“Are you ready kids? Aye aye captain! I can’t hear you… AYE AYE CAPTAIN! Ohhhh, who lives in a pineapple under the sea?” SpongeBob SquarePants!”
Ito ang paunang linya sa kantang patok na patok, hindi lamang sa mga bata, kundi maging sa mga matatanda. Sino ba naman ang hindi makakikilala kay SpongeBob SquarePants bilang isang positibo at masayahing cartoon character na bidang-bida sa palabas na tampok ang Bikini Bottom. Samu’t saring biro at aral ang mapupulot mula sa palabas na ito. Tampok din sina Patrick, Gary, Squidward, Sandy, Mr. Krabs, at Plankton na kinagiliwan at nagbigay kulay din sa kwento.
Ang setting ng larong SpongeBob SquarePants BfBB ay nagsimula sa isang cinematic scene na kung saan gumawa si Plankton ng hukbo ng mga robot mula sa kanyang makinaryang Duplicatotron 3000 upang maisakatuparan ang kanyang pinakamimithi – ang mapasakamay ang Krabby Patty formula. Ngunit dahil sa kanyang kapabayaan, hindi niya napasailalim ang mga robot ayon sa kanyang kagustuhan at sa halip ay nagkalat ng lagim sa buong Bikini Bottom.
Sa kabilang banda, sina SpongeBob at Patrick ay naglalaro ng robot sa pinyang tahanan ni SpongeBob upang magpalipas ng oras. Hiniling ni SpongeBob ang tsansang makipaglaro kasama ang mga robot. Kinaumagahan, naglipana ang mga robot at tikis sa Bikini Bottom. Dahil sa pag-aakalang si SpongeBob ang sanhi ng kaguluhang ito, ninais niyang isalba ang buong Bikini Bottom mula sa hukbo ng robot at tikis. Mula rito, maaari na nating malaro hindi lamang si SpongeBob, kung hindi maging sina Patrick at Sandy rin laban sa masamang balak ni Plankton.
Paano laruin ang SpongeBob SquarePants BfBB?
Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play para sa mga Android user at sa App Store naman para sa Apple users. Ilagay sa search bar ang SpongeBob SquarePants BfBB. Bilang isang premium game, kinakailangang bayaran muna ang laro bago makapagsimula. Matapos nito, hintaying ma-download at kumpletuhin ang sign-in details. Ayan, maaari mo nang simulan ang laro!
Features ng SpongeBob SquarePants BfBB
Isa sa mga feature ng larong SpongeBob SquarePants BfBB ay ang iba’t ibang skill set na mayroon sina SpongeBob, Patrick, at Sandy. Makatutulong ito upang magapi ang mga robot, tikis, mini-boss, at mga boss sa bawat dimensyon. Si SpongeBob ay ang may pinakamaraming skill set: Cruise Bubble, Bubble Bash, Bubble Bounce, Bubble Spin, Bubble Bowl, Sneak, at Sponge Ball. Samantalang ang kay Patrick ay ang mga sumusunod: Throw Fruit, Freezy Fruit, at Belly Flops. Sa kabilang banda, ang kay Sandy naman ay ang Karate Kick, Swing Hook, Lasso, Glide, at Texas Trailer Hitches. Ang pagkakahalintulad nilang tatlo ay ang skill na Jump at Double Jump na kung saan ay maaari mong maabot ang mga bagay mula sa matataas na lugar o magpalipat-lipat sa mga matatayog na gusali. Mahalagang maging pamilyar sa mga skill set upang mapadali ang pagkuha ng shiny objects, ang currency ng laro, na iyong magagamit upang makabili ng Golden Spatula at magkaroon ng access sa mga off-limit na lugar. Maaaring pagpalit-palitin ang mga karakter, hanapin lamang ang mga Bus Stop na iyong matatagpuan. Isa sa mga layunin ng laro ay makapangolekta ng Golden Spatulas matapos makumpleto ang mga task. Magagamit ang mga ito upang ma-unlock at makapunta sa iba pang bahagi ng Bikini Bottom.
