Sa dami ng larong makikita mo sa Google Play Store, marahil hindi na bago sa iyo ang mga larong baraha. Kaya kung hanap mo ay mga card game na may kakaibang kategorya sa lahat, sigurado akong magugustuhan mo ang likha ng Slothwerks, ang Meteorfall: Journeys.
Ang Meteorfall: Journeys ay isang larong deck-building roguelike na may kasamang aksyon at adventure. Opisyal na inilunsad ito noong taong 2018 at hanggang ngayon ay available pa rin sa Google Play Store at App Store.
Kung hindi ka pamilyar sa larong deck-building, ito ay ang paglalaro ng barahang may layuning makabuo ng panibagong malakas na deck bilang pangunahing elemento ng gameplay. Samantala, ang roguelike naman ay isang game feature. Matatawag mong roguelike ang isang laro kapag ito ay may mga elemento ng rogue. Kung ito ba ay permadeath, procedurally generated content, turn-based gameplay at grid-based movement. Nangangahulugan lamang ito na mayroon pamantayang sinusunod ang buong laro na dapat mong sundin. Kadalasang katangian nito ay kailangan mong magsimulang muli sa umpisa ng laro sa tuwing ikaw ay matatalo.
Ipamalas ang iyong kakayahan sa pagbuo ng estratehiya at sariling pamamaraan upang matalo ang kalaban. Ito na ang panahon para tapusin ang patuloy na pagwasak ng kalabang si Ulberlich. Nasa iyo nakasalalay ang tagumpay ng bawat laban.
Para mas lumawak pa ang iyong kaalaman at ideya kung ano nga ba ang Meteorfall: Journeys, basahin ang buong artikulo upang maunawaan ang tungkol dito. Narito ang ilan pang mga detalye tungkol sa larong ito.
Features ng Meteorfall: Journeys
Roguelike Gameplay – Kumpara sa ibang mga card game, ang Meteorfall: Journeys ay isang roguelike na laro. Ito rin ay isang kapanapanabik at matinding deck-building combat. Kaya naman kakaiba ito sa lahat ng card game na maaari mong laruin.
Daily Challenge Mode – Ang Meteorfall: Journeys ay mayroon ding daily challenge mode. Kaya naman sa bawat araw na bubuksan mo ang laro, kailangan mong laruin ang mode na ito at ipanalo. Sa huli, makikita mo kung ano ang rank mo sa leaderboards at ano ang iyong mga nakamit.
Unlockable hero skins at cards – Sa pamamagitan ng paglalaro mo nito at pagpapanalo sa bawat laban, maaari mong mabuksan ang mga hero skin at cards ng laro. Maraming mga hero skin ang posible mong buksan at aabot naman sa mahigit isandaan at limampung cards na matutuklasan mo.
Upgrade items – Maaari mo ring i-upgrade ang mga card, skins, items at iba pang mga ginagamit mo sa laro. Sa pamamagitan ng mga gem na makukuha mo sa laban, ito ang gagamitin mo para bumili o mabuksan ang mga nakasaradong item. I-upgrade rin ang iyong mga baraha para mas lalong lumakas ang mga ito.
Bagong update – Kung sisimulan mo pa lamang laruin ito, mayroon silang bagong update. Dinagdagan nila ang mga baraha, pinabuti ang Battle Royale at inayos ang ilang bugs na kadalasang nararanasan ng mga manlalaro.
Walang ads, timers o freemium shenanigans – Ang Meteorfall: Journeys ay walang mga ad, timers o freemium shenanigans na nakakaabala sa iyo habang ikaw ay naglalaro. Kaya naman makakapokus ka sa laban dahil tuluy-tuloy ang daloy ng laro.
Diskubrehin ang mahigit 150 na baraha – Maraming iba’t ibang klase ng baraha ang pwede mong pagpilian. Aabot sa mahigit 150 na mga baraha ang maaari mong mabuksan at magamit sa iyong laban.
Saan pwedeng i-download ang Meteorfall: Journeys?
Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang mga links sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:
Download Meteorfall: Journeys on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.slothwerks.meteorfall
Download Meteorfall: Journeys on iOS https://apps.apple.com/us/app/meteorfall-journey/id1269922212
Download Meteorfall: Journeys on PC https://www.gameloop.com/ph/game/card/meteorfall-journeys-on-pc
Para mai-download ang laro, kailangan mo muna ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo na itong buksan at laruin.
Tips at Tricks kung nais Laruin ang Meteorfall: Journeys
Kung ikaw ay baguhan pa lamang at nagnanais na laruin ang Meteorfall: Journeys, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.
Para sa mga bagong manlalaro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundan lamang ang itinuturo sa tutorial stage at basahing mabuti ang isinasaad sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan at maging pamilyar ka kung paano laruin ang Meteorfall: Journeys.
