EFootball PES 2021 Review

Sa totoo lang, isa ang larong football sa tunay na nakakapagod na laro. Bagaman simple lamang naman ang mechanics ng sports game na ito, kung saan ang misyon mo, kasama ang iyong team, ay ang maipasok ang bola sa net ng kalaban. May kahirapan nga lang ang proseso para gawin ito, dahil kailangan mong takbuhin ang isang malawak na field, habulin, at ipasa ang bola sa pamamagitan lamang ng pagsipa rito, wala nang iba pa. Hindi maaaring gumamit ng kamay o kahit ang braso dahil ipinagbabawal ito sa laro. May katagalan din bago ka magkaroon ng puntos dito at kung minsan ay natatapos pa ang laban dito na walang naitatanghal na panalo. Gayunpaman, sa kabila nito, hindi maitatangging isa itong nakalilibang na laro at tunay na kinahuhumalingan ng lahat. Kaya naman, isa ito sa naging daan ng mga game developer upang makalikha ng isang larong maaari nilang maranasan ang soccer kahit nasa kanilang device lamang. Ilan sa mga iyan ang eFootball PES 2021 na inilabas ng KONAMI upang iparanas sa mga manlalaro ang kakaibang experience pagdating sa paglalaro ng football. Ngunit totoo nga kaya ito? Alamin natin iyan sa artikulong ito.

Features ng eFootball PES 2021

Ang eFootball PES 2021 ay mayroong tatlong columns na maaaring bumungad sa iyo sa oras na subukan mo nang laruin ito. Mayroong column na inilalaan para sa Match, Club House at Contract na siyang maaari mong silipin kung nais mong maging pamilyar sa kalakalan ng larong ito. Narito ang mga bagay na maaari mong makita sa loob ng mga column na ito:

  • Una nating silipin ang Match, kung saan laman nito ang iba’t ibang klaseng game modes, mapa-PvE man o PvP. Kung baguhan ka pa lamang ay una kang dadalhin ng laro sa Campaign mode kung saan maaari mong subukan ang Action Match (ikaw ang manlalaro) o kaya naman ang Sim Match (ikaw ang manager ng mga manlalaro). Ang Event mode naman ang maaari mong subukan kung nais mong makakuha ng iba’t ibang klase ng rewards. Laman naman ng game mode na ito ang events gaya ng Worldwide Clubs Challenge at Worldwide Clubs Tour na maaaring mag-expire sa nakatakdang oras. Ang eFootball at Friend Match ay ang mga game mode na maaari mong subukan kung nais mong makipaglaro kasama ang iba pang manlalaro ng eFootball PES 2021.
  • Laman naman ng Club House ang mga section patungkol sa iyong mga team. Dito ay maaari mong makita ang My Team kung saan laman nito ang kumpletong listahan ng iyong mga manlalaro at kung ilan pa ang maaari mong ma-unlock kung ipagpapatuloy mo pa ang paglalaro nito. Mayroon din ditong listahan pagdating sa Manager dahil na rin may game mode kung saan maaari mong gampanan ang pagiging isang manager. Kasama na rin dito ang gaya ng scouts, player cards, trainers at kasuotang maaari mong i-customize para sa iyong mga player. Sa Club House ka na rin maaaring magtungo pagdating sa Squad Management kung nais mong i-customize ang line up ng iyong team. Narito rin ang kumpletong listahan ng kanilang Achievements maging ang Practice kung saan laman nito ang tutorial at free training upang malaman ang ilang mga basic ng soccer.
  • Sa Contract naman makikita ang ilang mga section kung saan maaaring makatulong sa iyo kung nais mong makakuha ng mga player at manager. Makikita iyan sa Scouts kung saan ito ang makakatulong sa iyo upang pumili ng iba’t ibang klase ng players na may katangi-tanging skills pagdating sa soccer. Gayundin, pagdating sa Agent kung saan maaari mo namang i-sign in ang players pagdating sa specific na position. Sa Manager naman makikita ang kumpletong listahan ng mga maaari mong gawing manager para sa iyong team habang ang Auction naman ay ang maaari mong puntahan kung nais bumili ng mga item sa larong ito sa pamamagitan ng bidding o palakihan ng maibibigay na bayad para lamang makuha ang nasabing item.

