Archers Kingdom TD – Best Offline Games Review

Nauuso na rin ngayon ang iba’t ibang uri ng offline games. Mga larong hindi mo na kailangan pang mag-load ng pang-internet o kumonek sa Wi-Fi. Ngunit kung ang hanap mo ay yung tipong aksyon, labanan at panaan, pwede mong subukan ang larong nilikha ng Playshore SL na tinatawag na Archers Kingdom TD – Best Offline Games.

Ang Archers Kingdom TD ay isang uri ng action-shooting game kung saan umiikot ang kwento sa pagdepensa ng manlalaro sa kastilyo at kaharian sa pamamagitan ng isang pana. Gaya ng ibang laro, layunin nitong protektahan ang teritoryo sa pag-atake ng kaaway at halimaw. Ang mga kalaban na makikita mo ay mga kalansay na galing sa ilalim ng lupa at sumasalakay galing sa labas ng kaharian. Kaya tungkulin mong puksain sila upang hindi na makalapit at makapaminsala pa sa iyong teritoryo.

Sa larong ito, may kakayahan kang makontrol ang iyong galaw at bumuo ng sarili mong estratehiya laban sa kaaway. Ang iyong armas na pana ay maaari mong i-upgrade upang mas maging epektibo ang pagpatay mo sa kalaban. Maaari ka ring magtayo ng toreng kusang naglalabas ng bala kapag may halimaw na paparating sa iyong kastilyo. Ito ay makakatulong para mapabilis ang pagpuksa mo sa kalaban at kung sakaling sama-sama silang lumusob. Nakasalalay sa iyo ang kaligtasan ng iyong kaharian.

Features ng Archers Kingdom TD – Best Offline Games

Archery and Tower Defense – Hindi katulad sa ibang mga action-shooting game, espesyal at makapangyarihang pana ang pangunahing sandata sa Archers Kingdom TD. Sa larong ito, matutunan mong maging asintado upang tamaan ang mga kalaban. Bukod dito, may mga tore ka ring itatayo bilang katuwang mo sa pagdepensa ng iyong kaharian. Nasa diskarte at pamamaraan mo kung saan at ano ang tamang lugar na pagtatayuan mo nito.

Mangolekta ng mga premyo at mahahalagang items – Sa bawat panalong laban, kaakibat nito ang iba’t ibang papremyo at items na magagamit mo para sa susunod na level ng laro. Makakakuha ka ng mga item tulad ng arrows, bows, braces at towers. Kabilang dito ang mga basic fire arrow, adamantium bracer, ancient dragon bow, at pati na rin mga gold na gagamitin mong pambili ng bagong kagamitan.

Mga kakaibang level – Sa kada laro mayroong easy, medium at hard level. Mas mahirap na level mas mataas ang premyo at puntos na makukuha mo. Bukod pa rito, malaya ka ring mamili kung anong sandata o armas ang iyong dadalhin sa laban. Nasa sarili mong estratehiya at pamamaraan kung paano ka magtatagumpay.

Saan Pwedeng I-download ang app?

I-click lamang ang mga link sa ibaba para mai-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Archers Kingdom TD – Best Offline Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.generagames.tdskullcastledefense&hl=en&gl=US

Download Archers Kingdom TD – Best Offline Games on PC https://www.99images.com/apps/strategy/com.generagames.tdskullcastledefense/download

Sa kasamaang-palad, hindi available ang laro sa App Store para sa iOS users.

Tips kung Nais Laruin ang Archers Kingdom TD – Best Offline Games

Narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na makakatulong sa iyong paglalaro.

Madali at simple lang laruin ang Archers Kingdom TD para sa mga nais subukan ang larong ito. Sa unang level, makikita mo ang maraming lapida, malaking buwan, mga tuyot na puno at maliliit na sulo. Kung iisipin, tila isang sementeryo ang set-up ng laro. Naka-set ang larong ito sa isang creepy at madilim na lugar. Subalit nag-iiba ang setting ng labanan sa mga susunod na level.

Para protektahan ang kaharian mula sa mga kaaway, itapat lang ang berdeng hugis bilog sa iyong target, ito ay indikasyon upang alam mo kung saang bahagi pupunta ang iyong palaso. Maaaring gawing sunud-sunod ang pagpana o palitan ang uri ng palaso na iyong gamit upang mas mabilis mamatay ang kalaban. Huwag hayaang makalapit ang kaaway sa isang kastilyo. Nagbibigay rin ng hudyat sa laro kung kailan mo kailangang maghanda at mag-ayos sa pagsalakay ng kalaban. Tandaan, para manalo kailangan mong patayin ang sinumang lumapit papunta sa kinaroroonan mo. Sa bawat pagpatay na magagawa mo sa mga halimaw ay makakakuha ka ng karagdagang puntos.

Related Posts:

Extraordinary Ones Review

Pixel Gun 3D – Battle Royale Review

Bukod sa sandatang pana, may kapangyarihan ka ring makapagtayo ng tore bilang depensa mula sa kalaban. Gamitin mo ito upang madali mong mapuksa ang sabay-sabay na pagsalakay ng mga halimaw. Huwag mataranta agad, siguraduhin lang na tatama sa iyong target ang mga panang pakakawalan mo. Ito ang magdadala sa iyo tungo sa tagumpayan laban sa kasamaan.

O hindi ba madali lang intindihin ang larong ito? Pwede mo pang ma-access ang Archers Kingdom TD kahit offline ka o walang internet connection. Kung nahihirapan ka pa ring unawain ang mga hakbang sa paglalaro nito, huwag kang mag-alala dahil mayroon namang tutorial stage para sa mga gusto ng gabay habang tinutuklas ang laro.

Pros at Cons sa Paglalaro ng Archers Kingdom TD – Best Offline Games

Kung pag-uusapan ang graphics at visual effects, hindi ito boring at nakakaantok para sa isang action-shooting game. Hindi rin naman bongga tulad ng iba, subalit sakto lang para sa mga naghahanap ng libangan. Pati na rin ang sound effects nito na nakakadagdag-kaba at tensyon para sa mga manlalaro.

Kumpara naman sa ibang shooting games, advantage rin para sa mga nais ng laro na hindi na kailangan pa ng internet connection. Kaya tama ang turing sa larong ito bilang best offline games dahil isa ito sa magagandang laruin offline.

Bukod pa dito, hindi rin nakakasawa ang lugar na pinaglalabanan dahil kada level ay nag-iiba ito. Marami kang pagpipilian at hindi paulit-ulit ang bawat tagpo. Marami ring opsyon pagdating sa mga sandata na gagamitin mo, pipiliin mo lang ang pinakamainam na combination ng armas depende iyong istilo ng paglalaro.

Sa kabilang banda, maraming ads ang lumalabas at nakakasagabal sa paglalaro. Maaari mo itong i-dismiss ngunit hindi pa rin maganda para sa isang offline games. Dapat mong panoorin ang ads kung gusto mong makakuha ng ilang rewards sa laro sa pamamagitan nito. May bugs at errors rin na mapapansin sa laro ngunit naayos din naman agad pagkatapos ng ilang minuto.

Konklusyon

Sa palagay ng Laro Reviews, siguradong magugustuhan mo ang larong ito dahil malilibang at magiging aktibo ka rito. Matututo kang mag-isip ng sariling estratehiya at pamamaraan sa paglaban. Kung isa ka sa mga taong naghahanap ng action-shooting game offline, subukan mo ang larong ito. Kaya ano pang hinihintay mo, i-download mo na ang Archers Kingdom TD – Best Offline Game!

Laro Reviews