Cooking Master: Worldwide Review

Mahilig ka bang magluto ng iba’t ibang klase ng putahe? Kung gayon ay ito na ang pagkakataon mong ipamalas ang iyong talento at galing sa pagluluto! Sa Cooking Master: Worldwide na isang simulated cooking game na ginawa ng DOCOOL LIMITED, mapapansin mo kung gaano katugma nito sa iyo. Sapagkat tulad mo, ang iyong magiging karakter sa laro ay isang chef na may pangarap. Dahil dito, patuloy siyang nag-eensayo sa pagluluto at nag-e-explore sa food culture at ethnic customs sa buong mundo. Patuloy na basahin ang article na ito mula sa Laro Reviews para malaman ang detalye nito!

Gameplay ng Cooking Master: Worldwide

Dadaan ka muna sa tutorial sa simula ng laro. Ang una mong kailangang matutunan ay ang pag-click sa ingredients para simulang lutuin ito. Makikita mong mayroong timer sa tuwing may niluluto ka. Kailangan mong antabayanan kung kailan ito maluluto dahil doon mo pa lang ito pwedeng kunin. Mapapansin mong magiging kulay pula ang timer. Ito ang indikasyon na dapat mo nang kunin ang bagong lutong pagkain. Dahil kung hindi, masusunog ang pagkain at hindi na ito pwedeng makain ng customer.

Pareho lang din ang iyong gagawin kapag ang order ng customer ay inumin. Antaying matapos ang timer sa paggawa ng inumin at i-click ito pagkatapos para mai-serve sa customer. Ngunit ang pinagkaiba nito sa pagluluto ng pagkain, hindi kailangang i-click ito agad dahil mananatili lang ang inumin sa lamesa hanggang sa i-serve mo ito.

Makakakuha ka ng key bilang reward sa tuwing nakukumpleto mo ang isang level. Kailangan mo ito upang ma-unlock ang ibang parte ng laro tulad ng restaurants. Bago mo simulan ang level, makikita mo kung pang-ilan star mo pwedeng makuha ang key. Ang stars na ito ay kinakatawan ng tatlong food covers na nasa ibaba ng level number. Halimbawa, nasa unang star mo makukuha ang key kaya isa ang key sa rewards mo kapag nakumpleto mo ito. Ngunit kung ang nakalagay naman ay nasa ikalawang star mo makukuha ang key, ibig sabihin ay kailangang dalawang beses mo makumpleto ang level para rito.

Saan Pwedeng I-download ang Cooking Master: Worldwide?

Sa bahaging ito ng article ituturo kung saan at paano i-download ang Cooking Master: Worldwide. Kasalukuyang available ang laro sa Android at iOS devices at sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Cooking Master: Worldwide on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.duoku.happycooking

Download Cooking Master: Worldwide on iOS https://apps.apple.com/no/app/cooking-master-worldwide/id1464126570

Download Cooking Master: Worldwide on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.duoku.happycooking

Tips at Tricks sa Paglalaro

Maipapayo kong subukan mong gumawa ng combos kapag nagse-serve ng orders. Sa ganitong paraan, maaari kang magkaroon ng maraming coins kapag mas maraming combos ang nagawa mo. Para magawa ito, kailangang magkasunod ang pagse-serve mo ng orders sa customers. Makikita mo ang meter nito sa itaas kung saan napupuno ang bawat bar sa tuwing nakakagawa ka ng combo. Ang maipapayo ko sa iyo ay gumawa ng mas maraming combos upang lalong madagdagan ang coins na iyong makukuha sa level. Hanggang limang magkakasunod na combo ang pwede mong gawin.

