design – Kung ang mga kadalasang nalalaro nating piano tile ay makikitaan ng mga simpleng disenyo sa game screen, tila isang bituin itong Piano Trip – Magic Music Game na hindi papayag na malamangan sa pagningning ng iba. Bukod sa upgraded na ang visual design nito, dadalhin ka rin ng laro sa ibang sulok ng mundo.
  • Upgraded Songs – Tuwing linggo ay mga bagong kantang idinadagdag sa laro at lahat ng genre ng musika ay nandito na rin – magmula sa mga classic song, jazz, R&B, electronics, rock, kpop song at marami pang iba.
  • Cute Animals – Bukod tangi rin ang larong ito sapagkat kasama mo sa paglalaro ang ilang mga cute na hayop kagaya na lamang ng panda, pusa, aso at fox. Ang game feature na ito ay tunay na nakakadagdag aliw sa paglalaro. Iisipin mo talagang hindi ka nag-iisa sa paglalaro.

Saan pwedeng i-download ang Piano Trip – Magic Music Game:

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Piano Trip – Magic Music Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=game.piano.travel.tiles.music

Tips at tricks sa paglalaro

  • Hindi na lingid sa ating kaalaman na ang mga laro habang tumatagal ay lalong nagiging mahirap. Ngunit hindi kagaya ng mga combat game at iba pang laro, kinakailangan sa larong ito ang ibayong pokus dahil sa bawat maling pindot sa game screen ay nangangahulugan ng pagkatalo.
  • Huwag ring hayaang ma-distract ka ng ingay sa paligid. Hangga’t maaari ay maglaro ka ng may suot na headphone.
  • Hindi mo rin kailangang higpitan ang paghawak sa device na ginagamit, mas mainam na medyo maluwag ang hawak upang mas madaling igalaw ang mga daliring ipipindot sa mga game tile.

Pros at Cons ng laro

Sa paglalaro ng Piano Trip – Magic Music Game, masasabi ng Laro Reviews na mararanasan mong maging isang mahusay na pianista, mararamdaman mong ikaw talaga ang tumitipa ng mga musikang nililikha nito. Luma o mga bagong kanta man, lahat ng gusto mo ay nandito na. Dagdag pa rito, dadalhin ka rin ng nasabing laro sa iba-ibang bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng pagtugtog ng mga kantang tanyag na inaawit sa kanilang mga sariling bansa. Kung mapapadpad ka sa sa bansang Amerika, matutugtog mo ang mga kantang, Something Just Like This, Attention, Twinkle Twinkle Little Star at iba pa. Sakali namang mapunta ka sa bansang Thailand, malalaman mo ang ritmo ng Thai Royal Anthem, Pavane Op. 50, Badinerie at marami pa.

Sa pamamagitan naman ng maiipon mong coins mula sa paglalaro, maaari mong palitan ang iyong gamit na hayop sa pagtipa ng mga piano tile. Pero kung ayaw mong gumastos ng coins at gusto mo lang itong ipunin para sa mahihirap na game levels, maaari kang makakuha ng libreng coins sa pamamagitan ng panonood ng ads.

Ang mga pagpipiliang hayop ay maaari ring makuha sa tulong ng daily rewards. Kailangan mo lamang laruin itong Piano Trip – Magic Music Game araw-araw upang mabigyan ka ng panibagong hayop na makakasama sa paglalaro. Maliban pa rito, magkakaroon ka rin ng libreng coins sa araw-araw na paglalaro. Sakaling maubos naman ang mga coin mo sa laro, malaki ang maitutulong ng opsyong manood ng ads kapalit ng mga coin. Nasayo lagi ang pasya kung gagamit ka ng coins sa mga gusto mong upgrade sa laro o hindi.

Sa kabilang dako, kung pag-uusapan naman ang mga negatibong katangian ng laro, may mga dapat ring ipuna rito. Una na rito ay ang sapilitang pagpapanood sayo ng ads pagkatapos ng tatlong sunod-sunod na laro. Hindi ka maaaring makausad sa susunod na game level kapag hindi mo binuksan ang ads na gustong ipanood sayo ng laro. Pangalawa, hindi ka maaaring maglaro ng offline, kabaliktaran ito sa nakasulat sa deskripsyon ng laro na pwede itong laruin kahit walang internet connection. Paano mo nga naman mabubuksan ang mga nananatiling locked na game level kung hindi mo panonoorin ang ads na nagsisilbing susi sa laro. Bukod pa sa mga nabanggit na ad, hindi rin nawawalan ng pop-ads itong laro. Pagkatapos na pagkatapos mong maipanalo ang bawat music game challenge ay bigla ring lilitaw ang isang pop-ad. Tunay na nakakadismaya sa laro ang pagkakaroon ng ganitong downgrades.

Konklusyon

Ang Laro Reviews ay naniniwala na kapag binigyang pansin ng developer ng laro ang reklamo sa mga ad, siguradong hindi na mapipilitan ang maraming bilang ng mga manlalaro na i-uninstall ang Piano Trip – Magic Music Game at palitan ito ng ibang piano tiles game na pwedeng laruin ng hindi na kailangang manood pa ng mga ad. Higit sa lahat, malaking bagay na ang isang mobile game ay pwedeng malaro pa rin kahit na offline. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwedeng maka-connect sa wifi, o magkaroon ng internet data ang isang tao. Isaalang-alang ang mga manlalarong nasa byahe, nasa dagat o bundok na walang signal at ang mga taong walang kakayahang magpakabit ng internet connection o bumili ng internet data.

Ang pangunahing layunin ng mga laro ay ang magbigay-aliw at magtanggal ng stress kaya naman higit na mainam na naibibigay sa kanila ang isang masayang karanasan sa tuwing naglalaro. Kung curious ka sa larong ito, mas mabuting maranasan mo mismo itong laruin. Subukang i-download at ikaw na ang humusga.