Marahil isa ka rin sa mga nahumaling o patuloy na tumatangkilik ng mga cooking game. Ngunit narinig mo na ba ang Hotel Frenzy: Home Design? Kung hindi pa, hayaan mong ibahagi ko sa’yo kung tungkol saan ang larong ito at kung bakit dapat mo itong masubukang laruin.
Ang Hotel Frenzy: Home Design ay halos walang pinagkaiba sa gameplay ng mga classic cooking game. Ang lamang lang ng laro ito ay may kasama itong hotel management tasks kaya bukod sa pagluluto ng mga pagkain, kailangan mo ring pagsilbihan ang mga guest ng iyong hotel. Sina Coco at Tom ang mga karakter sa larong iyong gagampanan. Si Coco ang namamahala sa paglilinis ng mga silid ng hotel at naghahanda ng mga pagkain ng mga guest, habang si Tom naman ang nagsisilbing Cashier Clerk na siyang nag-aasikaso sa check-ins at check-outs ng mga customer.
Ang pangunahing layunin mo sa laro ay ang masigurong nasusunod ang lahat ng goals ng bawat level dahil kahit may isang task ka lamang na hindi nagawa ay matatalo ka na agad sa laro.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:
Bago mo tuluyang simulan ang paglalaro sa bawat game level, dapat mo munang tingnan ang nakasaad na goals to achieve upang mapaghandaan mo ang bilang ng mga guest na dapat mong asikasuhin at maabot ang bilang ng likes o similes na hinihingi ng laro. Sa kabuuan, mayroon lamang apat na silid ang iyong hotel kaya bawat may lumilisan na guest, asahan mong mayroon na agad nakaabang na papalit.
Katulad ng halos lahat ng laro, madaling malampasan ang mga naunang level sa larong ito. Ngunit habang tumatagal, mas lalo ring nagiging mahirap ang mga pagsubok na dapat mong lampasan. May mga game level na mayroong sampung guests na kailangang asikasuhin kaya dapat doble, o triple ang magiging bilis nina Coco at Tom upang lahat ng mga kahilingan ng mga customer ay matupad.
Sa laro, ang pag-order ng mga guest ng pagkain, paglinis ng mga silid at pag-check-in at pag-check-out ay mayroong oras na dapat hinahabol. Katulad sa mga cooking game, ang mga guest sa larong ito na matagal na naghihintay na ma-asikaso ang kanilang mga kagustuhan ay nagagalit din, kaya dapat siguraduhin mong ang bawat isa sa kanila ay agad na maasikaso upang hindi mabawasan ang coins na iyong matatanggap.
Kung ikukumpara ang bigat ng gawain ng dalawang karakter na iyong ginagampanan sa larong ito, masasabing higit na mas mahirap ang mga ginagawa ni Coco kung ikumpara ito sa trabaho ng kanyang kasamang si Tom. Kaya upang tulungan si Coco, sikapin mong magkaroon ng mga booster upang mapabilis ang paglilinis o pagluluto rito.
Maliban sa pag-aasikaso ng mga guest, binibigyan ka rin ng pagkakataon ng larong itong pagandahin ang iyong hotel. Ikaw ang bahala sa pagpili sa mga materyales katulad ng mga bintana, pinto, tiles counter set-up at iba pa. Gayundin, maaari mo ring i-upgrade ang mga pangunahing kailangang mga kagamitan sa loob ng hotel kagaya ng oven, soda dispenser, cleaning equipment at iba pa.
Ang mga pangunahing goal na dapat mong magawa sa laro ay masigurong walang guest na aalis sa iyong hotel dahil sa inis sa paghihintay, walang pagkaing mada-drop, walang pagkaing itatapon sa trash bin, at maabot ang kinakailangang bilang ng coins, smiles at likes na hinihingi ng laro.
Huwag ding hahayaang mapalitan ng kulay dilaw o pula ang makikitang kulay berdeng waiting-time indicator sa itaas ng ulo ng bawat guest dahil ang kulay dilaw ay hudyat na mababawasan ang coins na iyong matatanggap at ang kulay pula naman ay nangangahulugan ng iyong malapit nang pagkatalo sa laro. Kaya upang masigurong mabilis na maaasikaso ang bawat customer, kinakailangan mo ang tulong ng mga booster sa laro. Higit sa lahat, sikaping hindi mauubos ang iyong five lives upang hindi tuluyang ma-game over sa laro.