Related Posts:
One Night at Flumpty’s 3 Review
Day R Premium Review
Hindi na bago ang gameplay na mayroon ang larong ito. Bilang isang platform game, ginagamit ang D-pad upang pagalawin ang iyong napiling karakter. May iba’t ibang controls din upang ma-activate ang kanilang skills. Bukod sa touch-screen option, isa pang feature na tiyak na kinagiliwan ng mga manlalaro ay ang full controller support nito. May opsyon na gamitin ang iyong paboritong controller sa paglalaro ng SpongeBob SquarePants BfBB.
Saan pwedeng i-download ang SpongeBob SquarePants BfBB?
- Download SpongeBob SquarePants BfBB on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.hg.bfbb
- Download SpongeBob SquarePants BfBB on iOS https://apps.apple.com/gb/app/spongebob-squarepants-bfbb/id1523633394
Tips at Tricks para sa SpongeBob SquarePants BfBB
Sa simulang bahagi ng SpongeBob SquarePants BfBB, mahalagang maging pamilyar sa skill set ni SpongeBob. Kunin ang lahat ng shiny objects na iyong makikita dahil ito ang magsisilbing currency mo sa kalakhan ng laro. Huwag kakaligtaan ang mga Information Sign na magbibigay sa iyo ng tips patungkol sa gameplay at mainam na istratehiya upang mas madaling makumpleto ang mga task. Sa kalagitnaan ng laro, maaari mo nang laruin sina Patrick at Sandy na kung saan importante rin na maging pamilyar sa kanilang kakaibang skill set. Bukod dito, magandang mahanap din ang nawawalang medyas ni Patrick na ninakaw ng mga robot. Tinatayang may 80 medyas sa kabuuan ng laro. Magagamit mo ito upang ipamalit sa Golden Spatula.
Mahalagang puno rin ang reserba mong “underwear” na katumbas ng iyong buhay sa laro. Kada tama sa iyo ng kalaban, mababawasan ng isang pares ang iyong underwear. Ngunit mapapalitan ang nawalang mga enerhiya sa pagkuha ng mga underwear na iyong makikita habang binabaybay ang laro. Importante rin na sunud-sunod ang iyong damage sa kalaban upang makakuha ng combo. Mas mataas na combo, mas maraming shiny objects na makukuha.
Pros at Cons ng BfBB
Tunay ngang binubuhay ng SpongeBob SquarePants BfBB ang pagkabata sa bawat manlalaro. Kung susuriin ang graphics at audio, malinaw at makulay itong nagbibigay karagdagang buhay sa karanasan ng manlalaro. Hindi masasabing ito ang may pinakamagandang graphics kumpara sa mga larong kahalintulad nito, ngunit masasabing ito ay higit sa pangkaraniwan.
Isa pang positibong aspeto ng SpongeBob SquarePants BfBB ay ang kanilang full control support. Mainam na gumamit ng controller upang mas maging swabe at walang sagabal sa iyong gameplay dahil may isyu ng lagging sa touch control ang laro.
Bagamat maganda ang graphics at audio ng laro, madalas din ang kaso ng pag-crash at glitch sa kanilang sistema. Maging sa mga high-end device na naka-set up na sa pinakamababang FPS (frames per second), hindi pa rin kinakaya ang laro. Hindi rin maganda kung wala kang controller na magsisilbing alternatibong solusyon kung madalas magloko ang touch control ng iyong smartphone. Bukod pa rito, may mga kaso rin na nakahihilo ang camera angle ng laro.
Konklusyon
Sa madaling sabi, nakaaaliw at nakalilibang ang SpongeBob SquarePants BfBB. Mula sa makukulay nitong graphics, hanggang sa pamilyar na mga karakter at kwento na ating kinalakihan – tunay ngang bubuhayin nito ang pagkabata sa bawat isa. Sa kabilang banda, kinakailangang pag-ibayuhin ang touch control system ng laro. Hindi kaaya-ayang magbayad sa isang premium game nang hindi ito maiging nasusulit at patuloy na makahaharap ng sunud-sunod na glitches at pagka-crash. Sa kabila ng lahat ng ito, kung nais mong balikan ang masayang alaala ng iyong kabataan, i-download na at laruin ang SpongeBob SquarePants BfBB!
Laro Reviews