Cooking Craze: Restaurant Game Review

Ilang taon na rin simula nang magsulputan at pumatok sa internet ang mga larong may kinalaman sa pagluluto. Hanggang sa ngayon, patuloy pa ring tinatangkilik ang mga larong ito dahil hindi maitatangging nawiwili ang mga manlalaro rito. Isa sa pinaka kilalang cooking game ngayon na dinudumog sa mga gaming store ay ang Cooking Craze: Restaurant Game. Tunay ngang ang larong ito ay masasabing pinaka-upgraded sa lahat sapagkat ang mga feature nito ay hindi mo makikita sa ibang laro. Maliban pa rito, 2-in-1 rin ang larong ito dahil bukod sa pagluluto, mayroon pa itong sub-game kung saan malalaro ang Easter Egg hunting.

Paano nga ba nilalaro ang Cooking Craze: Restaurant Game?

Katulad ng ibang cooking games, simple lang din ang mechanics ng larong ito – mapagsilbihin ang lahat ng customers. Sa laro, higit na kinakailangan ang bilis sa pagse-serve ng mga pagkain upang ma-satisfy ang mga mamimili at makaipon ng maraming coins at collectible spoons sa laro. May mga pagkakataong marami ang magsasabay-sabay na orders kaya kailangang may mga nakahandang pagkain para hindi maghintay nang matagal ang mga customer. Ngunit siguraduhin ding hindi labis-labis ang mga niluluto upang maiwasang masunog ang mga ito at masayang. Bawat maipapanalong game level ay magbibigay sa manlalaro ng coins, spoon collectibles, tickets at iba pang rewards.

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Cooking Craze: Restaurant Game

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

  • Upang mabilis na mapagsilbihan ang mga customer, kailangang mabilis pumindot ang isang manlalaro sa mga sangkap na kinakailangan sa pagluluto ng gusto nilang pagkain;
  • Ang bawat customer ay mayroon lamang ilang sandali upang maghintay sa kanilang mga order. Kapag lumampas sa itinakdang oras at hindi pa rin naibibigay ang gusto nila, aalis ang mga ito sa food counter at mawawalan ka ng kita;
  • Dapat ding tandaan ang polisiyang, ‘first come, first serve’ upang hindi mag-alisan ang mga customer at lahat sila ay mabigyan bago maubos ang kanilang waiting-time;
  • Siguraduhing sapat ang mga gamit na paglulutuan upang mas maraming pagkain ang maluluto, ngunit tandaan na kailangang may nakahandang main ingredients sa laro katulad ng dough sa paggawa ng doughnut at burger buns sa paggawa ng burgers;
  • Tandaan din ang kasabihang, ‘ang lahat ng sobra ay nakakasama rin’, dahil ang bawat sobrang niluluto ay maaaring masunog at makakabawas sa dami ng iyong kita;
  • Hindi mo rin maaaring maluto ang lahat ng pagkaing gustong bilhin ng mga customer kung kulang ka sa mga kasangkapan sa pagluluto kaya kailangang magkaroon ka ng mga upgrade;
  • Maaari ring manood ng optional ads kung nais ng isang manlalarong doble ang coins at spoon collectibles ang makukuha niya;
  • Higit sa lahat, dapat na tandaan ng isang manlalarong mayroon lamang siyang limang lives. Kapag natalo ng limang beses ay kailangang maghintay ng 30 minuto bago ulit maipagpatuloy ang laro.

