Naghahanap ka ba ng survival game na iyong pagtutuunan ng pansin at panahon? Kung gayon, sakto sa iyo ang larong tatalakayin natin sa article. Ang Westland Survival: Cowboy Game ay isang Western-themed massively multiplayer online role-playing game (MMORPG) na ginawa ng Helio Games. Maraming nakaabang na sorpresa ang laro para sa iyo, katulad ng pagtatayo ng mga gusali, pakikipaglaban sa bandits gamit ang pistols at rifles, pagka-craft ng panibagong items, at marami pang iba. Gawin ang lahat ng makakaya upang manatiling ligtas sa iyong paglalakbay at pagsasagawa ng mga misyon.
Gabay Para sa mga Bagong Manlalaro ng Westland Survival: Cowboy Game
Sa pag-umpisa ng laro, ang unang kailangan mong gawin ay i-customize ang gagamiting karakter. Kasama rito ang pagpili kung magiging babae o lalaki ang karakter at kung ano ang kanyang itsura, ayos at kulay ng buhok, at kulay ng balat. Pagkatapos nito, magkakaroon ng introduksyon tungkol sa storyline ng laro. Umiikot ito sa maliit na wild town sa may kanluran kung saan mapayapang naninirahan ang mga tao. Gayunpaman, labis na nagbago ang sitwasyon dito matapos sumalakay ang bandits pagsikat ng araw.
Para sa controls ng laro, gamitin ang joystick na nasa kaliwang ibabang bahagi ng screen para pagalawin ang karakter at kontrolin kung saang direksyon ito pupunta. Kapag naman may kailangan kang gawin, makikita mo ang buttons sa kanang ibabang bahagi ng screen. Dito matatagpuan ang buttons para gamitin ang weapon bilang depensa at atake sa kalaban o mabangis na hayop, ang equipments sa pagkuha ng resources, at para makipag-interact sa ibang karakter.
Matatagpuan sa baba ng screen ang buttons para sa Chat, Offers, Blueprints, at Inventory. Sa chat system ng laro, maaari kang makipag-usap sa ibang mga manlalaro ngunit kailangan muna ng dovecote para rito. Nakabatay sa iyong settings ang wikang gagamitin sa chat kaya kung Ingles ang naka-set, ibig sabihin ay Ingles din ang mababasa rito. Nasa Offers section naman matatagpuan ang in-game purchases kung saan nahahati ito sa Hero Pack, Best Value, Guns at Armor, Westland Delivery, at Bank. Makikita mo naman sa Blueprints ang detalye ng mga item na pwede mong makuha. Panghuli at ang pinakagagamitin mo sa lahat, ang Inventory ang magsisilbing lalagyan ng makukuha mong resources.
Saan Pwedeng I-download ang Westland Survival: Cowboy Game?
Sa section na ito ng article ituturo kung paano i-download ang Westland Survival: Cowboy Game. Available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos gawin ito, pwede mo nang simulan ang iyong paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Westland Survival: Cowboy Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.heliogames.westland
Download Westland Survival: Cowboy Game on iOS https://play.google.com/store/apps/details?id=com.heliogames.westland
Download Westland Survival: Cowboy Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/westland-survival-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Westland Survival: Cowboy Game, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong Google Play account.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Narito ang Laro Reviews upang magbigay ng tips na maaaring magsilbing gabay sa iyong paglalaro. Una sa listahan ang pagtatago ng lahat ng gamit na iyong makukuha. Kapag sinabing lahat ng gamit, ibig sabihin ay magmula straws hanggang kahoy, mainam na itago ito habang nagtatayo ka pa ng iyong base at workbenches. Kabilang sa workbenches ang garden bed, well, bonfire, kitchen, carpenter table, at napakarami pang iba. Napakaimportanteng parte ng survival ang pagkakaroon ng malawak na variety ng materials na pwede mong magamit, lalo na kapag pataas na nang pataas ang iyong level. Kakailanganin mo ito upang magkaroon ng progress sa laro.
