Minsan bang sumagi sa isip mo kung ano ang iyong mga dapat na gawin upang mabuhay at makaligtas kapag dumating ang pagkakataon na ikaw ay nasa isang zombie apocalypse? Kung gayon maaari mong malaman at maranasan ito sa pamamagitan ng isang laro na hatid ng Royal Ark, isang Russian development team, ang Dawn of Zombies: Survival. Kung alam mo ang larong Last Day on Earth Survival ng Kefir, may pagkakahawig sila ng Dawn of Zombies: Survival. Kung ano ang nilalaman at paano nilalaro ay may ilan silang pagkakatulad. Ito ay isang action-survival game na nakatakda sa post-apocalyptic na mundo, kung saan haharapin mo ang iba’t ibang uri ng marahas na kondisyon, malupit na attake sa iyong base, taggutom, kasakitan, at lalo na ang pagsalakay ng mga mutants at zombies laban sa iyo.
Ang mga survival game ay isang uri ng laro na kadalasang nakatakda kapag may mga insidente o pangyayari ng pag atake na kinakailangan mong takasan. At sa iyong pagtakas, para manatili ka sa loob ng laro, kailangan mong gawin ang lahat upang protektahan ang iyong buhay at sa anumang paglusob ng kalaban. Kaya naman ang iyong abilidad, kakayahan, lawak ng imahinasyon, mga nabuong estratehiya at kakaibang paraan upang maligtas ay kailangan sa larong ito.
Ayon sa Dawn of Zombies: Survival, nagsimula ang lahat mula sa pagkasira at pagsabog ng Nuclear Plant. Ito ang naging dahilan ng pagkawasak, panganib at kasakitan sa lugar ng Last Territories. Subalit may ilang mga nabuhay at pilit na lumalaban para sa kanilang sarili. Kaya naman ang mga taong nakaligtas ay tinawag itong Conflagration. Ang mga kinakaharap nila ay radiation, aberrations, taggutom, sakit, pagkauhaw, mababangis na hayop at mga tulisan. Bukod pa rito ang pinaka-mapanganib na mga Charrred, ang mga patay na nabuhay o zombies. At kapag nalagpasan nila itong lahat, mahahayag ang katotohanan kung paano at ano nga ba ang nangyari sa pagkawasak ng Last Territories.
Kaya sa pagsisimula mo ng laro, mapapanood mo ang maikling kwento ng Dawn of Zombies: Survival na makatutulong upang maunawaan mo ito at makasunod ka sa daloy ng laro. Ito ang naglalahad ng masalimuot na pangyayari sa tahanan ng Last Territories.
Features ng Dawn of Zombies: Survival
Shelter or Base – Para ka makaligtas, kailangang ang iyong tahanan, o maituturing mo ring base camp laban sa mga kalaban, ay matibay at matatag. Sa pamamagitan nito maaari mong mapanatili ang iyong buhay, lakas at kaligtasan. Kaya naman sa pagbuo at pagtayo nito kailangan mong maging maabilidad at mautak upang hindi ito agad mawasak o mapasok ng iba. Tungkulin mo rin na alisin o patayin ang mga mababangis na hayop, tulisan at zombies na umaaligid sa iyong base. Sa bawat pagpatay mo, makakakuha ka ng XP maging mga kagamitan para sa iyong tahanan. Subalit limitado lamang ang espasyo sa loob nito kaya marapat lang na gamitin at ayusin mong mabuti kung ano ang mga ilalagay mo rito. Siguraduhin na ito’y makakatulong at pangunahin para sa pagkaligtas mo. Ngunit may ibang paraan na inilaan para maisaayos mo ang iyong mga bagay. Maaari kang mangolekta ng mga kahon na iyong makikita para mapaglagyan ng iyong mga kagamitan.
Crafts, weapons and equipments – Hindi ka mabubuhay sa isang survival game kung ikaw ay wala kahit isang sariling kagamitan. Kaya naman palagi mong gawing pangunahin ang mga survival kit, at mga kagamitan na pwede mo ring i-upgrade. Sa Dawn of Zombies: Survival maaari mong makuha ang mahigit sa 60 na armas tulad ng A-K, M16, Makarov pistol at iba pa. Maging ang mga crafts na may higit 150 blueprints. Bukod pa riyan, sa iyong paglalaro makakakuha ka ng mga sandata o armas panlaban katulad ng mga baril, kutsilyo at marami pang iba. Mayroon ring mga sasakyan na maaari mong gamitin sa paglalakbay. Maaari mo itong organisahin sa crafting menu at isalansan ayon sa iyong kagustuhan.
Hundreds of quests – Higit pa riyan, ang Dawn of Zombies: Survival ay naghanda rin ng napakaraming quests sa loob ng laro. Sa pagsisimula mo pa lamang sa laro ay may mga story quests ka ng dapat sundin. Ito ang magdadala sayo para buksan ang mga karakter, lokasyon, features at content ng laro. Madidiskubre mo ito sa iyong paglalakbay na siya ring makakatulong para lumakas ang iyong karakter, makakuha ng mga kayaman at gamit para sa iyong base camp.