Alamin kung ano ang mismong hinihinging target ng nilalarong level sapagkat paiba-iba ito. May mga pagkakataon kung saan ang hinihinging target ay maabot ang partikular na dami ng dishes na iyong mai-serve, goal na dapat kitain, partikular na bilang ng thumbs up, at iba pa. May levels din kung saan mayroon itong Time Restriction kung saan mabibigyan ka lamang na limitadong oras para mag-serve ng customers. Ang layunin mo sa ganitong levels ay mag-serve ng maraming customers hanggang sa maabot mo ang goal. Kailangan mo itong magawa bago maubos ang oras. Dapat maging mabilis ka sa pagluluto ng dishes at pag-serve nito sa customers para mai-maximize ang buong oras at siguradong maabot mo ang target sa level na iyon.

Sa levels na ang target ay makakuha ng partikular na bilang ng thumbs up, ang tip ko para makumpleto mo ito ay maging mabilis sa iyong pag-serve ng orders. Habang naghihintay ang customer sa kanilang order, patuloy na bumababa ang satisfaction. Dapat antabayanan mo ang meter na makikita sa tabi ng kanilang orders sapagkat dito mo malalaman kung nasa 50% pataas pa ba ang satisfaction nito. Kapag bumaba ng 50% ang satisfaction ng customer, hindi ka na makakakuha ng thumb up kahit na i-serve mo ang kanyang order.

Isa rin sa importante mong dapat na gawin ay ugaliing mag-upgrade ng equipment na ginagamit sa kitchen. Kinakailangan ng coins upang ma-upgrade mo ito ngunit minsan ay pwede kang mag-upgrade nang libre sa pamamagitan ng panonood ng ads. Kabilang dito ang oven, cola machine, plate, cupcake ingredients, fillings, toppings, at iba pa. Para malaman kung alin ang dapat mong unahing i-upgrade, ang tip ko sa’yo ay hanapin kung nasaan ang may nakalagay na “Recommended” dahil iyon ang pinakakailangan mo para mapadali ang iyong pagse-serve.

Pros at Cons ng Cooking Master: Worldwide

Kapansin-pansin ang pagiging cute ng laro pagdating sa disenyo at mga karakter nito. Masaya itong laruin lalo na kung hilig mo ang simulated cooking games. Nakakatulong din ang tutorial sa laro sa tuwing may idinadagdag na feature sa nilalarong level. Kaya madali itong maintindihan ng mga manlalaro. Dagdag pa rito, mayroong mga pagkakataon kung saan pwedeng madoble ang iyong coins sa pamamagitan ng panonood ng ads. Gayunpaman, makakakita ka ng grammatical errors sa laro at paulit-ulit na lumalabas ang instruction nito tungkol sa combo kahit na ipinakita na ito sa simula ng laro.

Ilan sa cons na inangal ng mga manlalaro ay ang pagiging mahirap laruin ng laro habang pataas nang pataas na ang levels. Bagaman normal na mas nagiging mahirap ang laro habang tumatagal, ang hindi nila nagustuhan ay wala kang ibang pwedeng gawing paraan para makatulong sa iyo. Kahit na-upgrade mo na ang lahat ng equipment hanggang sa maximum nito na three stars, napakahirap pa ring makumpleto ang target sa levels na ito. Bukod pa rito, masyadong mahal ang boosts na mabibili mo lamang ito kung magbabayad ka ng aktwal na pera para rito. May mga manlalaro ring nakaranas ng pagkawala ng kanilang progress sa laro kabilang ang inipon nilang coins at ang lahat ng levels na kanilang natapos. Nangyari ulit ito pagkatapos nilang i-reinstall ang app.

Konklusyon

Kagaya ng karaniwang simulated cooking games, magkakaroon ka ng pagkakataong ipamalas ang iyong galing sa pagluluto sa Cooking Master: Worldwide. Ang pinagkaiba lang nito sa ibang mga larong may parehong genre ay ang cute na disenyo nito. Kaya kung mahilig ka sa cute na mga bagay at sa pagluluto, ito ang larong sakto sa iyo. Isinaad din ng Laro Reviews sa article na ito ang parehong pros at cons ng laro kaya nasa sa iyo na kung magugustuhan mo itong subukang laruin. Matatagpuan din dito ang ang tips at tricks na makakatulong sa iyong paglalaro.