Sa pagsisimula ng laro, kailangan mong mamili ng hero na gagamitin mo. Ang ilan sa mga pwede mong pagpilian ay sina Bruno, Greybeard, Mischief, Rose, Muldorf at iba pa. Pagkatapos mong pumili ng karakter na gagamitin mo sa laban, sunod na hakbang ay ang lokasyong nais mo. Pindutin lamang ang compass, swipe right kung forest at swipe left kung crypt ang lugar na pipiliin mo. Susunod dito ay ang simula na nang labanan.
Para mas madali mong maunawaan kung paano ito laruin, ang mga baraha sa harap mo ay naglalaman ng halimaw na maaaring mong kalabanin at ang mga gagamitin mong pang-atake sa kaaway. I-swipe sa kanan kung nais mong gamitin ang baraha at swipe sa kaliwa kung gusto mo itong lampasan. Nasa pinakahuling barahang hawak mo ang boss na kailangan mong talunin. Kaya kailangan mong pag-isipan ang bawat atakeng gagawin mo upang mapanatili ang iyong buhay hanggang dulo. Maaari mong i-skip ang ilang mga halimaw na makakaharap mo ngunit hindi mo maaaring i-skip ang lahat ng ito. Tandaan, mayroon lamang sapat na bilang ang baraha. Maging madiskarte at maingat sa bawat hakbang ng pag-atake. Nakadepende sa sarili mong istilo ng paglalaro ang pagkapanalo mo sa laban.
Gamiting mabuti ang barahang hawak mo at pag-isipan ang bawat paglusob sa kalaban. Kung sino ang matirang buhay sa huli ang siyang tatanghaling panalo. Nakasalalay sa iyo ang pagkapanalo mo sa laban.
Ilan lamang ito sa mga tip at tricks na maaaring makatulong sa iyong paglalaro. Subalit mas mainam kung maranasan mong mismo ang paglalaro nito upang lubos mong maunawaan ang daloy ng laro at ma-enjoy ito.
Pros at Cons sa Paglalaro ng Meteorfall: Journeys
Kung pag-uusapan ang tema ng larong ito, para sa Laro Reviews, mayroong itong kakaibang konsepto. Madali at mabilis lang matutunan ang gameplay nito, kung ano ang gamit ng baraha at ano ang mga katangian ng mga karakter mo. Hindi gaanong mahirap intindihin ang mga dapat mong pindutin sa laro dahil mayroong indikasyon ang lahat ng ito. Kaya naman nakahihikayat itong laruin para sa mga bata, kabataan at pati sa matatanda. Angkop itong laruin ng mga batang edad tatlo pataas. Walang mga karahasan at bayolenteng nilalaman ang laro. Wala ring masamang lenggwaheng nakakaapekto sa bata.
Pagdating naman sa graphics, mahusay ang pagkakagawa nito at nakaka-enganyo sa mga manlalaro. Ang pagkakagawa sa mga karakter, baraha, lokasyon, art style at ng buong nilalaman ng laro ay kahanga-hanga. Maging ang mga visual at sound effects na ginamit ay nagdadala sa iyo sa mood ng isang laban. Hindi ka rin malilito sa daloy ng laro dahil ito ay simple lamang subalit kapanapanabik.
Maganda rin ang mga review na natatanggap ng laro sa Google Play Store at App Store. Marami ang nagsabi na ito ay masaya at magandang deck-building roguelike na patuloy nilang nilalaro hanggang ngayon.
Subalit, ang Meteorfall: Journeys na laro ay hindi libre. Kailangan mong bayaran ito bago mo malaro. Sa Google Play Store, ito ay nagkakahalaga ng ₱205. Habang sa App Store naman, ito ay ₱199. Maaari mo itong bayaran sa pamamagitan ng Globe Telecom billing, credit or debit card, Gcash at Paypal. Kapag nabayaran mo na ito, maaari mo itong laruin online man o offline. Wala ring ads o timers ang lalabas habang ikaw ay naglalaro dahil premium ang account na gamit mo.
Bagama’t may bayad ang larong ito, hindi ka malulugi dahil sulit ang ibabayad mo. Lalo na kapag natutunan at nasubukan mo nang laruin ang Meteorfall: Journeys. Tiyak akong magugustuhan at kaaadikan mo rin ang larong ito tulad ng iba.
Konklusyon
Sa ngayon, mayroon itong 4.7 stars out of 5 ratings at may mahigit 100,000 downloads. Ibig sabihin, medyo marami na rin ang mga naglalaro nito hanggang ngayon. Ito rin ay pang-sampu sa pwesto ng Top Paid Card charts. Kaya kung gusto mong malaman pa ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang Meteorfall: Journeys!