Kapag nakakolekta ka na ng sapat na dami ng kahoy, unahin mong magtayo ng bahay. Unahin mong gawin ang floor at isunod ang wall, door, at iba pa. Dito ka makapaglalagay ng storage boxes, workbench, at marami pang items. Nakadepende sa laki ng bahay ang maaari mong mailagay na gamit sa loob nito. Ngunit huwag matarantang makagawa agad ng magarbo at malaking bahay, mas maganda kung magsimula ka muna sa maliit. Importanteng makapagtayo ka rin ng iyong workbenches at dovecote sapagkat kailangan ito sa pagka-craft ng weapons at mga damit. Kabilang din sa kakayahan nito ang pagluluto ng pagkain at pagre-refill ng jars kapag wala na itong laman. Makakatulong ang pagkakaroon ng dovecote para malaman kung ano ang pwedeng ialok ng Trader lalo kung maingat ka sa paggastos ng energy.
Alamin ang stats ng laro. Binubuo ito ng Damage, Attack Speed, Attack Range, at Durability. Mainam na magpokus sa stats na magiging pinakaepektibo sa kung ano ang iyong istilo sa paglalaro. Iwasan ding magutom at mauhaw nang lubusan ang karakter dahil magreresulta ito ng kanyang pagkamatay kung hindi agad maaagapan ito.
Huwag kalilimutang kunin ang iyong daily rewards araw-araw. Kapag nasa world map ka, makikita mo ang calendar na icon sa kaliwang ibabang bahagi ng screen. I-click ito at makikita mo ang listahan ng rewards na maaari mong matanggap kada araw sa tuwing magla-log in ka sa laro. Matatagpuan mo rin kung ilang oras ang natitira para maging available ang susunod na reward. Nagre-restart ito kada 30 araw simula nang gumawa ka ng account. Makakatulong ang rewards na makukuha mo rito dahil mahalaga ang magiging gamit ng mga ito sa iyong paglalakbay, katulad ng weapons, tubes, coins, at iba pa.
Pros at Cons ng Westland Survival: Cowboy Game
Maayos ang graphics ng laro at madali lang ang mechanics nito kaya hindi mahihirapan ang mga manlalarong matutunan ito. Bukod dito, sinamahan din ng kagila-gilalas na sound effects kaya mas nagiging makatotohanan ang mga destinasyong pinupuntahan. Maganda rin ang content nito dahil marami kang madidiskubre gamit ang iyong karakter at iba’t ibang adventures din ang iyong tatahakin. Malawak ang mapa nito kaya marami kang pwedeng abangang mapupuntahan habang nagpapatuloy sa paglalaro. Gayundin, nakaka-enjoy ang pagkakaroon ng kakayahang mag-craft ng weapons, i-equip ang karakter, at marami pang iba. Ikaw ang may kontrol sa magiging kapalaran ng iyong karakter sapagkat ikaw ang magpo-provide ng weapons, damit, at mga pagkain nito.
Mayroong energy system ang laro kung saan kailangan mo ito upang makapunta sa ibang lugar. Limitado lamang sa 100 energies ang pwede mong magamit. Bagaman naire-restore naman ang energy, malaki ang kailangan mo upang maipagpatuloy ang paglalaro sapagkat 25 energies ang dapat mayroon ka para makadayo sa ibang destinasyon. Dahil dito, mahirap makakuha ng resources lalo na’t isang energy lang ang nadadagdag sa bawat tatlong minuto at tatlumpung segundo. Kapag kulang ka na sa energy, kailangan mo pang maghintay nang matagal kung ayaw mong magbayad ng aktwal na pera para rito.
Konklusyon
Saktong sakto ang Westland Survival: Cowboy Game sa mga mahilig maglaro ng survival games. Kaya naman sa larong ito, mararanasan mong mag-explore ng iba’t ibang lokasyon para makakuha ng resources na iyong gagamitin. Madali lang din naman ang mechanics at controls ng laro kaya hindi ka mahihirapang laruin ito. Bagaman nakaka-enjoy ang gameplay nito, mabibitin ka pa rin sa paglalaro dahil sa limitadong energies nito. Balikan ang mga inihandang tips at tricks ang Laro Reviews para matulungan ka sa paglalaro kung nais mo itong subukan.