Multiplayer – Maaari mong laruin ito nang may kasama at katulong. Pinahihintulutan ang pakikipag-ugnayan sa ibang pangkat o clan. Magkakasama ninyong lulusubin ang mga pinunong kalaban.
Saan pwedeng i-download ang app?
Maaari mong i-download ang laro gamit ang sumusunod na links:
Download Dawn of Zombies: Survival on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.survival.last
Download Dawn of Zombies: Survival on iOS https://apps.apple.com/ca/app/dawn-of-zombies-the-survival/id1465954247
Download Dawn of Zombies: Survival on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/dawn-of-zombies-survival-after-the-last-war-on-pc.html?utm_campaign=aw-deal-com.survival.last
Tips kung nais laruin ang Dawn of Zombies: Survival
Narito ang ilang sa mga tips ng Laro Reviews sa larong Dawn of Zombies: Survival para sa mga nagnanais na laruin ito.
Sa una pa lamang nito, may kalayaan kang idisenyo ang nais mong karakter. Ikaw ang mamimili ng kasarian, pisikal na itsura, kasuotan at pangalan. Pagkatapos nito ay magsisimula na ang yugto ng laro. Makakasagupa mo agad ang ilang mga Charred o zombies at kailangan mo silang patayin upang makakuha ng mga kagamitan at puntos. Makakakita ka ng isang tahanan, ililigtas at makikilala mo si Riveter, ang isang karakter sa laro. Nawawala ang kanyang kasama kaya ikaw ay agad na sasaklolo sa kanya. Mangangailangan kayo ng mga kagamitan, pagkain, sandata at tirahan para makaligtas. Kaya naman ikaw ay maglalakbay upang maghanap, mangolekta at manguha nito sa paligid.
Related Posts:
Raziel: Dungeon Arena Review
World War 2: Shooting Games Review
Dagdag pa rito, ang larong ito ay tuturuan kang maging malikhain, maabilidad at madiskarte sa mga matatagpuan mong kasangkapan. Ang masusing paghahanap, pagtingin at pag-analisa ng mga bagay ay dapat mong tandaan para makakuha ng kagamitan. Ito ay dahil ang ilang mga gamit ay maayos pa at ang iba naman ay wasak o sira na. Subalit ito ay maaari mong buuin, kumpunihin o i-upgrade upang magamit para maka-survive.
Kung ikaw naman ay naguguluhan pa rin sa mga hakbang na gagawin at sa pagkakasunud-sunod ng laro maaari mong pindutin ang tutorial para maintindihan mo ito at masayang laruin ng hindi nahihirapan.
Pros at Cons sa paglalaro ng Dawn of Zombies: Survival
Kung baguhan ka pa lamang sa laro, mapapansin mo na agad na ang graphics, visual effects at tugtog na ginamit ay siyang akma sa tema ng isang survival game. Kumpara sa ibang mga ganitong uri ng laro, maraming mga itinampok ang Dawn of Zombies: Survival na kapanapanabik, nakakakaba at matinding laban. Patuloy rin ang pag-upgrade ng laro, dumami ang features at pagpipilian na nakakaganda para sa mga manlalaro at nagnanais na maglaro.
Isa pa sa kalamangan nito, habang tumatagal ang laro at paglalakbay mo sa mga quests mas tumitindi ang laban. Kung saan mas lalong nakakapukaw at inaabangan ang bawat hamon sa susunod na antas. Siguradong hindi ka maiinip at tatamarin sa usad ng kwento ng larong ito.
Subalit isa sa kondisyon nito ay hindi mo maaaring malaro ang ilang bahagi ng Dawn of Zombies: Survival ng offline. Hindi katulad ng ibang laro, ito ay gagana lamang at magagamit mo ng may internet connection. Dagdag pa rito, ang ibang parte rin ng laro ay nangangailangan pang pagbutihin.
Gayunpaman, kung susuriing mabuti, para sa Laro Reviews, pasok sa kalidad ng isang survival game ang larong ito lalo na sa temang zombie apocalypse na kinagigiliwan ng marami.
Konklusyon
Ang Dawn of Zombies: Survival ng Royal Ark ay patuloy na namamayagpag sa pagpapahusay ng kanilang laro. Hindi sila tumitigil para mas mapaganda ang bawat detalye at nilalaman nito. Kaya naman marami ka pang dapat abangan at asahan para sa mga bagong karakter, features at content ng larong ito. Tiyak na ito’y kapanapanabik at kaaaliwan ng mga manlalaro. Hindi malabong magustuhan mo rin ito at laruin ng walang humpay subalit ang laging paalala, gamitin ito ng tama.
Laro Reviews