War Robots Multiplayer Battles Review

War Robots Multiplayer Battles – Namamangha ka ba sa mechs at mech battles? Nag-eenjoy ka rin ba sa pakikipaglaro kasama ang iba sa loob ng mapagkumpitensyang battle arena? Pwes, ganito ang larong tatakalayin sa artikulong itong mula sa Laro Reviews.

Ang War Robots Multiplayer Battles ay mobile app game na binuo at inilabas ng Russian game developer na nagngangalang Pixonic. Ito ay pinagsamang third-person shooter na may real-time player-vs-player (PvP) battles at nasa multiplayer online battle arena (MOBA) mode. Nag-ooperate ang mga manlalaro bilang robots sa isang live battlefield na parang katulad sa BattleTech na Mecha turn-based strategy video game. Maaaring pumili kung maglalaro bilang solo o kung makiki-team up kasama ang ibang manlalaro.

Pagdating sa gameplay, ito ay 6v6 PvP shooter na kung saan ay kontrolado ng manlalaro ang robots. Mayroong iba’t ibang klase ng robots at ang bawat isa ay may natatanging abilidad, lakas, at kahinaan. Dagdag pa rito, napakaraming mga kumbinasyon ng armas ang maaaring gamitin.

Features ng War Robots Multiplayer Battles

Robot Selecting – Pumili ng iyong gagamitin mula sa 50 robots! Alamin ang pinakaakma sa iyong panlasa dahil ang bawat isa ay may natatanging disenyo at lakas.

Robot Customization – Gumawa ng sariling combo ng robot kasama ang napiling armas at modules. Huwag ding kalilimutang i-upgrade ang mga ito.

Multiplayer Mode – Makipag-team up kasama ang ibang manlalaro. Sumali sa malalakas na clans at hanapin doon ang partner na maaaring mapagkakatiwalaan. Hindi lamang ito, maaari ka ring gumawa ng sarili mong clan.

Solo Mode – Mag-isang lumaban sa battle! Magagawa mo ito sa pamamagitan ng special modes tulad ng Arena at Free-for-All.

Explore the Lore – Libutin ang daigdig ng War Robots! Mas lumalawak ito sa bawat update kaya tiyak na hindi malilimitahan ang iyong eksplorasyon.

Saan Pwedeng I-download ang War Robots Multiplayer Battles?

Pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang War Robots Multiplayer Battles. Libre lamang ang laro kaya diretso mo na itong maida-download. Pagkatapos i-download, kumpletuhin ang sign-in details para magsimula sa laro.

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download War Robots Multiplayer Battles on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.pixonic.wwr

Download War Robots Multiplayer Battles on iOS https://apps.apple.com/us/app/war-robots-multiplayer-battles/id806077016

Download War Robots Multiplayer Battles on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/war-robots-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng War Robots Multiplayer Battles, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com/. Sa Bluestacks ay ginanagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks Para sa mga Baguhang Manlalaro

Maaaring mabigla sa dami ng kabuuang nilalaman ng laro kaya basahin ang sumusunod na tips at tricks mula sa artikulo ng Laro Reviews.

Kapag sinimulan ang laro, ang mga bagong manlalaro ay bibigyan muna ng bot upang gamitin sa laban. Ang payo ko sa iyo ay piliin ang Destrier bot para makapa ang kabuuang mechanics ng laro at mas maging pamilyar sa controls. Ang Destrier ay maituturing na all-rounder kaya naman naaangkop ito sa tulad mong baguhang manlalaro. Dagdag dito, mahalagang tandaan na hangga’t maaari ay ipunin ang nakukuhang gold. Kadalasang nakakaudyok bumili ng upgrades para sa bots sa umpisa ng laro. Ngunit mabilis lang din lilipas ang features at upgrades nito kaya makabubuti kung huwag munang i-upgrade ang kahit anumang starter bots kapag lampas ng level 2.

Nararapat na maglaan ng sapat na oras para pag-aralan kung ano ang mayroon at pwedeng magamit sa labanan. Alamin din kung anu-ano ang kayang gawin ng iba’t ibang kumbinasyon ng iyong robot at armas. Mainam na magsaliksik nang maigi tungkol dito dahil makakatulong ito para maiwasan ang pagsasayang ng gold dahil sa pagbili ng mga hindi kinakailangang upgrades.