Mga feature ng Laro

  • Daily Rewards – Kapag araw-araw ang paglalaro ng Cooking Craze: Restaurant Game, mayroong pagkakataon ang isang manlalarong makakuha ng libreng bundle gifts, boosts, spoon collectibles at free rewards.
  • Spoon Collectibles – Mahalagang makaipon ng maraming bilang nito dahil kapag naubos ang limang lives sa laro, maaari mo itong gamitin upang bigyan ka ng instant five hearts at hindi na kailangang maghintay ng 30 minuto.
  • Achievements – Sa bandang kanang bahagi ng screen ay may makikitang button nito. Pindutin ito upang malaman ang mga task na kailangan mong magawa at mga task na nagawa mo na dahil ang bawat task ay may kaukulang tropeong naghihintay.
  • Setting – Dito naman matatagpuan ang lenguaheng gusto mong gamitin sa laro, notification sa lives restored, diner, daily task updates, daily rewards, bonus levels at marami pang iba.
  • Connect to Facebook – Kung gusto ng isang manlalarong makatanggap ng karagdagang 25 spoons, 200 coins at extra lives, maaaring kumonekta sa Facebook Account at magbigay anyaya sa mga kaibigan na laruin ito.
  • Decoration – Kung gusto namang palitan ang bihis ng iyong chef na gamit, mga mukha ng customer at iba pang special effects sa laro, pindutin lamang ang button na ito na makikita sa Settings.
  • World Map – Alamin ang mga sikat na lungsod sa mundo kung saan may pagkakataon kang magkaroon ng sariling food stall at magluto ng iba’t ibang klaseng pagkain.
  • Burn Proofer – Kung ayaw mong mangambang masunog ang iyong mga niluluto, sa upgrade button ay maaari mo itong bilhin upang tuluy-tuloy ka lang sa pagluluto.
  • Dust bin – Kapag hindi maiwasang magkaroon ng mga sunog na pagkain, pwedeng itapon ang mga ito rito upang hindi maantala ang iba pang sangkap na kailangang lutuin.
  • Tickets – Bukod sa daily rewards, mayroon ding pagkakataon ang mga manlalarong makatanggap ng mga libreng reward sa pamamagitan ng pagkumpleto sa mga kinakailangang ticket.
  • Timed Levels – May ilang mga game level din sa laro kung saan may oras na dapat habulin. Kailangang maabot ang goal upang hindi mabawasan ang lives.
  • Cupcakes – Kagaya ng mga totoong restawran, ang larong ito ay mayroon ding cupcakes bilang complementary food upang hindi maiinip sa paghihintay ang mga customer.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar ng inyong device, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store para sa iOS. Para naman sa gumagamit ng PC, gumamit ng emulator para i-download ang laro. I-click lamang ang link sa ibaba, i-install ito at hintaying ma-download para masimulan na ang paglalaro.

Download Cooking Craze: Restaurant Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.bigfishgames.cookingcrazegooglef2p

Download Cooking Craze: Restaurant Game on iOS https://apps.apple.com/ae/app/cooking-craze-restaurant-game/id1029094059

Download Cooking Craze: Restaurant Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/cooking-craze-on-pc.html

Pros at Cons ng Laro

Lubos na humahanga ang Laro Reviews sa dami ng game features na mayroon itong laro, lalo na sa sub-game nitong Blossoming Bistro kung saan kapag naubos na ang lives na mayroon ang isang manlalaro sa main game, pwede nitong bisitahin ang Blossoming Bistro at subukin ang kanyang galing sa larangan ng egg hunting. Sa halip na pagkain ang inihahanda sa larong ito, mga iba’t ibang uri ng bulaklak na nakalagay sa basket at bunnies ang binibili ng mga customer. Bawat 10 levels na mabubuksan ay mayroong naghihintay na mga nakakamanghang premyo.

Sa karagdagan, tiyak na bubusugin ka ng laro sa dami ng game levels nito at maaari mo na ring mapuntahan ang mga dream cities mo sa mundo sa pamamagitan ng pagbisita sa World Map. Sobrang nakakagaan din sa pakiramdam kapag nagtatagumpay sa bawat level. Nakakatuwang pagmasdan ang mga ngiti ng mga customer kaya mahahawa ka na ring ngumiti habang naglalaro. Kung pag-uusapan ang graphics, masasabi ng Laro Reviews na walang panama ang ibang cooking games kung ikukumpara ito sa graphics na mayroon ang Cooking Craze: Restaurant Game. Bawat bagay na makikita sa inyong screen ay may malinaw na imahe, kuhang-kuha rin nito ang mga detalye ng mga totoong pagkaing tampok sa laro.

Sa kabilang banda, nakakadismaya lang na hindi ito malalaro ng mga manlalarong walang kakayahang magkaroon ng internet connection. Habang tumatagal, lalo ring tumataas ang presyo ng mga bilihin sa upgrade, isang taktika ng developer upang mapilitang manood ng mga ad ang mga manlalaro. Sa katagalan ng paglalaro, nagkakaroon din minsan ng lagging kung saan nakakaranas ng delay sa pagpindot.

Konklusyon

Sa kabila ng ilang hindi kanais-nais na katangian ng laro, lubos pa ring naniniwala ang Laro Reviews na ang Cooking Craze: Restaurant Game ang isa sa pinakamagagandang cooking games na dapat masubukan ng lahat. Susubukin ng larong ito ang kakayahan at bilis mo sa pagluluto ng iba’t ibang pagkain. Hindi mo kailangang maging magaling na kusinero upang malaro ito. Sa katunayan, kailangan mo lamang maging mabilis upang maipanalo ang bawat game level.