Saan maaaring i-download ang eFootball PES 2021?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 96MB sa Google Play Store habang 1.9GB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng MuMu Player para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download eFootball PES 2021 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=jp.konami.pesam

Download eFootball PES 2021 on iOS https://apps.apple.com/us/app/efootball-pes-2021/id1117270703

Download eFootball PES 2021 on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/action/efootball-pes-2021-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng eFootball PES 2021

Upang magkaroon ng adbentahe sa eFootball PES 2021, kailangan mo lang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang ilang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Una, mainam na alamin ang abilidad ng iyong bawat player. Sikaping silipin ang My Team na section upang makita ang ilang impormasyon patungkol sa mga ito lalo na pagdating sa kanilang attacking styles, defensive styles positioning at marami pang iba na talagang mahalaga at mainam na gamiting gabay pagdating sa pagpili ng iyong gagawing line up sa bawat laban.

Pangalawa, walang masama kung susubukan mo ang lahat ng game mode sa larong ito lalo na kung PvP dahil sa oras na manalo ka rito ay maaari kang makakakuha ng iba’t ibang klase ng reward na siyang makakatulong sa iyo upang magkaroon ka pa ng adbentahe sa laro. Makakatulong din ito upang malaman mo kung alin pa sa iyong team ang nangangailangan ng improvement.

Panghuli, kung nasa loob ka naman ng laro, sikaping palaging naipapasa ang bola sa iyong kalaban. Idirekta ito mismo sa pagpapasahan upang hindi maagaw ng kalaban. Kung pagdating naman sa pagshu-shoot nito sa goal ay pigilan ang sarili na dalawang pindot ang magawa dahil maaari itong makalikha ng malakas na pagsipa. Tama na ang isang pindot upang makalikha ito ng katamtamang lakas at sapat na upang mapunta sa mismong goal.

Pros at Cons ng eFootball PES 2021

Hindi maikakaila ng Laro Reviews na talaga namang may maibubuga ang larong ito pagdating sa graphics nito. Mapapansin mo ito sa mismong labanang nangyayari rito kung saan tunay na ipaparanas sa iyo ng laro ang kung ano ang kalimitang naoobserbahan natin kapag nanonood tayo ng soccer, sa TV man o sa aktwal. Tunay na mabibighani ka sa camera angles na ginamit para sa larong ito na siyang nagiging dahilan upang malinaw mong masilayan kung paano kumikilos ang iyong mga tauhan sa loob ng isang malawak na field.

Dagdag na rin dito ang ekspresyong ipinapakita ng bawat player na talagang mapapansin mo, malapit man o malayo ang distansya. Nariyang makikita mo talaga ang frustration sa tuwing hindi nila naipapasok ang bola sa mismong net o kaya naman ang itsura ng kalaban sa tuwing nakaka-goal ka naman. Kitang-kita rin ang saya ng mga player sa tuwing nakakapuntos sila. Sabayan pa rito ang crowd kung saan tugmang-tugma itong inilapat depende sa nangyayari sa labanan. Mayroong tunog ng nanghihinayang kapag hindi naka-goal at mayroon namang tunog ng saya kapag naagaw ang bola sa kalaban at nakaka-goal.

Gayunpaman, sa kabila ng mga magagandang katangian nito, isang nakakapagpabawas lamang ng ganda ng larong ito ay wala itong ipinapakitang game control. Dahil basic nga lang naman ang kailangang gawin dito, hindi na inilagay pa ng developer ang mga button kung saan maaaring pindutin ng bawat manlalaro kung nais nilang sipain, tumakbo, ipasa ang bola sa kahit saang direksyon. Kumbaga, kailangan mo na lamang palawakin ang imahinasyon mo at tandaan mula sa training kung saang parte ng screen mo kailangang pumindot kung may nais kang gawin na isang bagay.

Konklusyon

Upang sagutin ang tanong na ating ibinigay sa unang parte ng artikulong ito, ang sagot ay oo. Tunay na hindi pumalya ang larong ito na ibigay ang isang kakaibang karanasan pagdating sa paglalaro ng soccer na talagang mararanasan mo lamang sa larong ito. Nagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang magandang graphics at iba’t ibang game mode na maaaring subukan ng bawat manlalaro. Iyon nga lang, dahil na rin siguro rito kung bakit may kalakihan ang space na kailangang ilaan para malaro ito. Malaki ito at isa ito sa nagiging mabigat na dahilan upang hindi ito masubukan ng iilan.