Sa oras ng labanan, kapag dumating ang oras na makaharap at makalaban ang mga mas magagaling at mas may karanasan kumpara sa iyo, ang pinakamainam na gawin ay manigurado sa taktikang gagamitin. Hangga’t maaari, iwasang makabangga at makuha ang atensyon ng iba. Sa unang mga laro, manatili sa likod na posisyon at gamitin itong pagkakataon para obserbahan ang bawat kilos at atakeng kanilang ginagawa. Dahil kung hindi, magiging pain ka lang ng kalaban kapag biglaan kang nanguna sa labanan. Kapag naging pamilyar ka na sa mga estratehiyang kanilang ginagawa, unti-unting gayahin at gamitin ito hanggang sa hindi mo na kailangang manatili lang sa backline.

Pros at Cons ng War Robots Multiplayer Battles

Ilan sa mga feedback tungkol sa laro ay nagmistulang gaya-gaya ito dahil sa maraming pagkakatulad sa MechWarrior na pangalawang larong nilabas galing sa GameTech series. Mula third-person perspective hanggang sa mobile controls ay makikita ang similar na katangian ng dalawang laro. Sa kabila nito, kung ang pag-uusapan ay ang pagiging high-end at team-based online multiplayer mech game gamit ang smartphone, masasabing mas natatangi ang larong ito. Kapuri-puri rin ang pagiging makatotohanan nito. Dinagdagan pa ng sound effects na talagang akma sa tema at mararamdaman mong tila ba ikaw ay nasa battlefield. Kaya naman masasabing kasiya-siya itong laruin, lalo na sa tuwing nararamdaman ang thrill ng pagiging kabilang sa isang squad habang nilalabanan ang iba pang team.

Bagamat free-to-play (F2P) ang laro, inaangal ng karamihan ang labis-labis na pagiging pay-to-win (P2W) nito. Mapapansing maraming manlalaro ang mayroong agad high-end na kagamitan kahit na sila’y nasa mababang leagues pa lang. Nagiging posible ito dahil nagbabayad sila ng limpak-limpak na pera para makakuha ng meta robots. Bukod pa rito, kapag nakabili na ng bagong inilabas na robots at armas, agad naman itong mapapalitan ng higit pang mas malakas na kagamitan. Ang nangyayari tuloy kinalaunan ay nagiging pangkaraniwan na lang ang kamakailang biniling mga kagamitan. Mapipilitan ka ring bilhin ang pinakabagong kagamitan upang lumakas sa laro at hindi matalo nang sunud-sunod. Hindi rin maayos ang matchmaking system dahil naghahalo ang mga bronze mula sa diamond na mga manlalaro. Lugi ang mga nasa bronze pa lang dahil mas mahihirapan silang manalo kung higit na mas malakas ang kalaban. Sa usaping team-based ng laro, wala itong chat system na pwedeng makipag-usap sa iyong mga kakampi. Doble ang hirap na magtulungan kung walang plataporma na magiging daluyan ng komunikasyon. Bukod pa rito, madalas din ang bugs na nararanasan sa laro. May pagkakataong nagka-crash ito, nagfi-freeze ang screen, o kaya nama’y hindi nakukuha ng sakto ang kinita o binili.

Konklusyon

Mapapansin ang mahusay na graphics at sound effects ng laro, pati na rin ang astig na robots at armas na pwedeng pagpilian. Ngunit kung susukatin ang negatibong reviews tungkol dito, hindi maituturing na pangmatagalan ang laro. Lalo na kung madalas ang bugs at nangangailangan ng labis na paggastos para mapaganda ang performance. Hindi rin sulit ang gagastusin para manalo sa laro dahil kailangang tuluy-tuloy ang paglabas ng pera para ma-maintain ang pagkakaroon ng malakas na kagamitan. Mahirap maging F2P na manlalaro sa War Robots Multiplayer Battles dahil bukod sa hindi high-end ang kagamitan, nagmimistulang cannon fodder ka lang ng mga manlalarong nasa mataas na level at nagbabayad ng mas malaking halaga para sa laro.

Laro Reviews