Saan maaaring i-download ang laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangan namang i-download ang GameLoop sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:
Download Hotel Frenzy: Home Design on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.techvision.hotelfrenzy
Download Hotel Frenzy: Home Design on iOS https://apps.apple.com/us/app/hotel-frenzy-design-makeover/id1539635147
Download Hotel Frenzy: Home Design on https://www.gameloop.com/game/adventure/com.techvision.hotelfrenzy
Features ng Laro
- Magic Broom – Kapag ginamit ito sa laro, hindi mo na kailangan pang maghintay nang matagal bago tuluyang malinis ang mga silid sa iyong hotel, dahil sa loob lamang ng isang segundo ay magagawa na ng Magic Broom na linisin ang lahat ng silid.
- Lollipop – Maraming pagkakataon sa laro na magkakaroon ka ng sabay-sabay na mga guest kaya hindi mo maiiwasang maasikaso kaagad ang kanilang mga kagustuhan. Ngunit kapag binigyan mo ang mga ito ng lollipop, tiyak na mawawala ang kanilang pagkairita at manunumbalik ang mga ngiti sa kanilang mga labi.
- Timer – Kung gusto mong tapusin kaagad ang lahat ng mga gawain sa iyong hotel, gamitin lamang ang timer upang mabawasan ang oras ng waiting-time sa pagluluto at paglilinis.
- Gift Box – Kapag sunud-sunod mong naipapanalo ang bawat game level, maaari kang makatanggap ng hanggang tatlong gift boxes kung saan ang bawat isa ay naglalaman ng magkakaibang rewards kagaya ng coins, gems, at boosters.
- Avatar – Sa ilang pagkakataon, maaari ring madagdagan ang avatar ng mga guest na pumapasok sa iyong hotel.
- Rocket – Isa sa mga booster na nagbibigay-kakayahan kay Coco na kumilos nang mas mabilis.
Pros at Cons ng Laro
Totoong hindi sa lahat ng pagkakataon ay mayroon tayong oras upang magbakasyon sa pook pasyalan at mamalagi sa mga hotel. Ngunit sa Hotel Frenzy: Home Design, mayaman man o mahirap, lahat ay may pagkakataong magkaroon ng sariling hotel. Kaya hindi maiwasang humanga ng Laro Reviews sa konsepto ng larong ito dahil hindi maikakailang marami ang masisiyahan sa pagdisenyo ng sarili nilang hotel at mag-asikaso sa iba’t ibang uri ng guests.
Sa karagdagan, maaaring malaro ang Hotel Frenzy: Home Design kahit offline kaya kung wala kang access sa internet, hindi iyon problema sa larong ito. Maliban pa rito, optional din ang mga ad at kapag pinanood ay magbibigay pa sayo ng mga mahahalagang reward. Sa kabutihang palad, hindi rin nagkakaroon ng lagging o glitching sa laro.
Sa kabilang banda, maituturing naman ng Laro Reviews na isa sa mga negatibong katangiang mayroon ang larong ito ay ang pagkakaroon ng mga game level na halos imposibleng lampasan kung wala kang booster na gagamitin, o hindi ka gagastos ng totoong pera upang bibili ng mga gem at iba pang boosters.
Maraming pagkakataon ding sobrang dami ng mga guest na naghihintay sa cashier upang mag-check in, ngunit may mga taong kapapasok lamang sa apat na silid ng hotel kaya nagkakaroon ng mahabang pila at marami sa kanila ang tuluyan nang naiirita at tumatalikod paalis ng hotel.
Konklusyon
Kung naghahanap ka ng isang cooking game, ngunit may twist, tiyak na magugustuhan mo ang Hotel Frenzy: Home Design dahil bukod sa pagluluto, marami ka pang bagay na pwedeng gawin kagaya ng pagpapaganda ng iyong hotel, pag-aasikaso ng iyong mga hotel guest at pagluluto ng iba’t ibang masasarap na pagkain. Ang tanong, nais mo rin bang masubukan ang larong ito? Kung oo, i-download na ito sa iyong device.